Chapter 1 - Lobby

5 0 0
                                        

"Don't worry darling, mas bagay ka doon. Matutulungan ka nila, right hon?" Nakatitig lang ako sa salamin sa may vanity table ko habang sinusuklayan ako ni Mommy ng buhok. Parang hindi ako makagalaw, tinititigan ko lang ang sarili ko, sinusubukan kong basahin ang sarili kong emosyon... pero wala. Sinubukan kong  tumingin kay Mommy. May mga luha sa mga mata niya, pero hindi siya mukhang malungkot. Tumingin ako sa kamay niya na sumusuklay sa mga buhok ko, at nanginginig ang mga ito. Pumikit na lamang ako dahil hindi ko rin alam kung ano ang nararamdaman ni Mommy ngayon. Para akong nawawala sa sarili ko.

"Tama na 'yan Carla, kailangan na niyang umalis," sabi ni Daddy, sabay bitbit sa mga gamit ko palabas ng pinto ng kwarto ko. Nagmamadali naman si Mommy na sumunod sa kaniya kaya't naiwan pa ko sandali na mag-isa habang tinitignan ang kwarto ko. Inikot ko ang bawat sulok nito, inayos ko sa huling pagkakataon ang kama ko. Kailan kaya ako makakabalik dito? Narinig ko na ang sigaw ng Daddy kaya bumaba na rin ako agad. Bumungad naman sa akin ang yaya ko na si Ate Emma. Sinubukan ko siyang ngitian, lalapit sana ako para magpaalam pero tumungo lamang siya at pumunta na sa kusina. Hindi ko maintindihan kung bakit ganun na lamang ang trato niya sa akin nitong mga nakaraang araw. Simula din noon, hindi na niya dinadala ang anak niya dito sa bahay, na kasundo ko sa pag-aaral at sa panonood ng mga movies. Malimit na rin niya akong kausapin, tulad nina Mommy at Daddy.

Nagtungo na ako sa garage, pero bago pa man ako sumakay ay nagtanong ako kay Mommy. "Dadaanan ba natin si kuya sa dorm niya? Gusto ko sana siya makita-", naputol ang sinasabi ko ng magsalita si Daddy. "Busy ang kuya mo, 'wag ka na masyadong maraming tanong Cali. Sumakay ka na." Mas lalo lamang akong nawalan ng gana at sumakay na lang sa kotse. Ilang araw ko na sila gustong kausapin ng maayos, gusto ko na rin  makausap ang mga kaibigan ko, pero parang  iniiwasan talaga nila ako. Subukan ko pa rin kaya?

"Mommy pwede ko ba kayong tawagan doon? Baka kasi mabagot ako e. Masarap kaya mga pagkain doon? Mamimiss ko mga luto mo for sure." Tumingin lang siya sa'kin at ngumiti.

Tinatanggal ko ang kaba na nagsisimula nang mamuo sa dibdib ko. Hindi ako sanay sa ganito, masaya naman kami palagi noon. Ngayong nasa loob kami ng sasakyan, sobrang tahimik at sobrang bigat sa pakiramdam. Tahimik lang na nagmamaneho si Daddy, at si Mommy naman sa driver's seat ay nakatingin lang din sa daan. Hindi ko mapigilang magtaka kung saan ba talaga nila ako dadalhin. Hindi naman ako makapagtanong dahil hindi rin naman nila ako sinasagot. Sa tagal ng biyahe ay hindi ko namalayang nakatulog na pala ako.

Nagising ako dahil ramdam ko ang bahagyang pag-alog ng sasakyan sa lubak na dinaraanan namin. Nilibot ko ang paligid at nakitang halos nasa liblib na parte na yata kami ng kung anong lugar. Puro mga puno lang ang nakikita ko, wala pa akong makitang tao o bahay man sa paligid. Tinignan ko ang cellphone ko pero lowbat na pala ito. Sinilip ko ang oras sa harapan ng kotse at nakitang 9:30pm na pala. Walong oras mahigit ang biyahe namin? Tinignan ko lag sina Mommy at Daddy pero ni hindi ko man lang sila narinig na mag-usap miski nang maalipungatan ako. Paano nila natitiis na hindi mag-usap? Samantalang ako, gusto ko sila kausapin pero wala naman akong nakukuhang sagot sa kanila. Ilang sandali pa ay huminto kami sa harapan ng isang napakalaking gate. May mga bantay dito na mga nakaputi. Apat na guwardiya sila na nagbabantay dito. Bumaba na si sina Mommy kaya't bumaba na rin ako. Pagkatapos kuhanin ni Daddy ang mga gamit ko ay dumiretso kami sa mga guwardiya.

"Magandang gabi po, may appointment po sila?" May inabot na sulat si Daddy doon sa bantay. Binasa ito nung isang bantay at tumango sa Daddy ko. "Mommy-", magsasalita pa lamang ako pero hinawakan na niya ako at pumasok kami sa loob. Napakalawak ng lugar na 'to, napakalinis, puti lahat ng pintura miski mga kagamitan sa loob. Hinatid kami nung isang bantay sa napakalaking lobby. "Sandali lamang po, tatawagin ko lang po si Mr. Caige." Umupo kami sa waiting area at may malaki at mataas na salamin ang nasa harap namin. Kitang-kita ko tuloy kung gaano kami awkward sa isa't-isa.

RESETWhere stories live. Discover now