Natahimik din kami kaagad kasi namataan namin parehas na pabalik na sina Zala. And for some reason, tahimik siya. Mukha namang natatawa si Andrius kaya baka napikon lang sa kaniya kaya nananahimik ito.
Hindi naman nawala ang ngiti ni Justine habang nagd-drawing kaya nangangasim ang mukha ni Zala habang nakatitig dito. Natatawa na lang ako kasi alam niya na siguro ang nangyari pero wala siya sa mood para mang-asar.
"Lol. Sabihin mo peke ka lang talaga," bubulong-bulong na aniya. Akala ko pa nga ako ang tinutukoy pero umimik bigla si Andrius kaya hindi na ako nakisali sa kanila. Sanay na rin ako sa dalawang 'yan.
"Kahapon ko lang din nalaman? Buti nga sinabi ko sa 'yo, eh. . ."
"Kung 'di ka nilibre, 'di mo pa sasabihin."
"S'yempre—"
"See?! Magsama kayong dalawa ng tropa mo!"
"Silang dalawa ang magsasama—"
". . ."
Doon na tumayo si Zala para bumalik sa room. Sinundan din naman siya kaagad ni Andrius. "Pikunin naman 'tong si bangs girl. . ." bulong niya pa sa sarili.
"Anyare dun?" tanong ko sa kawalan. Napakamot pa ako sa ulo. Natawa bigla ang katabi ko kaya napalingon ako rito. "Bakit?"
Justine is a funny guy. Siya 'yong tipong kahit tignan mo pa lang, matatawa ka na. Madalas siyang laughing stock pero magaan naman sa kaniya. Marami rin naman siyang kaibigan na nakikita kong pinapahalagahan din siya.
Na-realize ko tuloy na para akong tanga na kinakabahan noong 'di ko pa nasasabi sa kaniya. Nakalimutan kong magaan nga pala siyang tao. Hindi siya mahirap pakisamahan.
"Baka nalaman niya na may gustong iba si Dyve—"
"Ha?" taka kong putol sa sinabi niya. "May iba ba? Parang wala naman, ah?"
"Mayroon. . ." aniya pa kaya hindi na lang ako umimik. Sakit naman no'n.
"Gusto mo na bang bumalik sa loob?" tanong niya maya-maya pa.
"Hindi ka pa ba tapos?"
"Gusto ko sanang pag-usapan natin 'yung atin," wala sa hulog niyang sabi kaya para akong naubo bigla.
"A-anong atin?"
Nautal pa nga!
"Ano. . ." parang hindi niya rin kayang sabihin nang buo. Hindi nga kami makatingin sa isa't isa. Ang awkward na naman!
Narinig ko ang buntonghininga niya bago siya muling magsalita. "Hindi naman kayo ni Galen, 'di ba?"
Mabilis pa sa alas singko ang pag-iling ko. "Hindi, 'no!"
"Nililigawan ka niya?" he squinted his eyes on me. Inilingan ko muli siya. "Buti naman. . ."
"B-bakit ba?"
Bakit ba ako nauutal?! You tell me, bakit ba?!
"Gusto ko sanang manligaw. . ." napatayo pa siya at muling napalipad ang kamao sa labi. "Tangina. Ako ba 'to?!"
"Hindi ko narinig," maang-maangan ko dahil hindi ko pa alam ang isasagot ko! Hindi ko naman 'to naramdaman noong si Galen ang nagtanong!
Mag-oo na ba si self?! No way! Ang bata ko pa rin!
Pero siya naman ang first crush at. . . love ko! Counted ba 'pag gano'n?
Tumikhim pa siya bago ako hinarap. "Penelope, p'wede ba akong manligaw?" malinaw na malinaw niyang tanong.
Pinigilan ko pa ang sarili kong ngumiti bago umiwas ng tingin sa kaniya. "Kung gusto mo. . ."
"Yis!" parang timang niyang sigaw kaya natawa ako nang tuluyan. B'wisit talaga ang mga pauso nila!
"Pero ayoko muna ipaalam sa kanila. . ." dagdag ko. Kita ko ang pagtataka sa mga mata niya kaya iginiya ko muna siya paupo bago magpaliwanag. "Kita mo naman 'yan sina Zala mang-asar. Baka kasi malaman ni Papa tsaka ayoko rin ma-chismis. Friends na lang siguro muna?"
"Anong friends?" simangot niya. "Akala ko ba pinapayagan mo na akong manligaw?"
"Oo nga pero private lang 'yon. P'wede mo naman sabihin sa friends mo pero 'wag naman sa mga nang-aasar. . ."
"Oo nga pala. Hindi mo ba pinayagan si Galen manligaw? Nakakailang naman kung sasabihin ko sa kaniya. . ." aniya habang nag-iisip. "Nag-uusap ba kayo?"
Tumango ako.
"Aguy. Sana all," pairap niyang sabi pero dinugtungan niya naman ng tawa. "Okay lang! At least ako pinayagan manligaw."
"OA mo. Tapusin mo na 'yang drawing," nangingiti kong anas sa kaniya. "Samahan mo rin ba ako magkulay mamaya?"
"Sure ka?"
"Hindi ka ba sure?"
"Sure na sure! Sure na sure sa 'yo. . ." halos pabulong niyang sinabi 'yung dulo pero napangiti niya pa rin ako. Baliw!
"Project naman natin 'yan parehas. . ."
ESTÁS LEYENDO
Typing Status: Falling
Novela JuvenilPenelope Evyn. | Epistolary with Narration. | Crush Chronicles #2
