Miyerkules ng hapon noong unang nakatikim si Enzo ng isang tableta.
Maliit at kulay asul, parang langit. Inabot ito ni Anniza sa kaniya nang maubos na niya ang pang-apat na tasa ng kape at pang-pitong bato ng gusot na papel.
"Makakatulong 'yan sa'yo." saad ni Anniza, lumunok siya ng isang tableta na animo'y kendi. "You'll thank me." sabay kindat.
Tinanggap niya at sinubo ito, muntik nang hindi. Ayaw niya nang nangangailangan ng kahit ano, pero ayaw rin ni Enzo sa mga canvas niyang kalahating tapos, pinupuno ng mga ito ang studio niya. Hindi niya gusto ang paraan ng kaniyang pagiisip, tila tumatakbo lang siya sa isang bilog nang walang katapusan.
Nilunok niya ang tableta.
At ganoon lang, tumigil siya sa pagtakbo nang paikot-ikot. Nagsimula siyang lumipad.
Kinakausap siya ng mga kulay. Ang mga linya ay biglang tumuwid. Ang brotsa ay hindi na gawa sa kahoy at balahibo—kidlat na ito sa kaniyang kamay. Nagsimula na ulit siyang magpinta hanggang sa kumirot ang mga daliri at ang mga balikat ay mangalay at ang araw ay lumubog, sumikat, at lumubog ulit.
Hindi lamang nailabas ni Enzo ang nais niyang maipakita sa mga nilikha, tila sumabog ito.
Napansin ng mga kritiko. Dumagsa ang mga kliyente. Hindi na siya basta, 'tahimik na may talento' lang sa gilid, siya na si Enzo Rivera—pintor ng liwanag at anino.
Iyong tableta ay walang pangalan. O siguro ay mayroon, pero wala naman siyang pakialam.
Gumana ito.
~ ~ ~
"I'm not addicted," sambit niya kay Anniza isang gabi, pareho silang nakapaa sa sahig na puno ng pintura.
"Iniinom mo nga araw-araw," tugon nito, mahina at walang bahid ng panghuhusga sa tinig.
"I need it to get through the clutter, Iza. To find the real thing inside. 'Di ko 'to kakailanganin habang buhay, okay? Just... not yet."
Tumango na lang ang babae, ngunit wala na ang ngiti nito sa labi.
~ ~ ~
Nang magtagal, ang mga obra ni Enzo ay mas dumilim. Mas detalyado, mas nakagigimbal. Isa rito ang canvas na nagpapakita ng mga labi na puro hiwa, tinatahi ng isang gintong karayom, ang sinulid ay buhok. Mayroon pa—isang self-portrait—walang mga mata, usok lamang na tila isang kaluluwa na kumakawala. Sa lahat ng kulay na kaniyang ginagamit sa pagpinta, pula ang tanging naiiba dahil ito ay sariling dugo niya.
Mas minahal pa ng tao ang likha ni Enzo.
Nakabenta pa siya ng marami, mabilis pa sa oras na ginugol niya sa paggawa ng mga ito.
Dalawang tableta na ang iniinom niya.
Minsan, tumititig siya sa sariling repleksyon mula sa salamin, pakiramdam niya ang kaharap ay iginuhit lamang ng isang estranghero mula sa memorya.
Minsan, nagpinta siyang nanginginig ang mga kamay ngunit hindi niya mapagtanto kung ang pagnginig ay dahil sa kulang ang tableta o dahil hindi pa ito sapat.
Minsan, nahagip ng mga mata ni Enzo si Anniza sa kaniyang gallery show, pero hindi kailanman lumapit ang babae.
Nasira na ang pagiisip ni Enzo, ngunit hindi ito tipikal na dramatikong pagsabog ng mga emosyon na kung saan ay walang tigil na paghagulgol at pananakit sa sarili. Tahimik ito. Katahimikang nakakabaliw, hindi niya na ito kaya.
Walang pagnanais na magpinta. Walang pagnanais na lumikha.
Isang... katahimikan.
Lalo siya nitong tinakot.
Kaya naman uminom siya ng tatlo. At apat.
Hindi siya pinatay ng labis na pag inom nito. Ngunit may iba itong pinatay—ang tiwala sa sarili, ang kumpiyansa sa isip, ang kasinungalingan na kontrolado niya ang apoy.
Nagising siya sa isang puting kumot at puting dingding at isang nurse na ang boses ay tila taglamig.
Dumating si Anniza.
Hindi ito nagsalita ng ilang sandali. Pagkatapos, malumanay: "I used to love watching you work. Kahit na alam kong ayaw mo 'yong lahat ng mga ginagawa mo."
Hindi siya umiyak. Bulong niya, "Hindi ko na alam kung ako pa rin ba talaga 'yong nagpipinta."
Kinuha ni Anniza ang kamay ni Enzo. "Then find out."
Sa loob ng anim na buwan, hindi siya nag pinta.
Nang ginawa na niya, ang bawat linya ay baluktot. Hindi tumpak ang mga kulay.
Pero kaniya ito.
At sa kauna-unahang pagkakataon sa nakalipas na mga taon, sapat na iyon.
YOU ARE READING
When the Flame Paints
General FictionTrigger Warning: Addiction When you've been given a talent but not the passion.
