Chapter 17.2

3.4K 99 3
                                    

Nang bigla siyang napalingon, ilang talampakan na lang ang layo ni Crystal sa kinaroroonan niya. Umuungol ito sa galit.

"Takbo, Carylle. Takbo," pakiusap ni Lorenz.

Iyon lang at mabilis siyang tumayo at tumakbo. Humahabol naman sa kanya si Crystal.

Ilang segundo pa lang siyang tumatakbo nang madulas siya at tuloy-tuloy na dumausdos pababa hanggang masadlak siya sa isa na namang putikan. Napapalibutan ito ng naglalakihang mga puno at mga halamang may tinik.

Pinilit niyang tumayo nang maramdaman niyang sumabit pala ang leeg niya sa isang baging. Nang tinangka niyang alisin ng kamay ang pagkakapulupot ng baging sa leeg niya ay noon lang niya nalaman na maging ang kamay niya at braso ay napupuluputan ng mga sanga ng halamang may tinik. Napasigaw siya nang tangkain niyang igalaw ang mga bahaging iyon ng katawan dahil lalong bumaon ang mga tinik sa balat niya. Unit-unting umagos ang dugo sa kamay at braso niya.

Pero hindi iyon ang labis na gumigimbal sa kanya ngayon. Paano'y heto na si Crystal. May hawak na malaking putol ng kahoy. Walang anumang lumapit ito sa kinaroroonan niya. Nakakapagtakang hindi man lang ito ginambala ng mga nakahambalang na baging, ugat at mga sanga ng puno at halaman. Pinilit pa rin niyang kumawala sa pagkakapulupot ngunit tila lalong humigpit ang mga iyon. Unti-unti na ring nangangapos ang kanyang hininga.

Ngayon ay nasa harap na niya si Crystal. Mas lalong nakakatakot ang anyo nito. Naglaho na ang dating maamo nitong mukha. Ang pumalit ay nanlilisik na mga mata, nagngangalit na mga ngipin at duguang mukha at katawan. Dugo ng kanyang pinakamamahal na si Jude.

Biglang napalitan ng galit ang takot na bumabalot sa kanyang pagkatao sa pagkakaalala sa sinapit ng kaawa-awang kasintahan. Nagtatagis ang mga ngipin na hinarap niya ang mga titig nito. Nanigas ang kanyang mga kalamnan at nagkislutan ang kanyang mga ugat. Naramdaman niya ang unti-unting pag-iinit ng medalyon sa tapat ng kanyang dibdib hanggang pakiramdam niya ay halos nagliliyab na ito at siya naman ay parang naglalagablab sa sobrang init. Nang itinaas ni Crystal ang kahoy upang ipalo sa ulo niya ay tiyempo namang nagpalabas ang medalyon ng isang puting-puting liwanag diretso sa dibdib nito. Tumilapon ang babae sa sobrang lakas ng impact. Nabitiwan nito ang kahoy at bumagsak sa putikan.

Napakabilis ng mga pangyayari. Maging siya man ay nagulat din. Maya-maya'y isang pigura ang iniluwa ng kagubatan. Pasuray-suray na lumapit ito sa kinaroroonan niya. Gayon na lang ang tuwa niya nang makilala ito.

"Lorenz? Diyos ko. Salamat at ligtas ka."

"Mababaw lang ang bangin na kinahulugan ko, Carylle. Mabuti na lang at nasundan ko kayo," sagot nito habang pinuputol ang mga sanga at baging na nakapulupot sa kanya gamit ang isang itak.

"Hindi ko kagustuhan ang nangyari, Lorenz," umiiyak na wika niya habang tinatapunan ng binata ng tingin ang nakahadusay na katawan ni Carylle sa putikan.

"Alam ko, Carylle. Nakita ko ang mga pangyayari. At wala rin siyang kasalanan, ginamit lang siya ni Sarina."

Nang maalis siya mula sa putikan ay binalikan ng binata ang katawan ni Crystal. Binuhat iyon at pagkatapos ay bumalik sa kinaroroonan niya.

Nanlalatang tinunghayan niya ang mukha ng kaibigan. Wala na ang bangis nito. Bumalik na ang dating maamong anyo nito.

Itinapat niya ang dalawang daliri sa leeg nito at gayon na lang ang tuwa niya.

"Buhay pa siya, Lorenz. Humihinga pa siya."

"Ganoon ba?" gulat na sabi ng binata. "Kung gayon ay kailangang maialis natin siya rito."

"Ikaw na lang, Lorenz," walang gatol na tugon niya. "Iligtas mo siya."

"Papaano ka? Hindi ka ba sasama sa akin paalis sa lugar na ito?"

"Hindi, Lorenz. Haharapin ko muna si Sara. Igaganti ko si Jude, si Teng at si Crystal."

"Paano? Napatunayan mo na ang bangis ng kapangyarihan niya, hindi ba?"

"Alam ko na kung paano gagamitin ang kapangyarihan ng medalyon, Lorenz. Natuklasan ko kanina at nagamit ko laban kay Crystal. Ibayong tapang ang kailangan upang mapagana ko ang bisa ng medalyon, hindi takot, hindi pag-aalinlangan."

"Carylle, sinundan kita rito upang iligtas, hindi kita puwedeng pabayaan," malungkot na wika ng lalaki.

"S-sinundan mo ako? Mali, Lorenz, ako ang sumunod sa iyo rito. Nauna kang dumating sa akin sa pulong ito." maang na tanong niya.

"Nagkakamali ka, Carylle. Kararating ko lang noong saktong lumulubog ka sa kumunoy habang sinasalakay ng bangkay ni Teng."

"K-kung ganoon..." Unti-unting nagliwanag sa kanya ang lahat. Ang Lorenz at Crystal na nakita niyang nagtatalik sa loob ng kuweba ay pawang mga ilusyon lamang. At ang Lorenz na nagtangka ng masama sa kanya kanina ay hindi ang Lorenz na kaharap niya ngayon.

"Ano'ng sinasabi mo, Carylle?" nalilitong tanong nito.

Sa halip na sumagot ay hinawakan niya ang pisngi ni Lorenz at tumingkayad siya upang gawaran ito ng halik sa mga labi. Nagtataka man ay mainit na tinugon iyon ng lalaki.

"Carylle?" Nagtatanong maging ang mga mata nito.

"Salamat sa lahat, Lorenz," halos pabulong na sagot niya. "Umalis ka na, iligtas mo ang sarili mo at si Crystal, pakiusap."

"Paano ka?"

"Ako na ang bahala sa sarili ko. Ubos na ang takot sa katawan ko. Pagod na rin akong tumakbo. Ngayon ay ako naman ang katatakutan niya."

&M_

SA PULO NI SARA  (Maelstrom of Desire) Soon to be PublishedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon