Chapter 12.1

4K 103 15
                                    

Alas-otso na ng gabi nang makarating sila sa bahay ni Lolo Temyong. Nang mamalayan ng matanda ang kanilang pagdating ay dali-dali itong sumalubong sa kanila. Maluwang ang pagkakangiti nito. Halatang ikinatutuwa ang pagbabalik nila.

Naroroon din si Crystal. Kumislap ang mga mata nito pagkakita kay Lorenz.

"Nagpapasalamat ako at bumalik ka, Carylle. Iisa lang ang ibig sabihin nito, ikaw ang nakatakdang sumupil sa kasamaang naghahari sa Pulo ni Sara," wika ng matanda habang sinasabayan sila sa pagpasok sa kanyang kubo.

"Tuluyan na niyang kinuha ang nobyo ko, lolo," malungkot niyang tugon.

"Ano'ng ibig mong sabihin?" tanong ng matanda. Ngayon ay nakaupo na sila loob ng maliit na sala.

"Nagpadala siya ng malaking alon sa cottage ni sir Jude, lolo," si Lorenz ang sumagot. Mabuti na lang at nahawakan ko si Carylle, kung hindi ay baka nadala rin siya ng tubig pabalik sa dagat. Pero hindi nakaligtas si sir Jude, nawala na lang siya at sukat pagkatapos ng higanteng alon na iyon."

Napatango-tango si lolo Temyong, pagkuwa'y malungkot na bumaling sa kanya. "Naniniwala ka bang patay na ang iyong kasintahan?"

"Hindi, lolo. Nararamdaman kong buhay pa siya," walang gatol niyang tugon.

"Mabuti. Mabuti," Tila nasisiyahang tugon ng matanda. Pagkuwa'y tumayo ito at may kinuha sa kanyang silid. Nang bumalik ay dala na nito ang maliit na baul na hinukay nila sa silong ng kubo nito. Binuksan nito ang baul sa harap nila. Tumambad sa kanila ang isang lumang kuwintas na may palawit na lumang medalyon. Kinuha nito ang kuwintas at walang sabi-sabing isinuot sa kaniyang leeg. "Huwag mong aalisin sa katawan mo ang medalyong ito, Carylle. Kapag nalaman ng engkantadang iyon na haharapin mo siya, gagawin niya ang lahat upang magapi ka niya. Pero sa tulong ng mahiwagang kuwintas na ito, walang magagawa ang kanyang kapangyarihan laban sa iyo."

"Kanino ang kuwintas na ito, lolo?" Maang na hinagpos niya ang medalyon.

"Sa aking ama, bigay ni Sara sa kanya."

"Ho? Galing kay Sara ang medalyon na ito?"

"Oo. Binigyan niya ang aking ama ng proteksyon sa lahat ng panganib noong tumira ito sa kanyang pulo. At dahil na rin sa medalyong iyan, hindi niya mapatay ang aking ama kahit ginusto niya noong labanan siya nito. Umaasa ako na may bisa pa rin ito hangang ngayon, na ililigtas ka nito laban sa kasamaan ni Sara."

"Papaano kung bawiin niya ito?"

"Hindi iyon mangyayari, maliban na lang kung kusa mo itong isusuko sa kanya." Pagkuwa'y may maliit na librong itim na kinuha mula sa baul ang matanda. "Naglalaman ito ng orasyon na uusalin mo sa oras na magkaharap kayo. Sa tulong ng orasyon, magagawa mong ikulong ang espiritu ni Sara o ni Sarina sa loob ng garapong ito." Pagkasabi'y kinuha nito ang maliit na garapon na nakapatong sa aparador. "Dinasalan ko na ito, ineng. Kapag binuksan mo ito at inusal mo ang orasyon na nakasulat sa libritong ito, hihigupin ng garapon ang espiritu ng engkantada papasok sa loob nito. Kapag nagawa mo iyon, takpan mo agad ang garapon at itapon ito sa dagat hanggang lumubog. Kapag nagtagumpay ka, habampanahon na malilibing ang kanilang espiritu sa pusod ng dagat."

"Papaano kung hindi ako magtagumpay, lolo?"

"Magtatagumpay ka, anak. Sa tulong ng iyong pananampalataya sa Maykapal, alam kong magtatagumpay ka."

"Kailangang harapin mo na siya sa lalong madaling panahon, anak, bago mahuli ang lahat. Sa oras na tinanggap ni Jude ang kanyang mga iniluluhog, mapapasakanya na habambuhay ang iyong kasintahan at hindi mo na siya mababawi kailanman."

"Bukas kami pupunta roon, lolo," sabat ng kanina pa nakikinig sa si Lorenz. "Kailangan lang niyang magpahinga ngayong gabi."

Napakislot ang nakikinig ding si Crystal. Halata ang pagtutol sa mukha.

"Umagang-umaga kayo pumunta roon, Lorenz. Huwag na huwag kayong magpapaabot doon ng dilim o ng sama ng panahon. Mas malakas ang kanilang kapangyarihan pagsapit ng dilim o kapag masama ang panahon. Huwag ninyong kalilimutang magdala ng asin na pangsaboy sa kanya sa oras na nagkaharap kayo, susunugin nito ang kanyang katawang-lupa. Magdala rin kayo ng maliit na salamin upang malaman ninyo kung siya na ang inyong kaharap. Mahusay siyang magpanggap. Kaya niyang dayain ang inyong mga mata at iligaw ang inyong mga isip. At higit sa lahat, huwag ninyong kalilimutang tumawag sa Dakilang Lumikha, higit kaninuman o sa anuman, Siya ang tunay na makakatulong sa inyo."

"Maraming salamat po, lolo. Aalis na kami," sabi niya habang tumatayo sa pagkakaupo.

"Patnubayan ka ng Maykapal, anak. Sasamahan ka ng aking mga panalangin," wika ng matanda habang binebendisyunan siya.

Pagkuwa'y bumaling siya sa hindi kumikibong si Crystal. "Aalis na kami, Crystal. Maraming salamat."

Hindi kumibo ang dalaga. Halata ang pagdaramdam sa anyo nito. Batid niya ang dahilan ng pananahimik nito. Labag sa kalooban nito ang magiging pagsama sa kanya ni Lorenz sa Pulo ni Sara kinabukasan. Nag-aalala ito para kay Lorenz. Malinaw na may pagtingin ang dalaga kay Lorenz. Hindi lang niya alam kung alam ito ng binata. Nakaramdam siya ng habag para rito.

Napabuntong-hininga siya habang lumalabas ng pinto ng kubo. Nahihiya siya sa kaalamang apektado ang ilang tao sa suliranin nila ni Jude. Lihim niyang ipinangako sa sarili na pagkatapos ng lahat ng ito, tutulungan niya ang dalawang kaibigan na matagpuan ang pag-ibig sa isa't isa.

Pero sa ngayon, aminado siya na kakailanganin niya ang tulong ni Lorenz sa napipinto niyang pakikipaglaban sa kasamaan.

SA PULO NI SARA  (Maelstrom of Desire) Soon to be PublishedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon