Chapter 5.1

4.6K 120 1
                                    

Unang Lunes ng Hunyo, alas dyes ng umaga.

Habang tumatakbo sa lubak-lubak na kalsada ang traysikel na sinasakyan ay sari-saring isipin ang naglalaro sa utak ni Carylle. Her thoughts were consumed of the present condition of Jude that made her senses remained numb to the heat, dust and sweat.

Ano kaya ang gustong sabihin ni Lorenz tungkol sa kalagayan ni Jude na hindi nito itinuloy? Kung nagkasakit lang ang binata, walang dahilan upang ipaglihim ito sa kanya. Naengkanto na rin ba siya katulad ng pinsan niyang si Jake? Pero malayo ang mahiwagang pulo sa kinaroroonan ni Jude. At tiniyak sa kanya ng katipan na hindi siya masyadong lumalabas ng cottage at ng resort? Isa pa ay dapat ba siyang maniwala tungkol sa kuwento sa engkantandang iyon?

Biglang pumasok sa isip niya ang nakakatakot na larawan ng pulo at ang imahe ng babae na may mahabang buhok na nakita niyang nakatayo sa veranda noong dinalaw niya ang kasintahan dalawang linggo na ang nakakaraan. Posible kayang may kinalaman ang mga ito sa tila pagbabago ng pakikitungo ni Jude sa kanya?

Whatever the answer to her questions, she needed to know. And she was determined to help Jude that's why she filed a one week vacation from her work.

Pagkababa ng traysikel at matapos iabot ang bayad sa driver ay nagtuloy-tuloy siya sa front desk ng resort. Matapos sagutin ng matipid na ngiti ang bumating receptionist ay agad niyang tinanong ang guest na nasa cottage number 7.

"Ah, si sir Jude po? May appointment po ba kayo sa kanya?"

Bahagya umarko ang kanyang kilay sa itinanong ng kausap. "Kailangan bang may appointment bago siya makita o makausap?"

"Iyon po kasi ang bilin niya," napapahiyang tugon ng receptionist.

"Well, ako ang girlfriend niya and I was here two weeks ago," pinigilan niya ang sarili na magtaray.

Tiningnan siya ng kaharap, wari bang pilit inaalala kung nakita na nga siya nito sa loob ng resort.

"I can't wait any longer, miss. I have to see him. Thanks," wika niya sabay buhat ng kanyang malaking bag. Walang nagawa ang babae kundi sundan na lamang siya ng tingin habang naglalakad patungo sa hagdang bato na siyang daan upang makapunta sa mga cottage sa tubig.

Bukas ang main door ng cottage number 7 kung kaya tuloy-tuloy siyang pumasok sa loob. Nagulat pa ang isang lalaki na noon ay nagluluto. May kaliitan ito at payat ang pangangatawan, bata pa ito at maaliwalas ang mukha. Agad naman itong ngumiti nang makabawi na sa pagkabigla at bumati ng 'good morning'.

"You must be Teng? Ang butler ni Jude?" tanong niya habang ipinapatong sa upuang kawayan ang malaking bag na dala.

"Yes, ma'am." Bahagya pa itong yumukod. "Sino po sila?"

"Girlfriend ako ni Jude. Narito ba siya?" Iginala niya kunwari ang mga mata pagkatapos ay natuon ang mga iyon sa saradong silid nito.

"O-opo, pero natutulog pa siya."

"Natutulog pa siya? Pero pasado alas-dyes na. Hindi nagpapaabot ng ganitong oras sa higaan ang boyfriend ko," may pagdududang tanong niya.

Ipinasya niyang tingnan ang katipan sa loob ng silid. Gusto niyang makasigurong naroon nga ito. She was turning the knob when the butler stopped her.

"Pasensiya na, ma'am. Kabilin-bilinan ni sir na huwag siyang aabalahin kapag nasa loob siya ng kwarto."

Matalim niyang tinitigan ang kaharap. Ang tingin niya ay sapat na upang umatras ito at tahimik na bumalik sa kaniyang ginagawa.

Itinuloy niya ang pagpihit ng knob. Mabuti na lang at hindi iyon naka-lock. Tuloy-tuloy siya sa loob.

Nakahinga siya ng maluwag nang makita ang kasintahan na himbing na natutulog. Nakadapa ito sa kama, ang mukha ay nakabiling sa tagiliran. Wala itong suot na pang-itaas.

Matamang pinagmasdan niya ang mukha ng katipan. Pilit hinahanapan ito ng kahit na anong palatandaan ng pagbabago o anumang indikasyon na ito ay nasa masamang kalagayan.

She heaved a weary sigh. Ang ilang bote ng alak na walang laman sa ibabaw ng side table, ang hindi paggising sa oras na nakasanayan nito at ang yayat na mukha at katawan, ang mga iyon ay sapat na upang isipin niyang may hindi normal na nangyayari sa kanyang nobyo.

Ipinasya niyang huwag nang gisingin ang nahihimbing na lalaki. Naisipan niyang kausapin ang kanina'y nakainisang butler.

"Mukhang masarap ang niluluto mo, Teng," bati niya rito habang umuupo sa bamboo chair. Alam niyang kailangang kaibiganin niya ito dahil dito siya makakakuha ng mga impormasyong kailangan niya.

"Tama po kayo, puro mga paborito ito ni sir Jude. Inihaw na tilapia na nilagyan ng kamatis at sibuyas sa tiyan, ginisang gulay na bagoong na isda ang pampaalat, sawsawang toyo na nilagyan ng katas ng kalamansi at pinalamig na pinya."

Napangiti siya sa katabilan ng butler. Mukhang makakasundo niya ito.

"Teng, ano'ng oras ang posibleng gising ni Jude?" patay-malisya niyang tanong.

"Kadalasan po ala-una," walang gatol na tugon nito. Tuloy ito sa mahusay na pagtatalop ng pinya.

Kadalasan. Ibig sabihin ay madalas siyang inaabot ng ganitong oras sa higaan. Isa itong palaisipan sa kanya.

"Palagi ba siyang ganyan?" Kailangan niyang makasiguro. "I mean lagi bang late kung matulog siya sa gabi?"

"Aba hindi po.  Nagsimula lang iyan noong..." bigla itong natigilan.

"Noong ano?" sabik niyang tanong.  Para siyang batang nabitin sa laro.

"Noong hindi sinasadya ay nakarating siya sa hangganan ng resort na ito. Sa kabila po kasi ng Ocean Enchantress ay may isang abandonadong private resort."

"At bakit naman siya nakarating doon? Akala ko ba ay hindi siya lumalabas ng cottage o ng resort na ito?"

"H-hindi ko rin alam, ma'am. Minsan ko siyang tinanong kung bakit siya nagpunta sa kabilang resort, nagalit po siya."  Biglang napahinto sa pagsasalita ang butler, nanlalaki ang mga mata na nakatingin sa kanyang likuran.

Nang lumingon siya ay nakita niyang nakatayo si Jude sa pinto.  Halatang bagong gising ngunit madilim ang anyo.  Ang mga mata ay matalim na nakatutok sa  kanilang dalawa ni Teng. 

SA PULO NI SARA  (Maelstrom of Desire) Soon to be PublishedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon