Hinihintay kita, Mahal.

3 0 0
                                    

Hindi ko alam kung kanino ko iaaalay ang tulang ito,
Bukod sa walang kasiguraduhan ang punto,
Ay napagdesisyonan kong hindi ito bigyang titulo,
Ngunit para sa makakabasa nito,
Yakapin mo ang bawat tugma sa tulang ito,
Pakinggan mo ang emosyon na itinutulay sayo,
Angkinin mo ito,
Sa minutong ito,
Sa'yo ako.

Mahal kita, hindi lamang sa tinta nang aking panulat sinta,
Higit sa mga lenggwahe ng pagibig na kaya ko sa'yong ipadama,
Mas matunog pa sa apat na sayusay na nagagawa kong itugtog sa luma kong gitara,
Labis kaysa halimuyak ng mga rosas na pinitas ko sa hardin ni Lola.

Kay ganda mo, at sana'y batid mo ito,
Na kung pagbibigyan ay handa akong kabisaduhin ang bawat mong anggulo,
Ang mga marka na inilagak sa iyo ng mundo ay hindi mo dapat itago,
Pagkat ang pagsinta kong ito ay hindi lamang limitado sa maganda mong katangian kun'di pati narin sa mga kabuwayan(insecurities) ng iyong pagkatao.

Inaalayan kita ng mga kanta kahit pa hindi kita kilala,
Bagamat sintunado at ang ibay wala pang saliw na nota,
Ay sinisikap kong sa kahit anong paraan ay maarok nito ang iyong pag-ibig,
Na kung sakaling mapapakinggan mo man ito balang araw ay magawa mo parin na mahumaling sa hindi kagandahan kong tinig.

Mahal kita, pagkat kamahal mahal ka,
Kung may bahid man nang pagdududa sa iyong sarili ay malaman mo sana,
Na ikaw ay mahalaga,
Sapat ka sa lahat ng bagay na hinahangaan ng iyong mata,
Karapat dapat ka sa mga magagandang bagay na kayang ialay sa iyo nang aking kamay at ng mundong iniihip ng hanging amihan,
Ang mga ngiti mo'y pumapantay sa ganda ng papalubog na araw sa silangan.

At habang nariyan ka, at narito ako,
Habang hindi pa itinutulot ng panahon na magkakilala tayo,
Magawa mo sanang mahalin muna ang iyong sarili habang wala pa ako,
Hindi ko pa magagawang punasan ang mga luha na tuwing alas-diyes ng gabi ay tumutulo mula sa mata mo,
Hindi pa kita mayayakap sa tuwing mabigat ang mga araw na dumadaan sa'yo,
Hindi ko pa mapupuri kung gaano ka kaganda sa mga bestida na sinusuot mo,
Ngunit malaman mo sanang naghihintay ako,
Sa pagkakataong itulak ka sakin ni bathala at makuha ko ang pangalan mo.

Sa ngayon, kuntento na muna ako sa katotohanang pareho tayo ng pinagmamasdan na buwan,
Pareho tayong nakatapak sa iisang kalupaan sa ilalim ng mga tala na nahuhulog sa parehong kalawakan na ating hinihilingan.
Hinihintay kita rito sa kabilang ibayo,
Inihahanda ang sarili upang ibigay sa'yo ang tamang pagtrato.

Oh sinta 'wag mo sanang masamain,
Kung madalas hindi ko mapansin,
Ang kislap sa iyong mata na nagpapahiwatig ng pagtingin.
Patawarin ang manhid na damdamin,
Sa mga pagkakataong ang mga salita mo'y pilit bumubulong sa akin.

Oh giliw, maaaring hindi ko batid ang iyong pangalan,
Marahil ang hamak kong mga mata ay hindi ka pa napagmasdan,
O kung sa kabila ng mga nahuhulog na tala ay hindi pa gumagalaw para sa atin ang kapalaran,
Hayaan mong ilakip ko muna sa tula itong pagsintang sa iyo nakalaan.

Kung sino ka man,
Para sa'yo ito,
Angkinin mo ito,

-Angkinin mo ako.

05•05•24
18:56


Isangdaan At Apatnapu't Tatlong Tula Para SayoWhere stories live. Discover now