Dear you [2]

50 3 1
                                    

Naging mas madalas na ang pagbisita natin sa isa't isa dahil na rin sa napakaraming mga gawain sa akademiko. Minsan sa inyo ako nagpapalipas ng gabi, minsan dito ka naman sa 'min. Kilala ka na rin ng mama ko at hinahanap na rin minsan. At naging malapit na rin ako sa mga magulang mo. Parte ka na ng aming pamilya at parte na rin ako ng pamilya n'yo. Pero gano'n palagi ang nangyayari, natutulog tayo na magkayakap. Nakasanayan na ata natin na magkayakap na matutulog.

Gulong-gulo isip ko no'n. Gusto kong isipin na pareho tayo ng nararamdaman. Wala namang magkaibigan na nagyayakapan habang natutulog, 'di ba? O sadyang meron talaga at ako lang 'tong nag-iisip na meron ka na ring pagtingin sa 'kin. Ayokong magtanong; ayokong masaktan nang lubos. Hindi pa ako handa. Hihintayin na lang kita. Aasa lang ako na magtatapat ka rin sa 'kin na pareho tayo ng nararamdaman.

Isang gabi, nang tayo ay magkayakap na natutulog. Hindi ko napigilan ang sarili ko na halikan ka sa pisngi. Isang halik na nagpabago ng takbo ng buhay ko. Mahimbing kang natutulog no'n at hindi ka nagising. Napakasaya ko no'n. Alam kong mali pero hindi ko ito inisip.

Kinabukasan, parang gumuho ang mundo ko nang mapansin kong may nag-iba na sa 'tin. Hindi ka na sumasabay sa 'kin sa paglalaro. Tinatanggihan mo na ang alok ko na bilhan ka ng pagkain tuwing break time. Hindi ka na rin nagpapasabay sa 'kin 'pag lalabas ka. Hindi ka na nanghihingi ng sagot sa ating pagsusulit. Do'n kana sumasabay kay Andrew.

Ang sakit no'n. Parang pinupunit puso ko at sinilaban pa. Alam mo yung pakiramdam na sobrang lapit mo na sa tao at naging parte na sila ng buhay mo (sanay ka na sa presensya nila, hinahanap mo sila palagi, at sila na bumubuo sa araw mo) pero bigla na lang nawala sa 'di maipaliwanag na dahilan. Akala ko no'ng araw lang yun, pero nasundan pa talaga, hanggang sa umabot ng linggo. Kinalimutan mo 'ko. Ang bilis mong nakalimot. Parang ang nagdaang mga linggo ay hindi nangyari sa 'yo. Nangyari ba talaga yun o sadyang kathang-isip ko lang? Panaginip lang ba yun?

Hindi ako mapalagay. Hindi ko alam kung bakit tayo nagkaganito. Wala rin akong karapatan na magreklamo dahil kailanman hindi naging malinaw sa 'yo ang nararamdaman ko. Wala man akong karapatan manumbat dahil wala namang tayo pero karapatan ko naman siguro kung bakit mo ako biglaang binabalewala. Dahil ba sa halik na yun? Gising ka ba no'n? Kung yun man ang dahilan, patawad. Nararapat lang siguro 'to sa 'kin dahil sinira ko ang tiwala mo. Patawad.

Galit na galit ako sa 'yo no'n. Ayokong kausapin ka dahil ayokong magmakaawa o magmukhang kaawa-awa. Pero sana naman ay sinabi mo sa 'kin ang dahilan. Masasaktan man ako, pero maiintindihan ko 'yan kalaunan, para naman hindi ako mag-isip nang kung ano-ano. Inaabangan ko palagi ang mensaheng ipapadala mo, pero wala talaga. Kinakausap mo lang ako 'pag kailangan talaga. Pero wala na yung dati nating sigla. Hindi na ikaw yung Chester na nakilala ko.

Napakasakit. Nais ko mang ibalik ang panahon ay hindi ko na magawa. Wala akong ibang magawa kung hindi ang magpatuloy lang sa buhay. Pipilitin na maging matatag sa kabila ng bigat ng loob. Unti-unti kitang pinakawalan. Binura ko na ang mga mensahe natin sa isa't isa; binura ko na ang mga larawan natin sa phone ko; tinapon ko na ang mga bagay na nagpapaalala sa 'kin sa 'yo. Pagod na pagod ako no'n. Hindi ako makatulog nang maayos sa kakaisip sa 'yo. Sa kabila no'n ay natuto na rin akong magsulat ng mga tula.

Napakaraming tula ang nagawa ko para lang maibsan ang sakit na nadarama. Sa paraang gano'n ko na lang maikukuwento yung paghihirap ko. Hindi ko mabilang ang mga linya na isinulat ko para lang makalimutan kita; para lang maibahagi ko ang pagdurusa sa papel. Hindi na rin ako masyadong nag-aaral no'n. Dahil wala akong maayos na tulog ay natutulog na ako sa paaralan, tuwing may talakayin, at binabalewala ang mga pagsusulit. Wala na akong gana pa.

Hanggang sa isang araw, napagtanto kong masyado kong pinaparusahan ang sarili ko. Bumangon ako. Minahal ko na ang sarili ko at nagsimulang patatagin ang loob ko. Tanggap ko na. Tanggap ko na wala talaga tayong tsansa, hindi talaga tayo nakalaan para sa isa't isa. Kasalanan ko ang lahat ng 'to. Masyado kong pinaniwalaan at sinunod ang nararamdaman kong wala naman palang patutunguhan. Kailangan ko munang mahalin ang sarili ko. Kailangan ko munang ipahinga ang puso ko.

Pero ang naghihilom kong sugat ay muli na namang nabuksan. Muli akong nasaktan nang malaman kong may mahal ka nang iba. Hindi ko lubos aakalaing gano'n na lang ang mangyayari. Pero gaya nga ng sabi ko, sino naman ako para manumbat sa 'yo at kuwestyonin ang mga desisyon mo? Nasaktan man, muli ay nagpatuloy ako sa pagtanggap sa katotohanan. Masaya ka na no'n, kaya masaya na rin ako. Gano'n kita kamahal.

Lumipas ang mga taon at tuluyan na akong natuto at naghilom. Hindi na ako nasasaktan 'pag naaalala kita o nakikita, pero nanghihinayang pa rin ako. Iniisip ko pa rin na paano kung naging tayo talaga? Pero wala na. Masaya ka na at ako ay masaya na rin. Pero alam mo, yung hiling ko na makakatagpo ang mahal ko ay hindi pa rin natutupad; ni isa sa mga iniisip kong gagawin namin ay wala pa talaga. Akala ko ikaw na yun. Pero hindi pala. Ipagdasal mo na lang ako kay Lord na sana matagpuan ko na siya.

Nabalitaan ko na rin na may pamilya ka na. Yung kasintahan mo no'n ay siya ring pinakasalan mo at sobrang ganda ng kasal n'yo. Nando'n ako no'n. Kahit hindi ako imbitado ay pumunta ako. Nasa labas lang ako at pinanood ko kayo nang pumasok kayo at lumabas ng simbahan. Napakaperpekto. Ang saya-saya n'yo no'ng araw na yun. Lumipas ang ilang taon ay nagkaroon na rin kayo ng tatlong magagandang anak.

Pero bakit ko nga ba ipinadala itong sulat na 'to? Gusto ko lang sabihin na masaya na ako ngayon. Na isa ka sa mga naging inspirasyon ko sa buhay at isa sa mga taong kailangan kong kausapin. Gusto ko lang magpasalamat sa 'yo dahil pinadama mo sa akin kung ano nga ba ang magmahal. Alam kong may mali ako no'n, kaya sana ay mapatawad mo 'ko. Ang tanging hiling ko lang din ay sana huwag mong kalimutan ang lahat. At sana palagi mong isipin na maging masaya. Maikli lang ang buhay natin kaya piliin mong maging masaya.

Mahal na mahal kita, Chester.

Nagmamahal,
Justin

Bạn đã đọc hết các phần đã được đăng tải.

⏰ Cập nhật Lần cuối: May 05 ⏰

Thêm truyện này vào Thư viện của bạn để nhận thông báo chương mới!

Pomegranate SkiesNơi câu chuyện tồn tại. Hãy khám phá bây giờ