Chapter 1

6 1 0
                                    

"Sige na kasi, Cheska, last na 'to." Lumapit na naman si Cecil sa mesa ni Cheska at nag-beautiful eyes pa.

Muli siyang bumuntonghininga at tinitigan ang kasamahan niyang guro na kanina pa siya pinipilit na sumama sa coffee shop nito. Hindi niya tuloy matapos-tapos ang lesson plan niya at pag-check sa mga test paper ng mga estudyante niya dahil sa pangungulit nito.

"Ma'am Cecil, alam mo namang ang dami ko pang gagawin—"

"Kailan ba natapos 'yang mga gagawin mo, aber?" Pagputol nito sa litanya niya. Inisa-isa nitong kinuha ang mga test paper na nagkalat sa mesa niya na iniwan lang ng mga bata kanina. "Ito?" tanong nito sabay pakita nito sa kaniya sa test paper. "Katatapos lang ng exams ng mga bata, hindi ba dapat mag-break man lang tayo kahit kunti? 'Di ka ba napapagod?"

"It's our call—"

"It's our calling, it's our passion." Ito na ang tumapos sa sasabihin niya. Halatang memoryado na talaga ng kaibigan niya ang lahat ng isasagot niya. "Duh? The hell with calling and passion. Deserve rin natin ng pahinga, no? We're not a robot. Period."

Natawa na lamang siya at tumayo. Kinuha niya kay Cecil ang mga test paper at inayos iyon.

"Ano na? May pogi pa naman sana akong ipapakilala sa'yo tapos 'di ka sasama." Umikot ito sa mesa niya at walang sabi-sabing pinatay ang laptop niya. "Sasama ka sa'min mamaya, sa ayaw at sa gusto mo. Sasama ang pinsan ng boyfriend ko at sabi niya mabait daw 'yon at may sinasabi sa buhay. Aba, malapit na ang birthday mo pero wala ka pa ring boyfriend. Gumalaw-galaw ka naman, naiiwanan ka na ng panahon, eh."

At bigla na lang siyang iniwan ng mabait niyang kaibigan.

Matagal na niyang katrabaho si Cecil. Ito ang naging una niyang kasundo sa school na pinapasukan niya. Katulad niya itong TLE teacher kaya ito ang palagi niyang kasama. Sa loob ng dalawang taon na pagtatrabaho niya bilang guro ay ito ang naging kasama niya sa hirap at ginhawa. Dinaig pa nila ang mag-jowa.

Sa loob ng dalawang taon na 'yon, wala siyang napakilalang boyfriend kay Cecil kaya siguro atat na atat na ang kaibigan niya. Pero hindi nito alam na hindi lang dalawang taon siyang walang nobyo kun'di halos limang taon na rin mula nang iwanan siya ng boyfriend niya no'ng college.

Mabilis niyang naitirik ang mga mata. Ayaw na niyang maalala ang mga pangyayaring iyon.

"Sasama ka ba o hindi?"

Tumingin siya sa pinto nang marinig na naman ang boses ni Cecil. Halatang hindi talaga siya nito titigilan hangga't hindi siya magsasabing sasama siya sa sa coffee shop nito.

"Sasama sina May Rose at Hazzel," dagdag pa nito. "Kapag hindi ka sasama, magtatampo na talaga ako sa'yo."

"Oo na, sasama na 'ko."

Iyon na yata ang hindi tamang sagot na naibigay niya sa buong buhay niya.

******

Hindi na kaya ni Cheska ang naririnig niya. Kung pwede lang na magtakip siya ng tainga, ginawa na niya. Wala pa ngang isang oras na nasa coffee shop sila ni Cecil pero kating-kati na ang paa niya na umuwi.

Impyerno yata na makatabi ang tinutukoy ni Cecil na pinsan ng boyfriend nito. Halos lahat na lang ng topic ay ito ang nagbibigay at boses na lang nito ang naririnig niya. Napahawak siya sa kaniyang sintido nang wala sa oras at pasimpleng tumingin sa kaibigan niya.

Ngayon lang yata sumakit ang ulo niya habang umiinom siya ng kape. Pati kasi kape ay parang nawalan yata ng lasa.

"Well, gano'n siguro talaga kapag matalino. Hindi na need kumuha ng review center para sure na maipasa ang board exam. Board exam lang 'yan, para lang 'yang entrance exam sa college." Nakita pa niyang nagkibit-balikat ang pinsan ng boyfriend ni Cecil na nakalimutan pa niya ang pangalan.

Hunter Next DoorWhere stories live. Discover now