Ikaapat na kabanata

3 1 0
                                    

CHAPTER 4

Napatingala si Caspian sa kisame ng kaniyang kuwarto nang makaramdam ng ngalay. Hindi niya napansin ang paglipas ng oras dahil abalang-abala siya sa pagbabasa ng 'El  Caminante de la Verdad'. Nakakailang pahina na siya ngunit tila hindi siya napapagod sa pagbabasa.

Hindi niya mapigilan ang paghanga sa manunulat ng libro. Mas nahahalukay ang pag-iisip niya ukol sa tinutukoy ng manunulat. Binubuhay nito ang kuryosidad sa kaniya na malaman kung sino ang 'Kapayapaan' at 'Hari' na tinutukoy nito dahil tila naipapasa sa kaniya ang nararamdaman ng sumulat ng libro.

"Nais kong makilala ang tinutukoy ng manunulat, maging ang manunulat mismo" napapabuntong hininga niyang sabi. Ang talinghaga ng bawat taludtod ng mga tula ay nakikintal sa kaniyang kaisipan.

"Gusto kong maranasan ang kapayapaang nararanasan ng manunulat" bulong niya. Napapikit siya bago isinara ang libro at muling bumuntong hininga. Bilang isang abogado ay napakarami niyang kailangan isa-isip. Mga problema ng kaniyang ipagtatanggol na panig at iba pa. Maraming kailangang isaalang-alang nang walang kinikilingan at naaapakang karapatan. Napagisip-isip niyang magpahangin muna sa kanilang asotea. Kailangan niyang makalanghap ng sariwang hangin.

Nakikita sa kaniyang puwesto ang kalsada na maraming taong naglalakad-lakad at may sari-sariling ginagawa. Sariwa ang hangin na dumadampi sa kanilang mga balat, kaya naman napakasarap nitong damhin.

Sa dami ng taong makikita ay tumigil ang kaniyang paningin sa naglalakad na dalaga habang may hawak na puting bulaklak at lalagyanan ng mga pinapamiling prutas. Dinadala ng munting hangin ang buhok nito na lalong nagpaaliwalas sa nakangiti niya mukha. Natutuwa itong pinagmamasdan ang abalang mga tao sa paligid. Hindi naman ito isang ilaw ngunit tila kumikinang ito sa kaniyang paningin.

Napangiti si Caspian nang ngumiti ito sa mga batang nakasalubong na kumaway dito.  Naalala niya ang palamuti sa buhok kaya't agad siyang bumalik sa silid upang kuhanin iyon at ibigay kay Ellora. Ilang beses na pa naman silang nagkita na makailang ulit nitong itinanong sa kaniya ang tungkol dito kaya naman gaya ng ipinangako niya ay ibabalik niya na sana ito ngunit pagbalik niya ay wala na ang dalaga. Hindi na ito mahagilap ng kaniyang mga mata.

Gusto niya sanang bumaba upang maabutan ito ngunit nakasalubong niya si Don Mateo na pataas naman sa kanilang hagdan. Agad niyang inilagay sa bulsa ang hawak. Sakto namang napatingin sa kaniya ang kaniyang ama.

"Iho, saan ang iyong tungo?" natigilan si Caspian. "Ama, maligayang pagbabalik po" bati ni Caspian sa ama na galing pa sa Laguna. Ngumiti si Don Mateo at inakbayan si Caspian. Tila nalimutan nito ang una niyang katanungan, bagay na ipinagpapasalamat ni Caspian. Alam niyang hindi siya makakasagot nang maayos kung sakaling naalala iyon ng Don. Baka sermonan pa siya nito dahil sa ilang ulit na pagkalimot na ibalik ang gamit ng isang  babae. Kilala pa naman bilang maginoo ang kaniyang ama.

"Mabilis na natapos ang aming misyon doon. Kumusta ka, Caspian?" saad nito.

"Mabuti po ..." magsasalita pa sana siya nang may katulong na tumawag sa kanila.

"Don Mateo, may bisita po si Donya Juliana. Papapasukin ko na po ba?" tanong ng kasambahay. Nagkatinginan ang mag-ama bago muling bumaling sa utusan.

"Hmm ... marahil ang anak ng kaniyang kumadre. Sige, papasukin mo," sagot ni Don Mateo. Tumuloy silang mag-ama sa salas at naupo. Agad namang tumalima ang isa pang utusan at naghain ng meryenda.

"Kumusta ang aming abogado?" nasisiyahang saad ni Don Mateo nang makaupo na sila. Magkasundong-magkasundo sila pagdating sa usapang abogasya. Minsan nang pinangarap ni Don Mateo na maging abogado ngunit sinasabi niyang hindi iyon ang para sa kaniya dahil nais ng kaniyang ama na manahin niya ang mataas na posisyon nito. Kaya naman labis ang saya niya nang pangarapin din ito ni Caspian na kaniyang bunso.

ElloraWhere stories live. Discover now