Ikalawang Kabanata

7 1 0
                                    

Tanging mga hikbi ni Ellora ang maririnig sa buong silid. Kung titingnan ang kapaligiran ay hindi mahahalata na tanghaling tapat na, kundi lang sa ulan na pilit na kumukubli sa araw.

Nakaluhod si Ellora habang basang-basa ang kaniyang mga pisngi dahil sa walang tigil na pagbuhos ng kaniyang luha.

"Panginoon, nakikiusap po ako. Hinihiling ko pong minsan pa'y palakasin at pagalingin mo po ang aking ina. Lubos po siyang nahihirapan sa kaniyang karamdaman. Napakahirap pong tanggapin na wala rin kaming sapat na pera upang maipagamot siya ngunit ang kalooban mo po ang masunod at hindi ang akin. Wala po akong magagawa kung ang lahat ng ito ay....ay nakatakda na" umiiyak niyang panalangin. Ilang minuto pa ang itinagal niya sa silid bago lumabas. Tutunguhin na sana niya ang daan pauwi nang mapalingon sa parang na palagi niyang pinupuntahan. Naroon din tumubo ang paboritong bulaklak ni Leonora na kaniyang ina. Naisipan niyang dumaan doon para pumitas ng mga bulaklak. Batid niyang ikatutuwa iyon ng kaniyang ina.

Bahagyang tumigil ang ulan na tila sumasabay sa kaniyang nais na mamitas ng mga bulaklak. Sinimulan niyang pumitas ng mga ito kasabay ng pag-ihip ng malamig na hangin na dumadampi sa kaniyang porselanang balat habang nililipad nito ang ilang hibla ng kaniyang buhok.

Hindi pa siya natatapos ng tumatakbong dumating si Ino. Ang anak ni aling Rosa sa isang español. Sampung taong gulang pa lamang si Ino, mabait ngunit may pagka pilyo rin. Hinihingal itong lumapit kay Ellora at napahawak pa sa kaniyang tuhod.

"Bakit ka nagmamadali Ino? Ano ang nangyari?" nag-aalalang tanong ni Ellora sa batang lalaki.

Kahit hinihingal pa ay nagawa nitong magsalita.
"Ate Ellora, ang inyo pong ina ..." natigilan ito at muling tumingin sa mukha ng kaniyang itinuturing na ate kahit hindi sila magkadugo.

"Ang inyo pong ina ay ... ay pumanaw na" naiiyak nitong turan. Tila binuhusan ng malamig na tubig si Ellora. Hindi niya malaman ang kaniyang gagawin. Naramdaman na lang niyang lumabo ang kaniyang paningin dahil sa pamumuo ng kaniyang luha.

"Hindi rin po kita masasamahan sa pag-uwi dahil inatake si ina nang makita ang nangyari, tatawag po ako ng manggagamot" mabilis nitong turan.

Mabilis ang ginawa niyang pagtakbo habang dala-dala ang bungkos ng puting bulaklak na regalo niya sana sa kaniyang ina. Kasabay nito ang muling pagpatak ng ulan. Hindi na niya pinapansin ang paligid, ang tanging nasa isip niya ay ang kaniyang ina.

"Binibini, maghunos-dili ka!" sigaw ng isang ginang sa kaniya nang muntikan na niya itong mabangga. Hindi na siya nagkaroon ng pagkakataon na manghingi ng pasensya.

Sa pagmamadali ay hindi na siya agad nakailag sa paglabas ng isang binata sa silid-aklatan ni mang Andres. Naramdaman na lang niya ang pagbagsak niya,
"P-pasensya na g-ginoo" saad niya at agad na tumayo upang magpatuloy sa pag-takbo.

Lalong bumugso ang kaniyang damdamin nang makarating sa tapat ng kanilang tinutuluyan. Ang paupahan ni aling Rosa. Bago pa man siya makapasok ay nabangga siya ng isang lalaking galing sa loob ng panuluyan. Nakasumbrero ito habang mabilis ang pag lalakad, nakayuko at nakapurong itim na kasuotan.

Nakaramdam siya ng kakaiba habang sinusundan ng tingin ang lalaki ngunit naputol iyon nang sinalubong siya ni aling Rosa na umiiyak nang malakas habang hawak ang kaniyang puso, parang kapatid na ang turingan ni aling Rosa at ng kaniyang ina na si Ellora.

"Ellora, ang iyong ina!" pag tangis nito na agad na sinalubong ng yakap ni Ellora.

Napangiti si aling Rosa nang lumabas si Ellora sa kaniyang silid upang kumain. Isang linggo na ang nakakalipas, ngunit muli nang nakakakain nang maayos ang dalaga. Nasasaktan pa rin siya sa nangyari ngunit tanggap niya na ito. Para sa kaniya, ang kalooban pa rin ng Diyos ang masusunod at naniniwala siyang alam ng Panginoon ang mas nakabubuti para sa kanila.

ElloraWhere stories live. Discover now