Chapter 01

583 8 0
                                    

FIRE IN MY HEART

Kayla Caliente

My Special Valentine

_ Chapter One

MAKABASAG-EARDRUMS ANG TUGTOG ngunit di iyon alintana ni Reine. Mas nakakadagdag pa nga sa gana niyang umindayog ang makatalsik-tutuling level ng musika. Kanina pa siya humahataw sa dance floor ngunit ni katiting na kapaguran ay di siya nakakaramdam. Nakailang palit na siya ng kapareha ay hindi pa rin siya sumusuko.

“Are you on Ecstasy?” tanong tuloy ng kasalukuyang kapareha niya na nagsisimula nang lumawit ang dila.

Umingos siya. Alam niyang drogang pampa-high ang tinutukoy nito. “I don’t need that. I like a natural high,” sagot niya at binilisan pa ang pag-indayog.

“Oh, come on, you can tell me. Nag-trip na rin ako sa ‘E’ kaya alam ko ang effect n’on,” giit nito.

Hindi ito pinansin ng dalaga. Sa halip, dinama niya ang hagod ng tugtugin at mas lalong ikinendeng ang kanyang balakang sa saliw nito.

Mayamaya ay may ibang lalaking lumapit sa kanya.

“May I cut in?” pasintabi nito sa kapareha niya.

“Puwedeng mamaya na at—”

“Oh, Conrad, save it! Kanina ka pa mahima-himatay.” Itinulak niya ito at hinila naman ang kamay ng bagong nagpiprisintang makisayaw sa kanya. “What’s your name, Honey?” maharot niyang tanong.

“Joey.”

“Hi, Joey. Let’s party!”

“If you say so.” Todo-ngiti ang lalaki.

Nakailang palit ng musika ay nakailang palit din ng kapareha si Reine. Lahat ay di-maiwasang mapansin siya. Bukod sa tila wala siyang kapaguran ay halos lahat ng sayaw ay alam niya ang steps.

May silbi rin pala ang dance lessons na pilit ipinakuha sa ’ kin ni Mommy noon, pagbubunyi niya sa admirasyong nararamdaman niyang nagmumula sa mga matang nanonood sa kanya.

At ang admirasyong iyon ay mas matining sa mata ng kalalakihan.

Hindi na niya ipinagtaka ang paghangang nasasalamin niya sa mga ito. Bukod sa seksi talaga siyang manamit ay may magandang katawan siya. Isa iyong God-given gift na pinagyaman niya sa pamamagitan ng exercise.

“BROTHER DEAR, I need your help.” Sa isang sulok ng hardin ay bumulong si Wendy sa kapatid nitong si Tristan. “Nagwawala na naman si Reine. Please rescue her.”

Nag-arko ang isang makapal na kilay ng lalaki. “Ba’t ko naman gagawin ’yon? Pasalamat ka nga’t pinagtiyagaan pa kitang sunduin ngayong gabi. ’Tapos gagawin mo pa ’kong tigapagligtas ng garutay mong kaibigan.” Banaag ang di pagsang-ayon sa kanyang tinig.

High school ang kapatid niya nang maging kaibigan nito si Reine at mula noon ay mainit na ang mata niya rito. Tingin niya ay isa itong masamang impluwensya kay Wendy. Isang paniniwalang na-reinforce ng madalas na pagrereklamo sa kanya ng ina nilang si Gng. Hidalgo. Nang sumunod nga ito sa ama nila sa America ay mahigpit nitong ibinilin sa kanyang bantayang maigi si Wendy, lalo kapag kasama nito si Reine.

“Hmph! Ito talaga, umiral na naman ang pagiging matandang binata,” sagot ni Wendy. “Sige na po, Lolo, tulungan n’yo na ’ko. Ikaw rin, kapag napasabak nang husto ’yan, eh, uumagahin na tayo ng uwi.”

“At ano naman po ang koneksyon natin sa pag-a-ala-cabaret dancer ng kaibigan mo?”

“Eh, ihahatid lang naman natin siya sa pag-uwi kaya paano tayo aalis kung feel pa niyang magsayaw? She could dance all night, you know.”

Fire In My Heart | KAYLA CALIENTEWhere stories live. Discover now