KABANATA 7

290 29 0
                                    

"Sino po bang inaabangan natin dito, Mama?" tanong ni Ysabelle sa ina. Mahigit isang oras na kasi silang nakatayo at naghihintay sa harapan ng grocery store.

"Nagbabakasakali lang ako na makita natin ngayon dito si Pillar."

"Pillar, sinong Pillar?"

Walang hinto sa paglilinga-linga si Carolina sa paligid. "Hindi ko rin siya kilala, anak. Pero 'yun kasi ang pangalang itinawag sa kanya ng mga kababaihang namimili rito nang nagtungo ako rito noong kabilang linggo. Nabanggit ng Pillar na 'yun ang pangalan ni Dr. Montecillo at ang mga taong nawawala sa lugar na 'to. Malay natin kung may alam siya. Baka lang naman matulungan niya tayong maunawaan ang mga nangyayari sa atin."

Copyright 2018 ⓒ DyslexicParanoia (Angela Atienza), All rights reserved.

Lumipas ang ilang oras pa pero walang Pillar na dumating. Kahit na isa man lang sa mga babaeng kasama nito ay hindi rin nagawi man lang sa grocery store. Ngunit para hindi naman sila umuwing walang napala ay naglakas-loob na si Carolina na magtanong sa cashier kahit na suntok sa buwan ang posibilidad na kilala nito ang kanyang hinahanap.

"Ah, si Aling Pillar po?" masiglang wika ng cashier. Nabuhayan naman agad si Carolina ng loob sa naging reaksyon nito. "Opo, kilala ko po si Aling Pillar. Matagal na po 'yung customer dito at saka, doon lang po 'yun nakatira malapit sa bahay namin. Eh...bakit niyo po ba siya hinahanap?"

Napatingin muna si Carolina kay Ysabelle bago nito sinabing, "eh, gusto ko sana siyang makausap eh."

"Bakit po? Naghahanap po ba kayo ng Caterer?"

Napakunot-noo si Carolina, "Caterer?"

"Opo. 'Yun po kasi ang business no'n 'di ba? Hindi po ba 'yun ang dahilan kung bakit niyo siya hinahanap?"

Napaisip muna saglit si Carolina. Sa muling paglingon nito kay Ysabelle ay may bigla itong naalala, "ahh, oo. M-magde-debut kasi 'tong anak ko anim na linggo mula ngayon. Masasabi mo ba sa amin kung saan namin siya maaaring makausap tungkol doon?"

"Ay opo naman." Kumuha agad ito ng kapirasong papel, "siya nga po ang nagbilin dito na kung may maghahanap ng Caterer,  sa kanya na lang i-refer." Nagsimula na itong magsulat, "sa katunayan, siya nga po ang Caterer nung mag-seventh birthday ang anak ko. Natuwa naman ang mga bisita ko dahil masarap naman talagang magluto si Aling Pillar. O...heto na po ang address at cell phone number niya. Pero paki-text o pakitawagan niyo po muna siya bago niyo puntahan para po siguradong nasa bahay siya. Busy po kasi lagi 'yun eh." Iniabot nito ang kapirasong papel kay Carolina. "Pero pakisabi niyo po sana sa kanya na ako ang nag-refer sa inyo ha?"

Kinuha naman agad ni Carolina ang kapirasong papel na ibinigay sa kanya, "oo naman siyempre."

"Naku, thank you." Nakangiting sagot nito. "May kaunting komisyon po kasi ako sa kanya eh."

Hindi naman nag-aksaya ng panahon si Carolina. Pagkatungtong pa lamang nilang mag-ina sa labas ng grocery store ay tinawagan na agad nito ang numero ni Pillar.

"Hello?" sagot ng nasa kabilang linya. Boses ito ng isang batang lalake.

Nag-aalinlangan man ay rumisponde pa rin naman si Carolina, "h-hello? Puwede bang makausap si Pillar?"

"Ah, si Inay po? Nagluluto po eh, pero sandali po, tatawagin ko po."

"Maraming salamat."

Tatlong minuto rin ang lumipas bago narinig ni Carolina ang kaluskos ng pagdampot ng cell phone sa kabilang linya, "hello?" boses na ito ng isang babae.

"Hello, puwede pong makausap si Pillar?"

"Ito na nga si Pillar, sino 'to?"

"Maaaring hindi niyo ako kilala. Ako si Carolina, naghahanap po ako ng Caterer, ni-refer po kayo ng kahera sa groce—"

"Ay! Caterer  ba kamo?" masigla naman ang tinig nito, "para sa anong okasyon?"

"Debut po ng anak ko."

"Ah, ganun ba? E di sige, pag-usapan natin. Pero okey lang ba sa 'yo kung tawagan mo na lang ulit ako bukas kung paano tayo magkikita? May catering kasi akong inaasikaso para sa isang anibersaryo mamayang hapunan eh."

"Oo naman. Sige. Tatawagan na lang kita ulit bukas. Salamat."

***

"Mama, dito ka na lang matulog sa kuwarto ko." Yakap-yakap ni Ysabelle ang braso ng ina habang nakaupo sila sa may paanan ng kama niya. "Natatakot na talaga ako."

"Hep." Narinig pala ito ni Chad. Bigla na lang itong sumulpot sa may pintuan. "Maghapon na kayong magkasama ah. Pati ba naman sa pagtulog magkasama pa rin kayo? Hindi kaya magkapalit na kayo ng mukha niyan?"

"Papa naman eh." Nakasimangot na pagmamaktol ni Ysabelle. "Sige na Mama." Sa muling pagbaling nito sa ina.

Hindi pa man nakakabuwelo ng sagot si Carolina nang, "no." Pagsingit ni Chad. "Malaki ka na para samahan pa sa pagtulog. Do'n matutulong ang Mama mo sa tabi ko at ikaw...matulog ka na."

"Pero Pa—"

"Walang pero-pero. Matulog ka na dahil may pasok ka pa bukas!"

"Pero Ma..." nakatingin ang dalaga sa ina, "hindi ba isasama mo ako bukas?"

"No." Muling pagsingit ni Chad, "kung saan man 'yan. May pasok ka kaya pumasok ka sa school."

Hihirit pa sana si Ysabelle pero wala na itong nagawa nang tumayo na si Carolina upang walang imik na lumapit kay Chad sa may pintuan ng kanyang silid. "Good night anak." Malumanay na wika nito, "don't worry, babalitaan na lang kita sa lakad ko bukas."

"Teka, saan ba 'yang lakad na 'yan?" kunot-noong tanong ni Chad sa asawa.

"H-ha? Eh...sa Caterer lang naman p-para sa isang maliit na salo-salo sa eighteenth birthday niya. Isasasabay ko na rin ang blessing ng bahay na 'to para maimbitahan din natin ang mga kaibigan natin at ni Ysabelle mula sa Maynila.

"Ahh...ganun ba? Gusto mo bang samahan kita?"

"H-ha? N-naku Chad 'wag na. Kaya ko na 'yung mag-isa. And besides, marami ka ring inaasikaso ngayon kaya ok na ako, kaya ko na 'to."

"Sigurado ka ba?"

"Oo. Sigurado ako."

"O 'di sige, pero dalhin mo na 'yung bagong kotse. Ok na ang rehistro, plaka at insurance no'n kaya puwede nang gamitin. Inuna ko talaga 'yun para may magamit ka sa paghatid sa mga bata at sa pamimili sa bayan."

Napangiti si Carolina sa narinig, "talaga? Mabuti naman kung ganun. Mahirap ngang mamalengke kapag walang sasakyan eh. Pero, sigurado ka ba na 'yung bago ang gusto mong ipagamit sa akin?"

Napangiti si Chad, "oo naman. Wala namang problema sa dati nating sasakyan. Mas gusto ko pa rin ngang gamitin 'yun sa pang-araw-araw dahil sanay na ako ro'n. And besides..." hinapit nito ang balakang ng asawa, "mas di hamak naman yatang mas bagay ang bagong sasakyan sa isang magandang babae."

Agad namang gumuhit ang ngiti sa mukha ni Carolina. "Bolero," sabay tapik nito sa dibdib ng asawa.

"Heller!" Biglang pagsingit naman ni Ysabelle, "reminder lang. Nandito pa po kayo sa loob ng kuwarto ko 'no." Kinikiskis nito ang kanyang mga braso na tila kinikilabutan sa nasasaksihan sa mga magulang.

[ITUTULOY]

MHST 3:  Ang BalonWhere stories live. Discover now