KABANATA 6

438 34 0
                                    

"Nasa camping lang po ang mga estudyante at ilang mga guro at staff kamakalawa." Nakangiting wika ng staff sa registrar na nag-process ng official transfer nina Ysabelle at Kristoff sa eskwelahan.

"Ah... ganun ba?" reaksyon ni Carolina. Nilingon nito ang mga anak na nakamasid naman sa paligid. Napapanganga na ang mga ito sa mga estudyanteng nagpaparoo't parito. "'Yun naman pala eh. So paano mga anak, handa na ba kayong pumasok bukas?"

Walang imik na nagkatinginan muna ang magkapatid bago sila tumango nang may halong pag-aalinlangan.

"O siya," ani Carolina, "tayo na't dumiretso na tayo sa bayan para makapamili na tayo ng mga gamit at babaunin niyo mula bukas."

***

"Ate." Bulong si Kristoff sa kapatid habang nagbabantay sila ng masasakyan sa paglabas nila sa eskuwelahan.

"Bakit?"

"Di mo ba napansin?"

"Ang alin?"

"'Yung mga estudyante kanina."

"Ano ang tungkol sa kanila?"

"Parang tumitingin silang lahat sa atin kanina. May mga nginitian ako pero umiwas naman agad sila ng tingin nung mapansin nila na nakangiti ako sa kanila."

Bagama't sumasang-ayon si Ysabelle sa tinuran ng kapatid ay nanatiling tikom ang bibig nito, dahil maging ang mga tindera ng mga street foods sa labas ng gate ng eskuwelaha'y napansin niyang nakatingin din lahat sa kanila.

"Miss, kayo ba ang bagong lipat sa bahay nina Dr. Montecillo?" bahagyang nagulat si Ysabelle sa pagbating iyon sa kanya ng isang binatilyong nagpe-pedicab.

"Oo, b-bakit? Pero pa'no mo nalaman?"

"Hindi na mahalaga." Lumilinga-linga ito, "basta, mag-iingat kayo lalo na sa lumang balon na nasa likod-bahay."

"Ha? P-pero baki—"

"Ysabelle!" Siya namang pagtawag sa kanya ni Carolina. Itinuturo nito ang bagong dating na pampasaherong jeep. "Halika na, anak."

Nilingon naman agad ni Ysabelle ang ina, "o-opo, sandali la—" lumingon din ito agad sa kaninaroroonan ng binatilyo, pero wala na ito ro'n. Kinabahan man ang dalaga ay hindi naman 'yun ang labis na kapagpabahala sa kanya. Mas labis niyang ikinagulat ang narinig n'ya mula sa isa sa naghuhuntahang mga tindera...

"Sino kayang kausap nung dalagang 'yun?"

***

Alas dos y media nang madaling araw nang makarinig si Carolina ng pagtatahahulan ng mga aso. Nagtataka ito dahil wala naman silang alagang aso. Isa-isa niyang sinilip ang mga bintana, pero wala naman siyang nakikita. Nasa may bandang kusina na ito nang dumapo sa kanyang isipan ang likod-bahay.

"Ayoko." Bulong niya sa sarili. Inaalog-alog niya ang kanyang ulo. Nagtatalo ang kanyang kalooban kung magtutungo ba siya sa kusina para silipin ang likod-bahay o hindi. "H-hindi...a-ayoko..." bago ito nagdali-dali sa pagbalik sa silid nila ni Chad.

Copyright 2018 ⓒ DyslexicParanoia (Angela Atienza), All rights reserved.

Kung ano-ano na ang ginawa ni Carolina para takpan ang kanyang mga tenga, ngunit sa kahit ilang unan niya ibaon ang kanyang ulo; o kahit pa lagyan n'ya ng earplugs ang mga ito ay naririnig pa rin nito ang mga kahol ng aso sa likod-bahay.

"Chad!" Inalog-alog na niya ang natutulog na asawa sa sobrang desperasyon, "Chad gising!"

Pupungas-pungas namang bumangon si Chad, "b-bakit ba?"

"Hindi mo ba naririnig ang mga kahol ng aso?"

Napakunot-noo si Chad. "Kahol ng aso?"

"Oo, hindi mo ba naririnig?" tila kasi lalong lumalakas ang pagkahol ng mga aso sa kanyang pandinig.

Lalong nagusamot ang mukha ni Chad dahil wala naman siyang naririnig kundi ang matinis na paghuni ng mga kulilis. "Wala naman akong naririnig." Muli itong bumalik sa pagkakahiga bago tumagilid nang patalikod sa asawa.

"Ano ba 'yan?" nangangambang wika ni Carolina sa kanyang isipan, "nababaliw na ba ako? Bakit hindi niya naririnig?"

Sinubukan niyang mahiga na rin. Ipinikit nito ang mga mata sabay taklob ng kanyang mga palad sa magkabilang tenga, pero sa halip na humina ang kanyang pandinig, tila mas lalo pang lumakas ang pagkahol ng mga aso sa kanyang pandinig.

Wala pang isang oras, hindi na niya natiis. Pero sa halip na sa kusina ay umakyat ito sa attic. Mas malapit kasi ito sa master's bedroom at bagama't nakakaramdam siya ng panginginig ng tuhod sa bawat hakbang niya sa spiral staircase, mas naramdaman lang niya ang tunay na takot nang matanaw na niya ang maliit na bintana sa loob.

Naging mabigat ang kanyang bawat paghakbang patungo sa bintana. At naging kasabay naman ng paghinto ng kahol ng mga aso ang mismong pagsilip niya sa bintana.

Tanging pagsinghap lamang ang tunog na nagmula sa kanyang bibig, habang tuluyan nang nilukob ng matinding sindak, panalalamig at panginginig ang kanyang buong pagkatao.

Hindi mabilang na tao—bata, matanda, babae at lalake ang nakatayo sa palibot ng balon. Napansin din niyang nakaipod na ang takip ng balon hanggang sa bandang kalahati ng bunganga nito.

Hindi makagalaw si Carolina sa pinaghalo-halong nararamdaman, tuluyan na ring tumulo ang mga luha niya sa sobrang takot nang maramdaman niyang tila may lumalapit sa kanyang bandang likuran—mula sa kanyang likuran.

"Tulungan mo kami..." tinig ito ng isang babaeng tumatangis. "Parang awa mo na...tulungan mo kami..." nadagdagan ito ng maraming tinig.

"P-papa'no...?" kahit hindi makagalaw at makalingon si Carolina.

Walang sagot ang dumating. Bigla ring naglaho ang pakiramdam na mayro'n pa s'yang katabi.

***

Kahit anong paliwanag ni Carolina ay tila hindi naman ito pinaniniwalaan ni Chad. Kahit na itinuro pa niya ang nagalaw na takip ng lumang balon. "Marahil ay pinagkakatuwaan lang tayo ng mga naiinggit dito." Wika nito sa kanya, "at sila lang ang nag-ipod ng takip niyan para takutin tayo. Hayaan mo, hahanap ako ng maaaring maglagay ng barbwires sa itaas ng ating mga bakod."

Sa naranasan niya, kahit batid ni Carolina sa loob niya na walang magagawa ang naging resolusyon ni Chad ay mas pinili na lamang niya ang manahimik, dahil wala rin naman siyang maisip na lohikal na paliwanag sa mga nangyari sa kanya.

"Naniniwala ako sa 'yo, Ma." Nagulat si Carolina sa palihim na ibinulong sa kanya ng kanyang panganay. "Madalas ko rin silang marinig sa kuwarto ko. Umiiyak. Humihingi ng tulong. Naroro'n daw sila sa ilalim ng balon. At si Dr. Montecillo raw mismo ang naghulog sa kanila roon."

Pasimpleng hinila ni Carolina si Ysabelle, papalayo kay Chad at Kristoff—na abala naman sa panonood ng telebisyon. "Totoo ba 'yan?"

"Opo." Bakas sa mukha ni Ysabelle ang labis na pangamba.

"Pero bakit ngayon mo lang sinabi?"

"H-hindi ko po kasi alam kung paniniwalan niyo ako eh." Sagot nito, "at baka rin po isipin niyo gawa-gawa ko lang ang kuwento dahil ayokong tumira dito dati."

"Ang kapatid mo? May alam din ba siya?"

"Hindi ko po alam, wala rin naman po akong sinasabi sa kanya. Alam niyo naman 'yun. Alaskador. Tiyak na aasarin lang niya ako kapag sinabi ko sa kanya."

Sandaling nag-isip nang malalim si Carolina. "Magbihis ka." Bulong niya sa anak na dalaga.

"Po? Pero bakit po?"

"May pupuntahan tayo."

[ITUTULOY]

MHST 3:  Ang BalonWhere stories live. Discover now