KABANATA 13: NAKANINO ANG BERTUD?

Start from the beginning
                                    

"Nakalimutan ko nga pala na ikamamatay ng ilang tibaro ang asin. " Itinapat ni Montar ang hintuturo sa kanyang sopas. Humaba ito at nagkulay ginto at nagningning. Nagtungo ang ilaw na nagmula sa hintuturo sa sopas. "Ayan, maalat na."

Napansin ni Moymoy na ang isdang inihain ng tikbalang sa kanyang plato ay sariwa pa ang ulo. Napakuno-noo siya. Itinaas niya ang kanyang palad at sa pamamagitan ng kanyang diwani na nagmumula roon ay pinainit niya ang isda hanggang sa ito ay maluto. Pinagmsdan niya ng isdang inihain din kay Alangkaw at ganoon din ang kanyang ginawa.

"Salamat," tugon ni Alangkaw.

"Bakit ako ang iniisip ng mga rebelde na ako ang nakakaalam sa kinaroronan ng bertud?" tanong ni Wayan.

"Dahil ikaw ang tunay niyang asawa," sagot ni Ibalong Saryo.

"O, eh ano ngayon?"

Si Montar ang sumagot. "Ang asawa lamang o ang anak ng tibaro ang may kakayahang makahawak at maging tagapagmana sa bertud."

Nagtinginan sina Moymoy at Alangkaw sa kanilang narinig at pagkatapos ay umiwas ang huli, yumuko at bumalik sa pagkain.

"Pero wala sa akin ang bertud. Ni hindi ko nalalaman na nawawala ang bertud ni Buhawan," giit ni Wayan.

"Kung gayon, nakanino?" pakli ni Ibalong Saryo. "Hindi mo nalalaman na nawawala ang bertud ni Buhawan?"

"Montar, bakit ka ganyang makatingin sa 'kin?" tanong ni Wayan nang mapansing matamang nakatingin ito sa kanya. "Huwag mo kong ispan na nagsisinungaling. At kahit na nasa akin pa ang bertud ni Buhawan, dudurgin ko 'yon."

"Hindi nadudurog ang bertud ng isang tibaro, Wayan. At lalong walang kakayahan ang isang asawa o ng isang anak na durugin iyon," sagot ni Montar.

"Kung gayon, nasaan ba ang bertud ni Buhawan?" ani Wayan.

Nagtinginan ang lahat. Naghari ang katahimkan. Lahat ay may tanong ang mga mukha.

"Teka lang, teka lang." Si Wayan muli ang nagsalita. "Iniisipan niyo ba ako ng masama? Wala sa akin ang bertud ni Buhawan." Mariin ang mga salita nito.

Bago pa man makapagbigay komento ang bawat isa sa sinabi ni Wayan ay nagulat sila sa pagdating ng isang paniki na lumipad-lipad at pagkadapo sa pasamano ng bintana ay bumalik sa tunay na anyo.

"Hasmin!" halos napasigaw si Moymoy pagkakita rito.

"Moymoy," dagling lumapit si Hasmin sa kanya. "May nakita akong lumulusob! Mga malalaking ibon pero mas mabangis pa kaysa sa mga ekik!"

Nagulat ang lahat nang ang lahat ng tibaro sa komedor ay nagtakbuhan, humihingi ng saklolo. Kasabay noo'y biglang nagsara ang mga bintana.

"Sa tore! Magtungo tayong lahat sa tore!" sigaw ni Wayan.

Nagulat ang lahat nang magbukas ang isang bintana at isang kamay na kulay itim na may matutulis na kuko ang dumagit sa isang nuno. Nagbukas ang pinto at nakita ang kabuuan ng dumagit.

"Wakwak!" sigaw ni Ibalong Saryo.

Umiyak ang nuno. Akmang sasagipin sana siya ni Moymoy pero tuluyan na siyang nadagit ng wakwak. Biglang nagsara ang bintana. Ang pag-iyak ng nuno ay hindi na narinig.

Bigla'y narinig nila ang pagkabog ng mga bintana. Palakas iyon ng palakas. Dinig na dinig nila ang nakakakilabot na pag-iingay ng mga wakwak.

"Napapaligiran tayo ng mga wakwak." Malumanay ang tinig ni Montar pero may takot ang kanyang mukha.

Dagling umalis si Wayan para magtungo sa tore. Sumunod ang lahat sa kanya.

Pagdating nila sa tore, kitang-kita nila ang mga nagliliparang mga wakwak. Hindi lamang iyon isang dosena na gaya ng mga ekik na lumusob noon dahil hindi nila mabilang ang nagliliparan sa kalawakan. At kitang-kita nila na higit na mababagsik ang mga wakwak dahil sa dilim ng gabi, kitang-kita ang nanlilisik nilang mga mata at ang bibig nilang naglalalaway na may matutulis na mga pangil.

Nakakakilabot ang nililikhang ingay ng mga wakwak. Ingay na nagbabanta. Ingay ng pagkakaisang lulusubin ang buong Gabun.

"Wayan!" Binalingan ito ni Moymoy. "Lulusob ako. Kakayanin namin ito ni Alangkaw. Pagtutulungan namin."

Huminga ng malalim si Moymoy, hinanda niya ang sarili. "Hindi ba, Alangkaw?"

Bantulot na tumango si Alangkaw.

Pinagmasdan naman ni Wayan ang kalawakan. Inikot niya ang kanyang tingin. Nakita niyang nakapaligid ang mga wakwak sa kanyang kastilyo.

"Moymoy, ako ang kanilang sadya." Halos sa sarili niya iyon sinabi. BUmaling si Wayan sa lahat at sa mga tibaro na umakyat sa tore. "Walang gagalaw! Walang susugod! Hayaan niyo ako!"

Binuksan ni Wayan ang bintana at doon ay tumayo siya sa pasimano. "Pontoho!"

"Wayan!" sigaw ni Ibalong Saryo. "Maghunos dili ka!"

"Pontoho!" Sumigaw si Wayan nang buong lakas.

Inilinga ni Wayan ang kanyang tingin pero hindi niya makita si Pontoho. Humakbang pa si Wayan at inilapat ang katawan sa tore, gumapang sa pinakataas nito. Sa pinakatuktok ng tore, tumayo siya roon at isinigaw ng buong lakas ang pangalan ni Pontoho.

"Ako ang kailangan mo! Huwag mong idamay ang iba pang mga tibaro!"

Unti-ungi ay humawi ang ulap na tumatakip sa maliwanag na buwan at doon ay nakita niya ang tatlong nilalang na nakasakay sa tatlong ekek. Nang papalapit ang mga ito, nakita niyang nangungna roon si Pontoho.

"Ako ang kailangan mo! Hindi ako natatakot sa 'yo!"

Nakita ng lahat ang tatlong nakasakay sa mga ekek. Sina Pontoho, Ryan, at Amora.

Isang malakas na halakhak na nagmumula kay Pontoho ang kanilang narinig.

Umikot-ikot sina Pontoho, Ryan, at Amora sa tore.

"Huwag niyong idamay ang iba pang mga tibaro!"

Bigla ay sumugod si Pontoho at dinagit ng mga kuko ng ekik na sinasakyan nito si Wayan!

Lumipad nang lumipad ang ekik na sakay si Pontoho, nakasunod sina Ryan at Amora. Pinagyayabang sa lahat na nasa kanila na si Amora. Samantala, ang mga tibaro ay nasa kani-kanilang mga bahay, sinisilip lamang ang nagaganap—natatakot sa mga nangyayari.

Sa tore, nanatiling nakatayo roon sina Montar at Ibalong Saryo.

Si Moymoy, nanatiling nakamasid, pinagmasdan rin ang nangyari. Tiningnan saglit si Alangkaw na nakatingin din sa nagaganap.

At hindi nila alam na pareho ang kanilang iniisip sa mga sandaling iyon. Nasaan ba talaga ang bertud ni Buhawan?

EEEGGGG��Q8��

Moymoy Lulumboy Book 2  Ang Nawawalang Birtud (COMPLETED)Where stories live. Discover now