Gigisingin ko nga sana siya pero mukhang pagod na pagod talaga ang MVP. Kawawa naman ang isang 'to. Pero bakit ba kasi hindi siya magsabi na gusto na niyang magpahinga pala?

Nag-panic pa nga ako no'ng muntik siyang matumba! Buti na lang ay nasalo ko agad ang ulo niya gamit ang balikat ko.

Na mukhang wrong move kasi umeepal na naman iyong puso kong kumakabog.

Hoy! Puso! Manahimik ka riyan! Kapag ikaw narinig nitong isa, kakain ako ng maraming chicken skin at grilled balut para bumara lahat ng mantika sa 'yo! Gusto mo iyon?

Pero kailan ba ako nanalo sa puso ko?

Kailan ba nakinig ang puso ko sa 'kin?

"Number eleven," bulong ko pero hindi siya nagising. Nakasandal lang ang ulo niya sa balikat ko.

Hindi kaya magkaro'n ng stiff neck ang isang 'to sa pwesto niya? Ang tangkad kasi niya, e. Sa 'kin pa talaga sumandal na cute size lang kumpara sa kaniya.

Pero syempre, ako na ang mag-a-adjust. Inangat ko nang kaunti iyong balikat ko kahit medyo nabibigatan na sa ulo ni number eleven. Pasalamat talaga siya at gwapo siya.

Amoy na amoy ko tuloy iyong buhok niya. Grabe nga, e. Ang bango pa rin kahit nasa labas siya buong araw. Partida, nausukan na iyan dito sa Night Market, a. Ano kayang shampoo ng isang 'to?

Tapos kitang-kita ko rin iyong tangos ng ilong niya. Pati iyong mga pilikmata niya. Lalo na iyong mukha niyang ang kinis talaga.

May skincare routine kaya 'to?

Ako kasi, kung ano iyong sabon ko sa katawan, minsan ay sinasabon ko rin sa mukha. So far, effective naman kasi hindi ako gaanong pini-pimple. O baka dahil wala rin sa lahi namin ang pimples? Ewan.

Umihip ang malamig na hangin.

Medyo dumarami ang mga tao kahit malalim na ang gabi. Nag-uumpisa na rin akong mangawit pero hinayaan ko na. Isa pa, naisip ko ring baka hindi na maulit itong moment na 'to.

Iyong nakasandal sa 'kin si number eleven.

Iyong sobrang lapit niya sa 'kin.

Nakakakilig lang.

Ang sarap sa feeling.

O, Kaizen, iyong ngiti mo... sige lang, ngiti lang. Pero liitan mo lang kasi baka pagkamalan kang ewan ng mga tao kapag nakitang ngiting-ngiti ka riyan.

Kaya para may pagkaabalahan kaysa ngumiti na parang may balak na masama, e, nagkalikot na lang ako sa phone ko. Kaunting scroll sa social media. Kaunting react sa mga posts ng mga online friends. Nag-message na rin ako kay mama na late na akong makakauwi. Tinanong niya lang kung sinong kasama ko. Sabi ko, kaibigan ko.

Tsk. Bakit parang masama pa iyong loob ko na kaibigan ko lang si number eleven?

Swerte ko na nga, e. Iyong isa sa rising stars ng men's volleyball ng Pinas ay kaibigan ko.

Kasama ko pa ngayon dito sa Baguio! O, 'di ba?

"Hoy, guys, picture tayo!"

"Picture pa! First time mo sa Baguio, sis?"

"Gaga! First time ko naman talaga!"

Napatingin ako sa isang grupo ng magkakaibigan na dumaan at nagtatawanan. Huminto sila saglit tapos nag-picture sila ro'n.

Ewan ko pero napatingin ulit ako kay number eleven na mahimbing pa ring natutulog ngayon. Maya-maya lang ay nilabas ko ulit ang phone ko at in-open iyong front cam.

Isang picture lang naman with number eleven habang tulog siya...

Pero iyong isa, nauwi sa lima.

At halos mapatalon ako sa gulat kasi no'ng pang-anim na shot na, e, nakita kong gising na si number eleven at nakatingin na sa camera!

Jersey Number ElevenWhere stories live. Discover now