Chapter Six

92.3K 1.8K 38
                                    

Chapter Six

Pinakalma ko muna ang sarili bago siya hinarap. Dala ang kanyang gym bag ay tumatakbo siya patungo sa akin. Napalunok ako nang husto siyang makalapit.

"May susundo sa 'yo?" pauna niyang tanong na hindi maipirmi ang mga mata sa akin.

Umihip ang hangin at nalanghap ko ang kanyang bango. Halatang bagong ligo lang siya at basa basa pa ang kanyang buhok. Kailangan ko na namang kurutin ang aking kamay para mawala sa pagkakahipnotismo sa kanyang kagwapuhan. Dumapo ang mga mata niya sa kamay ko. "Ah, oo, susunduin ako ni Papa..." kinalas ko ang mga kamay mula sa isa't isa.

Tumango siya at napatiim labi, dahilan ng paglitaw ng kanyang dimple sa kaliwang pisngi. Lumakas lalo ang tibok ng puso ko at pakiramdam ko'y nagiging jelly ang mga tuhod ko.

"Samahan na kitang maghintay sa labas." hindi ito tanong!

Nauna na siyang maglakad sa akin palabas ng campus, nakapamulsa. Hindi ko napigilan ang ngiting kumawala sa aking mga labi. Mabilis na akong sumunod sa kanya.

Naupo kami sa waiting shed kagaya noong nakaraan. Iyon nga lang ay 'di tulad noon ay kaunting distansya lang itong pagitan namin ngayon. Hindi umuulan ngunit 'yong pakiramdam noong unang beses na nagkaganito kami ay ganoon parin. Dumoble pa nga 'ata 'yong saya at kiliting nararamdaman ko ngayon.

"Hmm, papasundo ka ulit sa driver niyo?" basag ko sa katahimikan.

Bumaling siya sa akin at umiling. "I have my car with me."

Tumango ako't pinasadahan ng tingin ang kanyang kamay. Wala na ang benda doon. Mukhang magaling narin talaga ito. "Hindi ka pa uuwi?" tanong ko.

Umiling siya. "Hihintayin ko muna 'yong sundo mo."

Tumango muli ako't nagtiim labi. Pinipigilan ang sariling mangiti. May kung ano sa tiyan ko ang hindi mapakali at nangingiliti.

Nanghinayang ako nang maya maya ay dumating na iyong sasakyan ni Papa. Gusto ko pa siyang makausap. Gusto ko pa siya lalong makilala...

Tumayo siya at siya pa mismo ang nagbukas ng pinto para sa akin. "Um, bye. See you tomorrow?" may pag-aalilangan kong sabi.

Ngumiti siya. Iyong ngiti na nagustuhan ko sa kanya. 'Yong bahagyang nalabas ang mapuputi at magandang set niya ngipin. "See you tomorrow."

Lumawak ang ngiti ko at tuluyan ng pumasok sa kotse ni Papa. Tiningnan ko ang repleksyon ni Alexander sa side mirror ng sasakyan. Nanatili siyang nakatayo doon at nakatingin sa palayo ng palayo naming sasakyan. Bumuntong hininga ako't nangingiti paring bumaling sa kalsada.

Narinig ko ang pagtikhim ni Papa. "Iyon ba 'yong Alexander?" seryoso niyang tanong.

Natigil ako sa kakangiti at bumaling kay Papa. "Opo..."

Tumango siya at napabuntong hininga. Nanatili ang mga mata sa daan. "Nanliligaw na ba 'yon, anak?"

"P-Po?" gulantang kong baling kay Papa.

Bahagya naman siyang napatawa. "Ayos lang naman sa akin kung nagkakaroon ka man nang crush. Normal lang 'yon anak. Pero sana hanggang doon lang muna at masyado ka pang bata..."

Napabuntong hininga ako't napangiti sa tinuran ni Papa. "Opo. Tingin ko naman ay nakikipag-kaibigan lang si Alexander..." at mukhang may girlfriend na siya. Napanguso ako sa naalala.

"Sa pagkakaibigan naman talaga nagsisimula 'yan..." iling ni Papa.

Hindi ko na halos matandaan kung paano at kailan ako nagsimulang magkagusto kay Alexander Fajardo. Basta ang alam ko ni minsan ay hindi ako nahumaling sa kahit na ano o sino bukod sa kanya.

WorthlessWhere stories live. Discover now