O... akala ko lang pala iyon.

"Nag-transfer ka sa Easton?!" Galit na tanong ni Jerome kay John.

Nandito ang buong team ngayon sa kwarto nila rito sa dorm. Pinapanood namin si John na nag-iimpake ng mga gamit niya. Isang linggo na ang lumipas since nag-start iyong klase. Kaya pala nagtataka kami kung bakit hindi siya pumapasok. Kasi hindi pala siya nag-enroll.

Well, technically, nag-enroll siya. Sa Easton nga lang.

Nagulat kaming lahat.

Sobrang biglaan kasi nitong naging desisyon niya. Ni hindi man lang niya kami kinausap! Kasama pa namin siyang nanood no'ng finals! Kasama namin siyang kumain kung saan-saan. Kasama namin siya sa mga workout sesions tapos ganito?

"Sorry, guys," iyon lang ang sagot ni John sa 'min. Ni hindi rin siya tumitingin sa direksyon namin.

"Gago ka! Bakit ka lilipat? Bakit hindi ka man lang nagsabi? Buong akala namin, intact ang team lalo na't malapit na iyong off-season tapos malalaman na lang namin na aalis ka? At sa Easton pa? Kung hindi ko pa kinulit si coach, hindi namin malalaman? Tangina!"

Galit na galit si Jerome. Habang tahimik naman kaming lahat. Lalo na si Paul na bestfriend nitong si John sa team.

"Cap, kalma," sabi ni Vince habang tinatapik ang likod ni Jerome.

"Hindi! Tangina kasi, e! Sana man lang nagsabi 'to, e! Magkakasama tayo halos araw-araw, hindi mo man lang naisip magsalita?"

"Ayoko naman talaga umalis," sabi ni John at napatingin kaming lahat sa kaniya. "Iyong parents ko ang may gusto na lumipat ako."

"Tanginang iyan," biglang sabi ni Paul saka tumayo at lumabas ng kwarto.

"P're, pwede ka naman lumipat. Pero bakit sa Easton pa?" Tanong naman ni Kiko.

Hindi na sumagot si John. Nagmura ulit si Jerome at saka lumabas din ng kwarto. Sinenyasan agad ni Kiko iyong iba na sundan ang captain namin. Unti-unting umalis ang lahat hanggang sa kami na lang ni John ang naiwan. Lumapit ako sa kaniya saka siya tinapik sa balikat.

"Good luck sa Easton," sabi ko.

Malungkot lang siyang ngumiti. "Salamat, Kai."

"Sayang. Wala ka na sa team. Pero okay lang iyon. Wala tayong magagawa kung iyon ang gusto ng parents mo."

"Sorry ulit. Sasabihin ko naman sa inyo kaso..."

"Hayaan mo na. Palipasin na lang muna natin iyong init ng ulo nila Jerome saka kayo mag-usap," tinapik ko ulit ang balikat niya. "Magkikita pa naman tayo, 'di ba? Iyon nga lang, sa kabilang side ka na ng net. 'Wag mo masyado galingan kapag kami na ang kalaban n'yo ha?"

Natawa siya saka tumango.

Nakakalungkot naman. Hindi ko in-expect na may aalis sa team nang biglaan. Akala ko, kami-kami pa rin hanggang sa gr-um-aduate sila. Ahead ng isang taon si John sa 'kin, e. Ka-batch niya sina Jerome, Paul, at Kiko.

At inaamin ko rin, nanghihinayang na ako ngayon pa lang. Isa kasi si John sa mga assets ng team. Malakas siya at magaling sa position niya. Go-to player namin siya, e. Kaya ngayong wala na siya sa team, hindi ko alam kung anong adjustments ang gagawin nila coach. Malapit pa naman na ang off-season tournament.

Mabilis na kumalat ang balitang lumipat si John sa Easton. At ang nakakainis pa ro'n, ang daming mga chismis na kumakalat sa kung anong totoong dahilan kung bakit siya umalis sa Creston.

May iba na nagsasabing na-offer-an daw ng condo at kotse. May iba naman, ang sabi ay bumagsak daw ang grades. At meron pa ngang balita na may hindi raw kasundo sa team.

Kaya hindi talaga ako tumatambay sa social media, e.

Grabe mag-isip ang mga tao. Ang advance!

roenalejo11: Hey. I heard the news.

kaireyes: Nakaabot na rin sa inyo?

roenalejo11: It's all over social media. How's the team?

kaireyes: Nag-a-adjust at nagmu-moveon na hehe. Malapit na rin ang off-season, e.

Pagkatapos ng ilang weeks, nagsimula na kaming mag-training ulit. At aaminin ko, apektado pa rin ang buong team sa pag-alis ni John. Ilang beses kaming napagalitan ng mga coaches kasi hindi namin magawa nang maayos iyong mga play lalo na si Drew, iyong pumalit sa position ni John. Kita mo sa kaniya iyong pressure kasi ang laki talaga agad ng responsibilidad na binigay sa kaniya kaya todo suporta sa kaniya ang lahat.

Idagdag pa iyong mga subjects namin. Lalo na iyong mga minor subjects na ang lakas maka-major.

Kaya kahit medyo malayo pa naman ang midterms ay nag-pray na agad ako. Na sana ay makapasa ako sa lahat ng subjects ko ngayong sem kasi sasabay pala iyong hell week sa mismong opening ng tournament.

Nag-pray na rin ako na sana umabot pa ako ng second sem nang hindi nagkakasakit. Pinag-pray ko na rin ang buong team pati sila coach.

Iyon nga lang, mukhang delayed ang sagot sa mga prayers ko.

Akala ko, nagiging smooth na ulit kahit paano ang lahat pagdating sa team namin, hindi pa pala.

"Tangina mo! Hindi ka raw pumapasok sa mga klase mo?!"

Galit na galit na naman si Jerome. Sa sobrang galit niya ay kinailangan na siyang hawakan ng buong team. This time, dahil iyon sa isa ko na namang teammate, si Roy, iyong isa sa mga libero namin.

"Cap, baka umabot 'to kina coach! Kumalma ka-"

"Paano ako kakalma, e, iyang gago n'yong teammate, hindi pala pumapasok!"

Nakayuko lang do'n si Roy. Gaya ni John, isa siya sa mga teammates kong tahimik lang. Ahead siya ng dalawang taon sa 'kin at siya talaga ang main libero ng team bago ako pumasok. Sa totoo lang, hindi ko inakalang may ganito pala siyang issue kasi okay naman siya sa trainings.

"Inuuna mo pang puntahan iyong girlfriend mo-"

"Wala na kayong pakialam do'n!"

Nang marinig iyon ni Jerome ay muntik na siyang makawala sa pagkakahawak namin sa kaniya. Pero kahit kami ay nagulat nang sumigaw si Roy.

"Anong sabi mo?! Wala kaming pakialam?! Gago ka ba? Wala talaga kaming pakialam kung may girlfriend ka pero pumasok ka sa mga klase mo! Kapag bumagsak ka, hindi ka na makakalaro ngayong season! Madadamay iyong team sa mga kalokohan mo! Alam mo naman iyon!"

"Ayoko na! Hindi na talaga maglalaro! Hindi na rin ako papasok! Para saan pa kasi at nagte-training ako kung bangko lang pala ako? Wala akong playing time!"

"So, iyon ang problema mo? Wala kang playing time? E, kung ginagalingan mo sa training-"

Hindi na natapos si Jerome sa mga sinasabi niya nang si Roy na ang sumugod sa kaniya. Ang bilis ng mga pangyayari na nagkagulo na silang lahat doon. Maya-maya lang din ay dumating na iyong isa sa mga coaches namin para awatin sila.

At ako? Umalis na muna ako.

Nagpahangin kasi grabe iyong stress nitong mga nakaraang araw.

Hanggang sa nakita ko na lang ang sarili ko sa loob ng convenience store na malapit sa Westmore University. Hindi ko na nga rin alam kung paano ako napunta rito, e. Namalayan ko na lang na nakasakay na pala ako ng jeep kanina.

Bumili na lang ako ng tubig saka naupo muna ro'n.

Nag-isip ng mga bagay-bagay.

Halos mapatalon nga lang ako sa gulat nang biglang may malamig na bagay ang dumikit sa pisngi ko. Paglingon ko, nakita ko na lang do'n si number eleven na nakatayo. Napatayo rin ako, medyo nanlalaki ang mga mata habang tinitingala siya.

"Uy," bati ko sa kaniya.

Ngumiti si number eleven. Iyong signature smile niyang hindi labas ang ngipin. Pagkatapos ay inangat niya iyong kamay niyang may hawak na-

"Ice cream?"

Jersey Number ElevenTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon