1

4 2 0
                                    

  ALWAYS make your day worth remembering, basa niya sa qoute na nakasulat sa in-order na milktea. Hindi iyon para sa kaniya, kung hindi ay sa kaibigan na ngayon ay nasa harapan niya at tila walang pakialam sa nangyayari sa mundo.

Nasa The Sabriño’s Café sila ngayon. Naging tambayan na ng magkaibigan ang lugar sa tuwing may time silang magliwaliw. Favorite place ito ni Archen, dahil bukod sa tahimik at calming ang ambiance ay may magagandang tanawin din na makikita—kung saan masasaksihan ang paglubog ng araw mula sa kinaroroonan niya. Ayaw niya ng magulo at maingay kaya naisipan niya ring lumipat ng matitirhan malapit dito.

“Para daw sa ’yo,” nakangiwing sambit niya dahil sa kabaduyan ng may-ari ng café. Tinanggap naman ito ng kaibigan na balewala lang ang nakasulat doon.

Ever since they started to hang out and order their favorite drinks, his friend, Eurica, had never paid attention to the sweetness of the owner.

Alam niyang single ang kaibigan kaya hindi niya mawari ang rason kung bakit hindi ito tumatanggap ng suitor. Hindi na nga niya mabilang kung ilan na ang dumaan sa kaniya at nagpatulong para ligawan ito.

“It’s been a month na, pero hindi mo pa rin siya pinagbibigyan?” natatawang saad niya rito.

“Pumuti na ang uwak, hinding-hindi ko sila pagbibigyan. Masaya na ako sa buhay na mayroon ako. And also, I have my family and friends.”

Napapailing na lamang siya sa paulit-ulit na sagot nito.

“Pero iba pa rin ’yong may kasama ka na handa kang damayan sa tuwing kailangan mo ng karamay. Alam mo iyong mamahalin ka at aalagaan habang-buhay.”

“Hayaan mo na, buhay ko ito. Ikaw nga rin, e, walang jowa,” tawa nito nang pagkalakas-lakas. “No girlfriend since birth ka nga, e.” Hindi siya umimik dahil totoo naman iyon. Magaling lang siyang magbigay ng payo pero hindi niya iyon nagagawa sa sarili.

“I love myself. So, why would I?” he said. He then turned to the counter, where the owner of the café was looking at them.

“Baka lalaki pala talaga ang para sa ’yo?” Nagulat siya sa sinabi nito, lalo na at biglang ngumiti sa kaniya ang owner ng café. Gusto niyang batukan ang kaibigan ngunit nawala na iyon sa isip nang pitikin nito ang noo niya. Nakatulala kasi siya habang nagsasalita ito pero hindi naman siya nakikinig.

Nilingon niya ito. “Ano’ng sabi mo?” tanong niya para hindi mahalatang kinakabahan siya.

“Sabi ko, baka lalaki talaga ang para sa ’yo!” Medyo nilakasan nito ang boses kaya tinadyakan niya ang paa nito sa ilalim ng mesa pero sinamaan lang siya nito ng tingin.

“Baliw ka ba? Ano’ng lalaki ang para sa akin?”

“O, bakit? Ano’ng masama ro’n? Tingnan mo rin minsan ang nasa paligid mo para maintindihan mo ang pinupunto ko.”

Hanggang sa makauwi si Archen ay dala niya pa rin sa isip niya ang naganap kanina at ang mga sinabi ng kaibigan sa kaniya. Alam niya sa sarili niyang hindi siya straight at gaya ng ilan ay naa-attract din siya sa ibang lalaki. Katulad na lamang ng owner ng café na walang ibang ginawa kung hindi ang ngumiti sa kaniya sa tuwing nagkakasalubong sila.
Noong una pa lang ay may paghanga na siya sa lalaki ngunit hanggang doon lang ang kaya niyang gawin, lalo na kapag kasama niya ang kaibigan na pumunta roon at ito lang ang tanging napapansin. Ang kaibigan lang ang laging may sweet words na idinidikit sa milktea nito.

Minsan gusto niya rin itong bigwasan. Natawa siya sa isiping iyon at natulog na lang nang maaga para sa pupuntahan nila bukas kasama si Eurica.

Rainier and ArchenTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon