KABANATA 11: ANG DALAWANG INA AT ANG DATING MUNDO NG MGA TIBARO

Magsimula sa umpisa
                                    

"Siguro nga," biglang napaisip si Tracy." Ay oo naman!"

Huminga nang malalim si Liliw at tiningnan nang diretso si Tracy. "Gusto mo bang malaman kung ano ang buhay ng mga tibaro noong hindi pa ipinataw ang sumpa? Gusto mong malaman kung gaano kaganda ang buhay nila noon, sa piling naming mga Apo. Nang narito pa sila sa Sibol Encantada?"

"Sure. Gusto kong makita at gusto kong malaman, pero papaano?"

"Tumingin ka at tumingala ka sa mga bituin," utos ni Liliw kay Tracy.

Sumunod si Tracy sa sinabi ni Liliw. Ikinumpas ni Liliw ang kanyang kamay at sa marahang paraan, nag-iba ang paligid. Kahit na nanatili sila sa kinatatayuan nila, nakarating sila sa ibang dimensiyon. Sa dimensiyon ng ibang panahon. Ibinalik ni Liliw sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan ang nakaraan—noong ang mga tibaro ay maliligaya pa na parang nasa paraiso ang mga ito sa Sibol Encantada.

Marahang pinagmasdan ni Tracy ang paligid—napansin niya kaagad ang pinagkaiba ng lugar kanina sa ilang saglit lang. Bigla ay nabatid na niyang naiiba ang kanyang nakikita kaysa nakita na niya noon pa sa Gabun. Hindi nakatakas sa kanya ang ilang nilalang na naroon sa kanyang kinatatayuan—ang nagliliparang mga nilalang na may magaganda at mapuputing pakpak.

"Iyan ang mga manananggal noon, Tracy," sabi ni Liliw.

Patuloy na napapanganga si Tracy sa kanyang nakikita. Sa isang dako ay nakita niya ang naglalakad na mga binata't dalaga. Lahat sila ay pare-pareho ang mga damit—lampas tuhod ang bestida ng mga babae, samantalang ang mga lalaki'y naka-polo na mahahaba ang manggas na kulay puti rin. Ang kanilang pantalon ay abuhin. Malinis ang paligid at ang mga halaman ay mayayabong. Kung hindi maraming prutas ang mga punongkahoy, hitik sa makukulay na bulaklak ang mga ito. May mga kalalakihan na namimitas ng prutas at ang kababaihan naman ay naghihintay sa ibaba at sinasalo nila ang mga pinipitas ng mga lalaki sa pamamagitan ng kani-kanilang basket. Ang iba'y lumilipad-lipad at namimitas ng bulaklak o di kaya'y mga prutas sa mga punongkahoy.

"Iba-ibang tibaro ang mga 'yan, may mga aswang, manananggal, duwende..."

Nakita ni Tracy ang mga duwende na may magaganda at kumikinang na mga damit na naglalaro sa malinis na damuhan.

"Halika..." Marahan ay hinawakan ni Liliw ang kamay ni Tracy at pagkatapos ay umangat sila sa lupa. Hindi ito ikinagulat ito ni Tracy—bagkus ay patuloy na nawiwili siya sa kanyang nakikita.

Isang malamig at preskong hangin ang sumasalubong sa mukha at katawan ni Tracy habang limilipad sila at nakatingin sa buong Sibol Encantada...

Nalalaman ni Tracy na lumilipad siya kasama si Liliw. At sa ibaba ay nakikita niya ang kumunidad ng mga tibaro. Ang kanilang mga bahay ay iba iba pero maririkit. Maririkit dahil, iba't iba ang makukulay ang mga ito. Napapaligiran ng mga halaman at mga puni na namumulaklak at namumunga. Kapansin-pansin na ang kanilang mga bahay ay nakahilera sa mga burol. Mayroong nasa paanan ng burol at mayroon namang nasa itaas. Mayroon ding mga bahay na nakadikit sa burol at ang makukulay na pinto ang makikitang nakadikit sa burol—na an gang loob mismo ng bahay ay nasa burol. Sa gitna ng komunidad ay makikita ang malaking liwasan na pinagdadausan ng ano mang pagdiriwang. Pantay-pantay ang damo nito at napapaligiran ng mga halamang mabulaklak. Sa isang tabi naman ay may look na may malinis na tubig na malayang dumadaloy patungo sa talon. Dito ay sari-saring mga ibon at mapuputing bibe at mga gansa ang naglalanguyan. Sa tabi ng look ay ang malaking balon na pinagkukuhanan nila ng malinis na tubig. Nakita ni Tracy na may kaayusan ang kapaligiran at ang mga tibaro ay matiwasay na nabubuhay.

"Napakaganda... Isa itong paraiso." Hindi naiwasan ni Tracy ang mag-komento sa kanyang nakikita.

Sa ilang saglit, nagulat siya nang unti-unti ay dumidilim. Ang maliwanag na araw ay natatakpan ng dilim. "Ano'ng nangyayari?" tanong ni Tracy kay Liliw.

"Natupad ang sumpa," sagot ni Liliw.

Nakita ni Tracy na ang mga tibaro na tumingala sa kalangitan. Lahat sila ay nagtataka—pinagmamasdan ang nagaganap sa paligid. Isa-isang nakita ni Liliw na nag-iiba ang anyo ng mga aswang. Naging malahalimaw ang mga ito. Ang mga manananggal ay naging kulay itim ang mga pakpak. Ang mga duwende ay lumiit pa lalo. Nagtakbukan ang mga nuno sa burol. Isang manananggal ang nagtungo, bumulusok na lumipad sa harapan ni Tracy—biglang nag-iba ang anyo—nanlisik ang mga mata, nahati ang katawan, umitim ang pakpak, nagkabalahibo ang katawan, at biglang inilabas ang mahabang dila.

*****

Sa isang iglap, natagpuan ni Tracy ang sarili sa veranda ng palasyo sa kinatatayuan niya kanina lamang kasama si Liliw. Para siyang nakatulog ng mahimbing sa isang napakagandang panaginip at biglag nagising nang magsimula ang isang bangungot.

"Hindi mo kailangang makita ang hindi magandang pangyayari."

Ang tinig ay nagmula kay Liliw na nanatiling nasa kanyang tabi.

"Ipinakita ko lang sa 'yo ang kalagayan ng mga tibaro noong nandito pa sila sa Sibol. At ang kinahinatnan nila sa sumpa... huwag na lang," malumanay na sabi ni Liliw.

Bumaling si Tracy kay Liliw at naging seryoso ang kanyang tinig. "Ano ba talaga ang kinalaman ni Moymoy rito, kung hindi mo naman siya kukunin sa akin?"

"Anak ko siya, sa akin siya nanggaling. Ang kanyang ama ay isang mahusay na mandirigma. Taglay niya ang dalawang malalakas na puwersa—ako bilang may diwani, at ang ama niya na matapang sa ano mang laban. Siya ang may kakayahan na bawiin ag sumpa."

"Ano'ng gusto mong gawin ko?"

"Nanganganib ang buhay mo rito, Tracy."

Naghari saglit ang katahimikan.

Ipinagpatuloy ni Liliw ang kanyang sinasabi. "Minsan ka nang nagtungo rito noon—dinukot ka ng mga rebelde, si Buhawan at ng kanyang pangkat."

"Ha? Paano nangyari iyon?"

"Binura namin sa iyong alaala ang naging karanasan mo rito."

"Gano'n ba?"

Tumango si Liliw.

"Pero napakagaling ni Moymoy. Sabi mo nga, anak mo siya at anak siya ng isang matapang na mandirigma."

"Walang duda na makapangyarihan si Moymoy. Pero sa kasalukuyan, ang bertud ni Buhawan ang hinahanap ng mga rebelde para buhayin itong muli."

"Kalabisan ako rito, gano'n ba?"

Matipid na ngumiti si Liliw. "Isang bagay ang dapat mong malaman."

"Ano 'yon?"

"Nalalaman ko—nagdesisyon na si Moymoy noon pa."

"Na ano?"

"Babawiin niya ang sumpa. Lalaban siya. Kakalabanin ang puwersa ng mga rebelde ng Gabun."

Moymoy Lulumboy Book 2  Ang Nawawalang Birtud (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon