Chapter 21

37 3 0
                                    

KAPAG may ginawang mali sa 'yo ang isang tao, iisipin mo kung paano mo ba siya nakilala, kung paano mo ba siya pinakitunguhan, o kung may nagawa ka rin bang mali dito at kung anu-ano ba iyon.

Hindi malapit si Lauri kay Jillian. Hindi niya ito nakakasalamuha nang matagal. Nagkakangitian lamang at minsan ay nagkakabatian. Hindi pa nga madalas, dahil madalang naman sila nitong magkasalubong sa unibersidad. Hindi man sila nito malapit sa isa't isa pero wala siyang maalala na pinagbuntunan niya ito ng galit niya sa nakaraan. So, what the hell happened? Paanong ito ang may kagagawan ng lahat ng nangyayari sa kanya? O ito nga ba? Ang lalaki ba na dalawang beses na siyang binalikan ang kasabwat nito? At sino naman kaya iyon?

Minsan na nga lang siyang mahabag sa isang tao, naloko pa siya. Ginamit pa nito ang ina nitong may sakit. O baka nga gawa-gawa lang din iyon ng babaeng iyon. Paniwalang-paniwala siya. Sino ba namang hindi kung makikita mong parang inilublob sa tubig ang mukha at humihikbi. Nalinlang siya nito. Napakahinhin ng babaeng iyon, hindi makabasag-pinggan kaya hindi niya maisip at hindi siya makapaniwala.

Natigil siya sa mga naiisip nang makarinig siya ng langitngit ng hula niya'y pinto kasunod niyon ay mga yabag. Papalapit nang papalapit sa kanya ang mga yabag na iyon at sigurado siyang hindi lang nagmumula sa iisang tao iyon.

Pagkatapos siyang gamitan ng taser ni Jillian ay nawalan siya ng malay. Hindi niya alam kung gaano katagal siyang tulog pero ilang minuto na rin ang lumipas simula noong bumalik ang kamalayan niya. Nang magising siya ay nakaupo na siya sa isang upuan at alam niyang hindi na iyon sa sasakyan. Nakatali ang mga kamay niya sa likod at maski ang kanyang mga paa. May nakatapal din na tape sa kanyang bibig  at may piring ang kanyang mga mata.

Tahimik sa kinaroonan niya bago pa dumating ang mga ito. Wala siyang naririnig na kahit na ano kaya hindi niya mahulaan kung nasaan ba siya. Kahit pa wala naman halos nakabalot na saplot sa kanyang katawan ay namamawis pa rin siya dahil sa labis na takot na nararamdaman niya at para bang kulong na kulong siya roon dahil wala man lang siyang maramdamang hangin.

Kanina nang magising siya, kulang na lang ay umiyak siya sa labis na pangamba. Pilit siyang lumilinga kahit walang nakikita; pilit na sumisigaw kahit alam naman niyang walang lalabas sa bibig niya. She prayed at parang naging sagot doon nang maalala niya si Isaak.

"Anong gagawin mo kapag napunta ka sa kamay ng masasamang tao?"

"You mean, sa nagtatangka sa akin?"

Tumango ito.

"I... really don't know. Baka magalit lang ako roon o umiyak," natatawang aniya. Umiling siya pagkatapos ng ilang segundong pag-iisip. "I really don't know, Isaak. Why?"

"Kapag napunta ka sa ganoong sitwasyon, huwag mong paiiralin ang takot at galit. Alam kong mahirap gawin iyon pero alam kong matapang ka, Lauri at magagawa mo iyon. Huwag kang lalaban dahil lalo ka lamang nilang sasaktan. At hintayin mo lang ako, Lauri. Dahil kahit ano'ng mangyari ay darating ako at po-protektahan kita. Pangako 'yan, Lauri."

At ang minsang napag-usapan nilang iyon ang nagbigay ng kapanatagan sa isip at puso niya.

"Ang tagal namang mag beauty rest niyan?"

Gustong mangunot ng kanyang noo nang marinig ang nagsalita. Mariin niyang natiim ang bagang sa sobrang galit na mas lumalago matapos niyang makilala ang nagmamay-ari ng boses na iyon. Bakit nga ba nag-iisip pa siya ng maaaring maging kasabwat ni Jillian sa ginagawa nito. Isipin pa lang niya na si Lucas ang ilang beses na nagtatangka sa kanya at ilang ulit niya itong nakakasalubong at minsan pang nakasama pagkatapos niyon ay naninindig ang mga balahibo niya.

Pinanatili niyang bagsak ang ulo, nagpapanggap na tulog, kahit gustong gusto na niyang maghamok. Namimigat ang dibdib niya sa galit at takot ngunit pinili niyang manahimik. Wala rin naman siyang magagawa. At tama si Isaak, baka pa saktan siya ng mga ito. At natatakot siya sa kung ano mang kayang gawin ng mga ito, lalo na ni Jillian. Sa tahimik nito at may tinatagong ganitong ugali, tiyak niyang mas malala pa rito ang babae. Baka may nagtatago pang demonyo sa katawan nito.

Keep Me CloseWhere stories live. Discover now