Chapter 13

47 3 11
                                    

"HINDI mo sisindihan?" 

Napalingon si Lauri sa kanang gilid niya kung saan nakatayo si Daniel. Naroon sila sa gilid ng Greenhouse. Katatapos lamang nilang maglunch. Lumabas silang dalawa para manigarilyo, habang ang tatlong kaibigang babae ay nasa loob pa.

Tiningnan niya ang nakataas na kamay nito. May hawak itong gold na automatic lighter. Kinuha niya 'yon dito, saka inilagay sa bibig ang sigarilyo na kanina niya pa hawak. Sisindihan niya na sana iyon pero hindi niya tuluyang nailapit ang lighter doon nang makita sa kanyang isipan ang nakabusangot na mukha ni Isaak, kung paano ang mukha nito kapag nakikita siya nitong naninigarilyo.

Naibaba niya ang lighter, naka-ipit pa sa bibig ang sigarilyo nang matunog at hindi makapaniwalang napangiti siya saka ilang ulit na napailing.

"What's wrong, Lauri?"

Hindi niya nagawang sagutin si Daniel. Ibinalik niya rito ang lighter na hindi ito nililingon. Kinuha niya sa bibig ang sigarilyo at tinitigan iyon. Pero ang isip niya ay gumagala na. Naroon na kay Isaak.

Hindi na siya galit sa binata. Sigurado siya roon. Kung paanong nabura ang galit niya rito nang ganoong kabilis ay hindi niya alam. Pero hindi niya lubusang akalain na nakukuha nito ang atensyon niya nang ganoon ding kabilis. 

Ayaw niya pang aminin sa sarili na ang taong labis na kinaiinisan niya noon ay nagagawa na niyang pasadahan ng tingin nang hindi na nag-iinit ang ulo at nakukuha niya pa ngang hangaan. Sarili niya lang ang lolokohin niya kung sasabihin niyang hindi totoo ang lahat ng ginagawa at nararamdaman niya.

Pero hindi ko naman siya gusto, hindi ba? Natural lang na hangaan ko ang ka-gwapuhan niya dahil gwapo naman talaga siya. Pero hindi naman ibig sabihin niyon na gusto ko siya.

Napatango siya sa sariling naisip. 

Ngunit kahit ano'ng pagkukumbinsi niya sa sarili ay sariling damdamin rin naman niya ang paulit-ulit na nagpapaalala sa kanya.

Paano niya pa nga ba itatanggi iyon gayong palagi na nga itong laman ng isip niya? Paulit-ulit pa nga na bumabalik sa isipan niya kung paano siya nito tinitigan sa parking lot na puno ng paghanga. Tatlong araw na ang nakararaan pero iba pa rin ang epekto ng pangyayaring iyon sa kanya. At kung bakit tuwa ang naramdaman niya dahil doon ay hindi niya alam.

Does that mean I really like him?

Lumipad ang mga kamay niya sa kanyang bibig at naitakip iyon doon habang namimilog ang mga mata.

"Oh, my God!"

Malakas na dumagundong ang dibdib niya nang makita sa isip ang nakangiting mukha ni Isaak habang nakatitig sa kanya.

Mula sa kanyang bibig ay bumaba ang mga kamay niya sa kaliwang dibdib niya. Ramdam niya roon ang dumobleng bilis ng tibok niyon. Kakaiba. "I like him?"

"You like him?"

Mabilis na napalingon siya kay Daniel. Mas bakas pa ang gulat sa boses nito kaysa sa kanya na nakadiskubre sa nararamdaman niya. Kulang na lang ay maging isa ang mga kilay nito pero nakapinta sa mukha nito ang pagkabigo.

Malalim siyang napabuntong-hininga. Masyado siyang nalunod sa mga naiisip at nakalimutan na niyang nasa tabi niya pa ang kaibigan. At hindi siya makapaniwalang nagagawa niyang isipin ang tungkol sa kung ano mang nararamdaman niya para kay Isaak gayong may tao pang inilalagay sa kapahamakan ang buhay niya.

"M-May nagugustuhan ka, Lauri?" Hindi pa rin makapaniwalang tanong ng kaibigan na para bang natalo ito sa lotto kahit hindi tumataya. "Sino, Lauri?" dagdag nitong tanong.

Keep Me CloseWhere stories live. Discover now