Chapter 12

38 3 3
                                    

NATIGILAN si Lauri pagkalabas niya ng silid nang umagang iyon ng Huwebes, ikalawang araw matapos ang nangyari noong gabi ng pagbabanta sa kanya. Kunot na kunot ang noo niyang nilingon ang magkabilang dulo ng pasilyo sa ikalawang palapag ng kanilang bahay. Mayroong anim na kalalakihan sa kanang pasilyo at anim din sa kaliwa. Seryoso ang mga mukha at tuwid na tuwid ang mga ito sa pagkakatindig.

Puno ng pagtataka siyang nagpatuloy sa paglabas ng silid ngunit habang pababa ng hagdan ay muli lang siyang napanganga dahil maski sa dulo niyon ay may nakabantay na dalawang kalalakihan. At hindi lang iyon, pagkababa niya ay ilang kalalakihan pa ang nakita niya sa paligid ng kanilang sala. Lahat iyon ay nakasuot ng itim na long sleeved polo at itim na slacks na para bang iyon na ang nagsisilbing uniporme ng mga ito.

Napahinga siya ng malalim. Muntik niya pang mahilot ang sentido. Hindi siya makapaniwalang makakakita siya ng ganoong karaming bodyguards sa loob ng kanilang pamamahay. Ayaw na ayaw ng parents niya na may bodyguards. Kaya nga ang dalawa ang laging magkasama. Maski nga katulong ay wala sila gaanong kasama. Isa lang o minsan ay dalawa. Hindi pa iyon stay in. Hindi niya alam kung wala bang tiwala ang mga magulang niyang magpapasok sa kanilang bahay o ayaw lang talaga ng mga ito ng ganoon.

Nagmadali siyang nagtungo sa dining room nang maulinigan ang boses ng kanyang ina. Umangat ang kilay niya nang makita nga roon ang mga magulang. Hindi pa umaalis ulit ang mga ito. Aalis man, iyon ay para lang magtungo sa main office ng kumpanya pero agad na bumabalik. Naninibago siya, sa totoo lang, pero hindi niya maitatanggi ang saya sa puso niya.

Napanganga muli siya at tuluyan niyang nahilot ang sentido nang makakita muli ng tatlong kalalakihan na nakatayo sa tabi ng bintana ng dining room hindi kalayuan sa lamesa. 

"Mom, hindi ba masyado naman yatang maraming bodyguards?" Nasa dalawampu yata iyon o baka higit pa. Sigurado siyang marami ring nakakalat sa labas ng kanilang bahay.

"Oh, good morning, hija!" nakangiting bati sa kanya ng ina. Bumeso siya rito at sa kanyang ama bago siya umikot sa upuan niya.

"Mom, ang daming bodyguards," ulit niya.

"Dapat lang iyan, Lauri. At kahit sa pagpasok mo ay pasasamahan kita."

"What? Huwag na!" mariing tanggi niya habang nanlalaki ang mga mata.

"Anong huwag na, Lauri Jade? Hindi maaari! Hindi ako makapapayag na may mangyari pang muli sa 'yo!"

Nasuklay niya ng kamay ang buhok. Baka pasamahan siya ng mga ito sa ilang bodyguards. Tiyak na katakot-takot na atensyon ang makukuha niya sa mga estudyante sa unibersidad. Ni hindi pa nga niya nasasabi sa mga kaibigan niya ang nangyayari sa kanya. Ayaw niyang mag-alala pa ang mga iyon.

"May nagbabantay na sa akin."

"At sino? Si Isaak? Alam kong hindi ka pababayaan ni Isaak pero may trabaho ang binatang iyon, Lauri. Hindi ka niyon bente-kwarto oras na matitingnan."

Napanganga siya. Kung bakit si Isaak agad ang naisip ng mga magulang niya ay hindi niya alam.

"Hindi naman kasi si Isaak ang tinutukoy ko."

"Kung gano'n, sino?"

"Naghire si Isaak ng bodyguard ko. Iyon ang nagbabantay sa akin simula noong..." Natigilan siya. Hindi niya magawang sabihin na simula noong nag-away sila. Tumikhim siya saka nagpatuloy, "Simula noong nangyari sa birthday party ni ninong. Nakabantay sa akin ang taong iyon hanggang sa loob ng university."

"Really?" Nakangiti ang kanyang ama. Nagkatinginan ang dalawa ng kanyang ina saka nakangiti ang mga itong tumango. "Hindi ko akalain na magagawa niya iyon. Hindi rin talaga ako binibigo ni Isaak."

Keep Me CloseWhere stories live. Discover now