Kabanata 2 - Dayo sa Sta. Elena

21 1 1
                                    

MAGTATAKIP-SILIM na nang matapos sina Tino sa bukid. Halos buong araw nilang inararo ang malawak na palayan na kanilang sinasaka. Kailangan nilang mag-ani ulit para sa susunod na buwan kaya puspusan ang kanilang pagtatrabaho.

Habang tinatahak ng apat ang daan pauwi, hindi pa rin nawawala sa isipan ni Tino ang matandang lalaki at ang batang babae kanina. Napapaisip siya kung bakit parang hindi maganda ang pakiramdam niya noong tingnan siya ng dalawang iyon kanina. Kakaiba ang titig ng dalawang iyon na tila ba nagpapahiwatig ng isang babala; babala na hindi yata niya kayang harapin.

"Tino, Pare, bakit parang ang lalim yata ng iniisip mo?" sita sa kanya ni Gaspar. Tinapik siya nito sa balikat at nagtatakang tiningnan siya.

"Wala, Pare. May naalala lang ako."

"Ano naman 'yon?" usisa ng kaibigan sa kanya.

Napabuntong-hininga si Tino. "Naalala mo kanina 'yong mag-ama? Parang may kakaiba sa kanila na hindi ko maintindihan. Parang. . . parang sinasabi ng utak ko na iwasan ko dapat sila."

Natawa lang si Gaspar sa narinig nito mula sa kanya. "Nakakatawa ka naman, Pare. Ibig mo bang sabihin, iyong mag-amang dayo na iyon ay aswang?"

"Hindi gano'n. Basta!" Hindi na lang nagpaliwanag pa si Tino dahil alam naman niyang hindi siya paniniwalaan ng mga kaibigan. Pero lingid sa kaalaman ng tatlo, may kakayahan si Tino na malaman kung ano'ng klaseng nilalang ang kaharap niya kaya sigurado siyang hindi normal na tao ang kanyang kaharap kanina. Sigurado ako. Hindi sila tao.

"Alam mo, Pare, sumama ka na lang sa amin. Mag-inuman na lang muna tayo. 'Di ba, mga Pare?" ani Gaspar sabay tingin sa dalawa pang kaibigan sa likod.

"Oo nga, Pareng Tino. Minsan ka lang namin makasama, sumama ka na," pagpupumilit ni Andres.

"Oo nga! Kahit ngayong gabi lang, Pare," segunda naman ni Garry. Mukhang sa pagkakataong iyon ay wala siyang magagawa kundi ang pagbigyan ang mga barkada. Halos bihira na rin kasi silang magkasama-sama kaya hindi naman siguro kalabisan kung pagbibigyan niya ang mga ito.

"Sige na nga. Pero hindi ako gaanong magtatagal, ha? Walang kasama si Constancia sa bahay!" bilin niya sa mga kasama.

"'Yon, oh!" may pagpitik namang wika ni Gaspar. "Huwag kang mag-alala. Hindi tayo magtatagal."

Nang gabing iyon ay napagdesisyunan nilang magkasiyahan sa tindahan na madalas nilang tambayan - ang tindahan ni Aling Auring.

Apat na bote ng cuatro-cantos ang nasa harap nila at inihaw na bituka ng manok ang kanilang naging pulutan. Simpleng kasiyahan lamang para sa iba subalit para sa kanila ay malaking saya ang naidudulot sa kanila ng ganoong pagsasama-sama. Hindi nila inaksaya ang bawat saglit ng panandaliang aliw bilang magkakaibigan.

"Alam mo, Pareng Tino, kung ako sa iyo, mag-anak na kayo ni Consorcia. Aba, kayo na lang yata rito sa Sta. Elena ang walang anak," sambit ni Andres sa kanya. Kung alam lang sana ng kaibigan niya na matagal na nilang gustong magkaanak ay hindi na siya mag-iisip pa nang ganoon.

"Matagal na naming sinusubukan, Pare. Pero hindi talaga naubra, eh," sagot niya.

"Eh, sinubukan n'yo na bang magpatingin sa doktor. Baka isa sa inyo ang may diperensya," saad naman ni Garry.

"Makailang beses na. Wala naman daw silang nakitag diperensya sa aming dalawa, siguro ay hindi pa inaadya ng Panginoon na bigyan kami ng anak," paliwanag niya sa mga kaibigan.

Nang lumalim ang gabi ay napagpasyahan na ni Tino na umuwi. Alas-diyes na rin kasi at siguradong hinihintay na siya ng asawa. Hindi niya maatim na nag-iisa ang kabiyak sa bahay nila lalo pa ngayon na may pangambang nakaamba sa kanilang bayan. Buo ang paniniwala niyang hindi normal na nilalang ang mag-amang nakasalamuha nila kanina sa daan. Alam din naman niyang walang maniniwala sa kanya lalo pa't tahimik ang kanilang lugar sa loob ng napakaraming taon. Subalit kailangan pa rin niyang mag-ingat dahil hindi naman sapat ang nagtitiwala lang sa katahimikan. Dahil kung minsan, ang katahimikan ay itinatago ang nakagigimbal na kaguluhan.

Tuwid pa naman ang lakad niya habang binabaybay ang daan patungo sa kanilang tahanan. Hindi niya alintana ang kadiliman ng baku-bakong kalsada dahil may mga ilaw naman ang bawat posting kanyang madaraanan, Ngunit habang siya'y naglalakad ay nakarinig siya ng kaluskos sa hindi kalayuan. Dahil sa kuryosidad, hindi niya napagilan ang sariling alamin kung saan nanggagaling ang kaluskos. Dinig niya iyon mula sa may kakahuyan, Sinundan niya ang tunog kung saan nanggagaling ang kaluskos. Wala siyang takot sa kadilimang bumabalot sa paligid matuklasan lamang kung sino iyon.

"Ano kaya iyon?" bulong niya sa sarili habang inaakyat ang matarik na daan patungo sa masukal na kakahuyan. Bawat hawi niya ng mga baging sa paligid ay mas lalo niyang naririnig ang tunog. Palakas nang palakas iyon na para bang pakpak ng isang ibon. Subalit sa lakas ng naririnig niya ay para bang hindi iyon pangkaraniwang pagaspas ng isang pakpak ng ibon. Tingin niya ay napakalaki ng pakpak na iyon para marinig niya ng ganoong kalakas.

Nagtago siya sa iyang malaking bato nang maramdamang may papalapit. Ngayon ay hindi lang pagpagaspas ng pakpak ang kanyang naririnig kundi pati na rin ang paghakbang ng isang nilalang na tingin niya ay papalapit sa kinaroroonan niya. Hindi niya magawang makaalis sa pinagtataguan dahil doon pa lamang siya nakaramdam ng takot. Pero kahit na ganoon ay hindi pa rin niya napigilan ang sariling alamin kung anong klaseng nilalang iyon. Dahan-dahan niyang inangat ang ulo mula sa kanyang pinagtataguan hangang sa masilayan niya kung anong uri ng nilalang ang nasa kanyang harapan.

Mas lalo naman siyang nanginig sa takot nang makita kung ano iyon. Hindi niya maisip kung tatabo ba siya o sisigaw nang makita ang lalaking may itim na pakpak at may sungay sa noo, namumula ang mga mata at may pangil na tila handang sagpangin ang kahit na sinong makita nito. Nanlaki ang kanyang mga mata kasabay ang panginginig ng panga sa takot na naramdaman. Hindi na niya halos maigalaw ang katawan sa kinatatayuan dahil sa nakasisindak na nasaksihan.

"D-Demonyo. . . " Sigurado siya sa nakita. Hindi iyon pangkaraniwang halimaw lamang dahil sa taglay nitong anyo. Nanginginig man ang kanyang tuhod ay pinilit pa rin niyang ihakbang iyon nang tahimik upang hindi marinig ng nakatatakot na nilalang. Mabuti na lang at malayo ang nilalang na iyon sa kinaroroonan niya kaya siguradong hindi nito namalayan ang kanyang pagtakas. Nang makarating sa daan ay saka pa lang siya tumigil upang makahagap ng hangin dahil sa nakahahapong pagtakbo palayo sa demonyong kanyang nakita. "Kailangan na naming makaalis dito," wika ni Tino sa sarili.

You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: Oct 19, 2023 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

The Evil's DaughterWhere stories live. Discover now