Chapter 2

71 4 0
                                    

"Bakit hindi ka nagpasabi na uuwi ka?" tanong ni Lydia sa kanya nang makarating sila sa parking lot. Hindi niya inaasahan na isang tanong ang isasalubong ng kasintahan sa halip na isang halik. Pilit na ngiti ang pinakawalan ni Franco. Marami siyang gustong itanong sa kasintahan pero wala sila sa tamang lugar para komprontahin ito.

"Gusto ko talagang sorpresahin ka, mahal. Kakain tayo sa masarap na restaurant. Hindi mo ba 'ko na-miss?" Sumampa siya sa motor na dala niya at hinintay na sumakay din si Lydia. Pilit niya munang inalis ang galit sa dibdib niya para makapagmaneho siya nang maayos.

Hindi pa naman niya nakompirma kung totoo ang balitang umaabot sa kanya na may ibang lalaking lumalandi sa kasintahan niya. Pero alas singco y media pa siya nakatayo sa harap ng lobby ng pinapasukan nitong kompanya na dumagdag sa init ng ulo niya. Ang sabi ng hindi nagpakilalang babae ay puntahan niya ito mismo sa mesa nito kung gusto niyang makita ang totoong milagro.

Pero hindi siya pinaakyat ng lady guard at ng receptionist doon. Hintayin na lang daw niyang bumaba si Lydia dahil pauwi naman na ang kasintahan. Gayunman ay isang oras pa siyang naghintay dahil kahit telepono nito ay hindi nito nasasagot. At ang sabi ng guard na naglilibot sa building ay kausap ito ng isang supervisor. Ang lalaking hinihinalang siyang kalaguyo ni Lydia.

Hindi nagpakilala ang nagsumbong na iyon sa kanya kaya't nahihirapan siyang kompirmahin ang katotohanan. Isa lang iyong anonymous sender sa kanyang messenger app na puwedeng gusto lang sirain ang magandang samahan nila ng kasintahan. Gayunman ay hindi siya mapakali. Napauwi tuloy siya sa sa halip na pipirma ulit ng kontrata. Ang usapan nila ni Lydia ay mag-i-extend siya ng isang taon sa Jeddah para makaipon pa sila para sa pinapangarap nilang buhay na magkasama.

Apat na taon na siya sa Jeddah. Tapos siya ng kursong education pero hindi na siya nakapag-take ng exam dahil nagkaroon na siya ng opurtunidad na makapag-abroad. Gusto niya lang sanang maging simpleng guro noon sa bayan nila sa Sto. Tomas, Batangas. Pero nang maging kasintahan niya si Lydia ay nangarap siya nang mas mataas na sahod dahil mataas ang pangarap nito at gusto niyang ibigay ang masarap na buhay na pangarap nito.

Pumasok siyang isang construction worker. Nang matuto siyang mag-drive doon ay nakuha siyang driver sa isang kompanya. Doon na umikot ang mundo niya dahil kahit mababang uri ng trabaho, sumasahod siya nang higit sa sinasahod ng isang guro sa Sto. Tomas. Naipagawa pa nga niya nang maayos ang munting bahay ng Inay at Itay niya. At ang balak niya sanang pag-extend sa Jeddah ay para makapagpatayo naman siya ng bahay nila ni Lydia bago man lang sila ikasal.

Sa apat na taon niya sa ibang bansa ay minsan lang siyang nakauwi. Hindi naman siya pumapalya na tumawag sa kasintahan kapag may libreng oras siya. Pero dahil pumapasok na rin si Lydia sa opisina, dalawang beses sa isang linggo na lang sila minsan nakakapag-usap. Madalas ay mensahe na lang sa messenger app ang araw-araw nilang pag-uusap.

Mahal na mahal niya ang kasintahan. College pa lang siya ay nililigawan niya na ito. Magkapitbahay sila sa Sto. Tomas at malapit na magkaibigan ang pamilya nila. Naging mas malapit pa nga noong naging magkasintahan na sila. Umaasa ang lahat na sila na nga ang magkakatuluyan.

At ayaw niyang masayang ang magandang samahan na iyon. Kung may dumidiskarte sa girlfriend niya ngayon, hindi naman siya magtataka. Isa si Lydia sa magagandang dalaga sa bayan nila. Kaya nga nagsusumikap siya na makaipon dahil kung gandang lalaki lang ang pag-uusapan, maraming magagandang lalaki ang karibal niya noon pa. At gusto niyang ipagmalaki na hindi siya magandang lalaki lang. May pera siya at kaya niyang buhayin si Lydia at ang magiging anak nila.

Trenta anyos na siya sa susunod na birthday niya. Isang buwan na 'yun mula ngayon. Naisip niya nang mag-propose kung hindi lang sa sunod-sunod na mensaheng hindi niya makompirma kung totoo. Kapag napatunayan niya na gawa-gawa lang iyon ng makakating dila sa paligid nila ni Lydia, yayayain niya nang magpakasal ang kasintahan nang tuluyan nang maging kanya ang babaeng minamahal.

A Game of TemptationWhere stories live. Discover now