"Matutupad ang inyong kahilingan ngunit may kapalit iyon."

"A-Anong kapalit? Sabihin mo orakulo! Lahat ng naisin mo ay kaya naming ihandog." anang reyna.

Tumawa lang ang orakulo sa tinuran ng reyna. "Hindi ko na kailangan ng mga materyal na yaman sapagkat kaya kong magkaroon ng mga yun anumang oras ko naisin!"

Nagkunot noo ang reyna. "Ngunit nanghihingi ka ng kapalit!"

"Kapag nagsilang ka ng kambal, ang gusto ko ay ibigay mo sakin ang panganay."

"Mahal na orakulo... H-hindi ko maintindihan?"

"Ang mas kailangan ninyo ngayon ay tagapagmana ng trono at hindi anak mahal na reyna..."

Dalawang linggo ang lumipas pagkatapos ng itinakdang pagsisiping ng mahal na hari at reyna, nagpakita na sa wakas ng sintomas ng pagbubuntis ang huli. Naging matatag ang mga kapanalig ng hari dahil sa magandang balita.

Pagsapit ng taglamig, kung kailan mayroon pang kumakalat na epidemya ay nagsilang ang mahal na reyna. Bagama't inaasahan na nila, laking gulat pa rin ng reyna nang magsilang siya ng kambal na lalake. Ibig sabihin niyon ay isa sa mga sanggol ang kinakailangang ipaubaya sa orakulo na di pa malinaw kung ano ang balak gawin sa walang muwang na paslit.

Ang masama pa ay nahulog agad ang loob ng reyna sa panganay na siyang dapat niyang ibigay sa orakulo. Kahit ubos na ang lakas, nagawa pa rin niyang kalungin ang bata. Masigla iyon kumpara sa ikalawa na mukhang sakitin.

"Habang pinagmamasdan kita, naalala ko ang pinakamataas na bundok ng Erdan. Ang tuktok niyon ay hindi pa naaarok ng kahit na sino magpahanggang ngayon. Ang gusto ko ay maging ganun ka sa iyong paglaki... Bagay sayo ang pangalang Zenith..." doon pa lang ay napagpasyahan na ng mahal na reyna na wag tuparin ang napagkasunduan nila ng orakulo. Hahanapan niya iyon ng butas upang masiyasat at maipatapon sa malayong lugar gaya ng Parun.

"Mawalang galang na po mahal na reyna... Ngunit gusto ko rin pong marinig ang ngalang ibibigay ninyo sa ikalawang prinsipe!" anang komadrona.

Nag isip saglit ang reyna. "Nababagay sa kanya ang pangalang Zephyr. Banayad na hanging nakapalibot kahit saan? maging doon sa pinakamataas na rurok. Nandito siya sa upang suportahan ang kanyang kapatid na siyang ating magiging hari balang araw!"

Wala silang narinig mula sa orakulo kahit pa kalat na ang balita ng pagsilang kaya napalagay ang reyna. Hanggang isang unos ang dumating. Mas mabilis kumalat ang epidemya at isa sa mga natamaan niyon ay ang panganay na prinsipe.

"Ikinalulungkot ko mahal na reyna ngunit hindi nakaligtas ang prinsipe sa bagsik ng nakahahawang epidemya. Lubhang napakataas ng kanyang temperatura kanina. Napakatapang niya... Ni hindi siya umiyan... Pumikit lamang siya."

Balak sanang sugurin ng reyna ang doktor ngunit nahawakan siya ng kanyang mga tagasilbi. "NAGSISINUNGALING KA! BUHAY PA ANG MAHAL NA PRINSIPE! MALUSOG SIYA KUMPARA SA KANYANG KAKAMBAL! KAILANGAN LAMANG NIYANG MAINITAN SA BISIG KO! AKINA ANG ANAK KO!"

"Mahal na reyna hindi po maaari! Namatay sa nakahahawang sakit ang prinsipe kung kaya't hindi po pinahihintulutan ang paglapit ninyo sa kanya!"

Pinandilatan ng reyna ang kanyang punong tagapaglingkod. "ISA KAPA! BUHAY SI PRINSIPE ZENITH! BAKIT LAHAT KAYO AY NAGSISINUNGALING SAKIN?! KASABWAT BA KAYONG LAHAT NG ORAKULO?! ALAM KONG GUSTO NIYANG ILAYO SAKIN ANG ANAK KO!"

"Mahal na reyna, mag iingat ka sa iyong paratang." walang nakapansin nung biglang kabilang na sa kanila ang orakulo. Nahawi ang mga tagasilbi na parang kalat na winalis habang papalapit ito sa reyna. "Bago ka magsalita, timbangin mo muna ang sitwasyon. Ang nangyari ay kalooban ng langit... Minsan ay malupit siya, lalu na sa mga walang isang salita."

"ANONG SINABI MO?! LAPASTANGAN KA SA PANGALAN NG IYONG REYNA!" nagngangalit na sigaw ng mahal na reyna. Ininda lamang iyon ng orakulo.

"Wag mong sayangin ang ikalawang pagkakataon. Alagaan mo ang natirang prinsipe upang pagbayaran ang iyong pagkukulang sa panganay. Yun lamang."

Sa bandang huli ay natalo pa rin ng damdamin ang reyna. Nanlulumo siyang bumalik ng kanyang silid. Hindi siya pinayagang makita ang bangkay ng anak upang maiwasan ang hawaan sa loob ng palasyo. Ang tanging nagawa lamang niya ay ang magpabaon ng isang kwintas na may singsing na may batong rubi. Gawa iyon ng isang tanyag na alahero. May kaparis iyon ngunit sapiro naman ang bato. Ang sapiro ay para sa hari lamang kaya't di yun maaaring mawala sa palasyo.

Naitakda agad agad ang libing ng prinsipe sa labas ng Seinen sa gabi rin mismong iyon. Dala pa rin ng labis na pagdadalamhati at pangungulila, lihim na pinasundan ng reyna ang prusisyon sa kanyang tagasilbi upang masigurong hindi lalapastanganin ang bangkay ni Zenith.

Sa pagsunod ng tagasilbi, may natuklasan siya at di niya alam kung makakaya ba niya yun na ikwento sa reyna. Ibinigay ng mga nagpuprusisyon sa naghihintay na orakulo ang ataul ng prinsipe pagdating nila sa tabing ilog!

Nang mapag isa ang orakulo ay naglabas ito ng mahabang patalim at ibinaon yun sa ataul! Kitang kita niya ang pagtulo ng dugo patungo sa ilog.

Nagkaroon ng di maipaliwanag na aktibidad ang ilog lalo na nung inihagis ng orakulo ang kabaong sa tubig...

Ang natuklasang iyon ng tagasilbi ay di na nakarating pa sa mahal na reyna.

Naglaho na parang bula ang tagasilbi. Naibaon na lang sa mga misteryo ang nangyaring biglaang pagkamatay ng tunay na tagapagmana...

Ngunit isang misteryo ang biglang sumibol sa kaharian. Ang bahagi ng ilog na siyang sanga tungong dagat ay naghamog. Halos wala nang maaninag ang sinumang mapunta doon. Nangunguha rin daw ang mahiwagang hamog ng buhay kaya ipinagbawal na ang pamamangka malapit sa lugar...

AAAAAAAAAHHHHHHHHHH!

"ANO YUN?!"

Mula sa di kalayuan ay nakarinig kami ni Kape ng isang matinis na sigaw na parang galing sa isang batang lalake! Inunahan ako ng takbo ni pare bago ko pa man din siya mapigilan!

"Kape sandali! PWEDE BA ISIPIN MO NGA MUNA ANG SITWASYON BAGO KA UMAKSYON!"

SHIT!

Ang bilis niyang tumakbo! Ni hindi ko na nakita ang likod niya.

Umakyat ako ng bubong. That way madali kong makikita ang mga nangyayari sa ibaba?

Natanaw ko ang ilog at kung ano ang nangyayari sa pampang... Nakita ko rin si Kape.

Mabilis akong tumalon at dinagit ko siya para magtago sa pinakamalapit na pader. Sinenyasan ko siyang wag maingay at panoorin lang ang nangyayari...

Forlorn Madness 2Where stories live. Discover now