Ikatlong Pagpagaspas

14 8 0
                                    

Ikatlo

Ang mga salitang iyon lamang ang umiikot sa isipan ni Alpas habang pumapagaspas ang kaniyang mga pakpak at tinatahak niya ang himpapawid na hindi alam ang paroroonan. Hindi niya lubos na maunawaan ang mga iyon. Kailangan niya bang sumuong sa isang unos? Ano pa ang kailangan niyang matutuhan? Bakit tila alam iyon ng lahat ngunit siya ay hindi man lamang iyon maintindihan?

Sa gitna ng kaniyang paglipad ay nahagilap ng kaniyang mga mata ang isang lupon ng mga ibon. Tila binuhusan siya ng malamig na tubig nang nakilala niya ang mga lumilipad at nang nakita kung saan patungo ang mga iyon. Ang lupon ay pinamumunuan ni Makisig, ang panganay na anak ni Karimlan, at papunta ang mga ito sa kanilang tahanan.

Nilibot ni Alpas ang kaniyang paningin. Wala siyang ibang natatanaw kung hindi ang mga ulap. Wala kahit isang tagamasid na malapit sa kaniya. Agad siyang lumipad nang mabilis pabalik sa kanilang tahanan. Nang makakita siya ng isang agilang tagamasid ay wala sa sariling humuni ng babala si Alpas. Agad namang kumilos ang nakita niyang agila. Humuni rin ito ng babala nang marinig ng iba pang tagamasid na malapit dito. Huhuni ang mga tagamasid na nakaririnig hanggang sa makarating ang mga huning iyon sa mga nagbabantay sa kanilang tahanan.

Hindi na alam ni Alpas ang susunod na gagawin. Wala ang kaniyang pamilya upang gabayan siya. Bilang anak ni Sulo, tiyak na sa kaniya hihingi ng gabay ang mga naiwang ibon sa kanilang tahanan. May mga kasama man silang mandirigma, marunong mang lumaban ang mga tagamasid, ang mga manggagamot, at mga tagapagbantay, ngunit hindi pa sasapat ang mga iyon sa bilang ng mga pasugod sa kanila. Hindi niya lubos maisip kung paano nagawang malampasan nina Makisig ang hanay ng kanilang depensa at opensa na pinamumunuan ng kaniyang mga kapatid.

Napahinto sa paglipad si Alpas sa kaniyang napagtanto. Sugatan ang kaniyang Kuya Adlaw at Kuya Sandata. Humalili sa pamumuno roon ang kaniyang Ate Huni, ngunit nagawa pa rin itong malampasan ng lupon nina Makisig. Ano na ang nangyari sa kaniyang mga magulang at mga kaibigan? Ano na ang lagay ng kaniyang Kuya Adlaw? Kumusta ang kaniyang Ate Huni ganoon din sina Musika, Magayon, at ang iba pang nasa digmaan? Sana'y ayos lamang ang mga ito.

Hindi mapigilan ni Alpas ang kaniyang pag-aalala sa kaalamang pasugod sa kanila ngayon ang isa sa mga lupon ng kalaban. Ngayon lamang ito nangyari. Hindi hinahayaan ng mga nasa digmaan lalo na ng kaniyang amang may makalampas sa kanila at mapuntahan ang kanilang tahanan dahil nandoon ang mga walang labang inakay at mga itlog na hindi pa napipisa.

Pumasok sa isipan niya ang mga inosenteng inakay na hindi pa nagagawang lumipad, ang mga walang kamalay-malay na mga itlog na hindi pa nasisilayan ang himpapawid, ang mga mangagamot at tagapagbantay na may mahahalagang tungkulin sa kanilang angkan, at ang kaniyang kapatid; ang kaniyang Kuya Sandata na tiyak niyang nagpapagaling na sa mga oras na ito. Kailangan niya silang protektahan. Kailangang siya naman ngayon ang magtanggol. Hindi maaaring palagi siyang magtago o lumipad palayo. Ayaw na niyang tumakas at manatiling ligtas sa kaalamang maraming nagbubuwis ng kaligtasan at buhay hindi lamang para sa kaniya kung hindi pati na rin sa kanilang buong angkan.

Hindi niya mapigilang isipin ang mga narinig na usapan sa mga inakay kanina. Ito na ba ang sinasabi ng mga iyon?

Binuka ni Alpas nang malaki ang kaniyang puti at tila nagniningning na mga pakpak. Hindi siya papayag na mawalan ng silbi sa kanilang angkan. Anak siya nina Himig at Sulo at hindi siya mahina. Siya naman ngayon ang sa harapan.

Muli na naman siyang humuni, ngunit sa pagkakataong ito ay higit na iyong malakas kaysa sa kanina at may kalakip nang otoridad at utos. Ginagawa lamang nila ito kung lubhang mahalaga ang kailangang iparating sa mga kasamahan. Agad na nagsiliparan ang mga tagamasid sa paligid sa iba't ibang direksyon.

Pilit na inalis ni Alpas ang bigat sa kaniyang kalooban. Hindi niya pinansin ang takot na unti-unti na namang kumakain sa kaniya. Kailangan niyang labanan hindi lamang sina Makisig kung hindi pati na rin ang kaniyang sarili.

PagaspasWhere stories live. Discover now