"Kenji..." panimula ng kausap na parang hindi malaman kung paano sasabihin sa kaniya ang nasa isip. "...mahigit lamang isang linggo mula nang magbago ang mundo, biglang nawala ang Mama mo."

            Nangunot ang noo ni Kenji.

            "Ano!? Ano pong ibig ninyong sabihing nawala si Mama?" nagtataka, gulat at nababahalang bulalas ni Kenji.

            "Hindi ko rin alam, anak. Basta isang araw, bigla na lang siyang nawala. Ang usap-usapan ng mga katulong, isinama daw ni Don Hirano sa paghahanap ng supplies. Pero nang bumalik ang grupo nila ay hindi na kasama ang Mama mo."

            Ibinagsak ni Kenji ang kamao sa counter habang pigil ang sarili sa pagwawala. Salubong ang mga kilay niya at mabilis ang paghinga.

            "Kenji..." untag ng matanda sa kaniya. "...halos dalawang linggo na mula ngayon...nagsimula akong makaramdam ng hindi maganda sa silid mo."

            Lalong nangunot ang noo ni Kenji. Napatingin siya sa matanda mula sa pagkakatitig sa makinis at puting artipisyal na bato sa counter. Bakas sa mga mata niya ang pagtatanong. Nagpatuloy ni Nanay Magda.

            "Nang minsang mapadaan ako sa silid mo mula sa paglilinis ng library, may narinig akong pagkalabog mula sa loob. Nang subukan kong tingnan kung ano'ng nangyayari, hindi ko mabuksan ang pinto niyon. Naka-lock ang silid mo, anak. Ang alam ko dati nama'y hindi naka-lock iyon. Basta wala lang pumapasok. Kaya hindi ko rin alam kung kailan at sino ang nagkandado ng silid mo."

            "Kung sino man ang nag-lock ng pinto niyon ay naiwan lang bukas ang bintana. May hinangin lang siguro at bumagsak sa sahig," sagot niyang naalala ang nakita niyang bukas na bintana sa ikalawang palapag nang dumating sila sa mansiyon.

            Nangunot ang noo ng matanda.

            "Sigurado ka ba, Kenjirou?"

            Marahan siyang tumango.

            "Bakit po?"

            "Kanina lang nang lumabas ako para abutan ng kape si Haru ay napatingin ako sa ikalawang palapag. At nakita kong sarado ang bintana ng silid mo."

            "Kung ganoon...may pumapasok pa sa kwarto ko."

            Nagpalinga-linga si Nanay Magda saka sumagot.

            "May kutob akong...nakakulong ang Mama mo sa dati mong silid," halos pabulong na sabi nito.


***☼***


            Kaswal na naglalakad si Kenji sa maluwang na livingroom ng malaking bahay. Nakapamulsa ang dalawang kamay sa magkabilang bulsa ng suot niyang pantalon. Tinanguan niya ang isang ginang na kaniyang nakasalubong. Hindi niya ito namumukhaan ngunit inisip na lamang niyang isa ito sa mga nakikitira sa bakuran ng kanilang pag-aari. Saglit niya itong nilingon at nang makitang tumuloy na ito sa silid na nagkakabit sa sala at kusina ay tumigil siya. Tiningala niya ang mataas na hagdan patungo sa ikalawang palapag ng bahay. Katulad pa rin iyon ng imahe sa kaniyang alaala ngunit hindi na mukhang kasing taas ng dati. Sa tuktok niyon ay ang palapag kung saan tanaw niya ang pinto ng mga kwarto. Natutok ang paningin niya sa isang partikular na silid. Sarado ang pintong kakulay ng katawan ng puno. Ngunit naglalaro ang iba't ibang mga imahe sa kaniyang imahinasyon na maaari niyang matuklasan sa likod ng pintong iyon.

Among the Dead #Wattys2016Where stories live. Discover now