"Eh, Martina, bakit pala magpapatayo ng sariling bahay ang babaeng iyon? Ganoon ba kalaki ang sahod niya sa pinagtatrabahuhan niyo?" tanong ulit ni Marlon.


Namilog ang mga mata ko. "Ano kamo?!"


"Si Shena kako, bigla na lang bumili ng maliit na lupa malapit sa amin. Seventy square meters. Ang sabi niya, sinuwerte raw siya. 'Tapos kahapon lang, patatayuan na raw niya ng bahay na hanggang third floor. Nagtataka kami ni Mama kung saan niya nakuha ang pera, pero hindi naman nasagot sa tanong namin. Nag-aalala na kami kasi baka kung ano na ang pinasok niyon. Imposible naman kasi na dahil lang sa pagtatrabaho niya sa cofee shop ay yayaman siya kaagad."


Kumuyom ang mga palad ko. May kung anong pait ang gumuhit sa loob ng dibdib ko. Hindi na ako magugulat kung kay Rix galing ang pera, lalo ngayon na ang babaeng iyon na ang paborito niya. Siguro sobrang nasiyahan siya kay Shena na higit na maganda, matalino, at baka mas lumiligaya siya rito kaya gabi-gabi silang magkasama.


"Martina..." biglang tawag sa akin ni Marlon.


Tiningnan ko siya gamit ang blangko kong mga mata.


"Doon sa Rix Montenegro na iyon galing ang pera ni Shena, di ba?" Ang tanong niya ay parang hindi tanong. Sigurado na siya pero gusto niya pa ring marinig ang sagot mula sa akin.


"Wala akong alam sa kanilang dalawa," matabang na sagot ko lang.


Napangisi nang mapait si Marlon. "Gusto ka ng lalaking iyon, di ba? Kung si Shena ay binigyan niya ng ganoong pera at ako ay binigyan niya ng isang milyon, malamang na may ibinigay rin siya sa 'yo. Para patahimikin ka, binayaran ka rin niya, di ba? Magkano?"


Tumayo na ako at lumayo mula sa hospital bed ni Marlon. "Uuwi na ako."


Pero nahuli niya ang pulso ko. "Imposibleng hindi ka rin niya binigyan. Martina, saan mo ginamit ang perang binigay niya sa 'yo?"


Mayamaya ay kusa ng kumalas ang palad niya sa pulso ko. Mukhang alam na niya ang sagot sa tanong niya. Mahina siyang napamura.


Nilingon ko siya. "Goodbye, Marlon. Baka ito na ang huli nating pagkikita."


Mapait siyang ngumiti sa akin. "Sorry, Martina." Pumiyok siya. "G-good-bye."


Lumabas na ako ng pinto. Tulad dati, napasandal ako sa pintong isinara ko. Napabuga ako ng hangin matapos mapatingala sa kisame.


Hindi ko na alam kung ano ba ang dapat kong maramdaman. Naghahalo ang takot at galit ko kay Rix. Paano kung makapatay siya ng tao sa harapan ko? Paano kung dahil sa akin, makapatay siya ng kung sino?


Napapikit ako matapos pumatak ang mga luha ko. Ano ba talaga ako kay Rix? Bakit ganoon siya sa akin na para bang ayaw niya akong mawala sa kanya? Pero ano rin ba si Shena sa kanya? Hanggang saan itong relasyon namin na sa umpisa pa lang, wala nang kasiguraduhan?


Biglang sumulpot si Gracia. Pagliko niya sa hallway ay nakita niya agad ako at nilapitan. "'Insan, ayos ka lang? Hindi kita ma-contact. Patay ba ang phone mo? Mabuti na lang at nasabi ni Shena sa akin na dito ka raw nagpunta."

The Wrong One (BOS: New World 2)Wo Geschichten leben. Entdecke jetzt