Sobrang random ng araw no'n nang maisipan kong mag-download ng isang dating app. Nakita ko lang talagang gumagamit 'yung isa kong friend from internship kaya, na-curious din ako anong meron do'n. Single rin naman ako e, so no issue. Sana?
Ang boring ng dating app sa totoo lang pero meron naman akong mga nakausap sa almost 2 weeks na pags-swipe ko tapos nag-uninstall na rin ako at delete ng account. Merong mabilisan lang. Meron ding iilan na nakuha 'yung Instagram account ko kasi I felt comfortable naman to share it. Siguro nasa tatlo hanggang anim yata sila. It's all guys. Sa iilan na 'yon, may iilan pang nag-aya sa akin to "have fun" at ng "netflix and chill," syempre bilang isang mamamayang Pilipino na curious lang naman sa dating app, hindi ako komportable sa mga ganoong usapan. Hanggang sa naumay na lang ako at tinamad kaka-reply sa kanilang lahat. Ang iba roon ay tinanggal ko na as mutual. Ilan din naman ay naiwan. Nag-uusap pa rin paminsan-minsan kapag may common interest.
Pero may iisang tao na ilang linggo na siyang mutual ko sa Instagram pero hindi ko gaano pinapansin pero mukha naman siyang mabait kaya binigay ko Instagram ko. E may iba naman akong kausap na mas maayos mag-type kaya sila madalas kong nire-reply-an. Tapos maaga pa siya lagi natutulog, e, active ako kapag madaling araw. Hinayaan ko na lang siya sa Instagram ko as a mutual. Isa pa sa ayoko sa kanya ay magkadikit ang "ka" at "na" niya sa typings kaya tinatamad talaga ako kausapin siya. At tsaka alam niyo 'yung typical typing tone ng mga sad boy? "Kamusta kana po?", "kumain kana po?", "uy tara po." Ganyan! Kaya tinatamad akong pansinin siya.
Hanggang sa may isang random na araw, nasa school ako no'n, na nag-crave ako sa isang Japanese fast-food steak house. Gusto ko ng kasama no'n kumain pero KKB kaya nag-try akong mag-iwan ng note sa Instagram ko habang naghihintay ng masasakyang jeep papuntang Pasig, "Let's have dinner," note ko. Wala pang 2 minutes nag-reply siya, "taraaaaa where and when?" Madami na siyang message sa akin bago pa 'yon pero makapal mukha ko kaya ni-reply-an ko naman. Sabi ko sa Megamall kami magkita pero ang sabi niya sa akin, sa Capitol Commons na lang daw. Payag naman ako dahil clear naman intention ko na gusto ko lang ng dinner at maaga pa no'n. 6PM. At sakto rin namang mas malapit ang Capitol Commons sa dadaanan ng sasakyan kong jeep galing Pureza.
Nakasakay na ako ng jeep papuntang Pasig, nag-update ako sa kanya kung tutuloy pa kami dahil malapit na ako sa Capitol Commons. Sabi niya, bukas na lang daw dahil hindi niya dala 'yung sasakyan niya at nahihiya siya. Wala naman akong problema kung may dala siya o wala pero mabilis naman ako kausap kaya sabi ko, sige. Pero hindi na rin naman ako umasa no'n na magkikita kami kinabukasan. Feeling ko kasi no'n mangdi-ditch na siya. Kaya sa araw na iyon, dumeretso ako ng uwi sa bahay namin.
Kinabukasan ay pumasok ako sa OJT ko. Hindi na rin ako nag-bother na makipag-chat ulit sa kanya. Pero kinahapunan nag-chat siya if tutuloy kami or not. Sabi ko naman ay sige dahil nagc-crave rin naman ako sa food na 'yon at saktong dinner din ang uwi ko. Muli, sa Megamall daw ulit kami magkikita.
Napaaga ang dating ko sa Megamall dahil sumabay ako sa sasakyan ng kasama kong intern pero hindi ko 'yon sinabi sa kanya. Ang sabi ko ay nag-MRT ako papunta roon. Mala-late raw siya ng dating dahil may kinita pa siyang mga kaibigan niya at nag-dinner na siya roon. Sabi ko naman ay hindi na niya ako kailangang kitain kasi nag-dinner naman na pala siya. Nag-insist siya. Umabot sa 30 minutes 'yung usapan namin kung tutuloy siya kahit sabi ko ay huwag na. Wala namang problema sa akin dahil nagpapalipas lang naman ako ng oras kasi ayoko pang pumunta sa mahabang pila sa terminal ng UV.
Hanggang sa tumawag na lang siya na malapit na siya sa Megamall at maghintay ako sa Fashion Hall. Hindi ko alam anong dumapo sa isip ko pero dere-deretso rin naman akong pumunta roon habang nags-spray ng pabango. Dumating siyang may dalang sasakyan, kulay silver iyon na sedan. Nakasuot naman siya ng polo shirt na dilaw at denim pants.
YOU ARE READING
'Til We Run Out of Road
Non-FictionLet's talk about the difficulty of trusting someone, even when they exhibit genuine kindness and good qualities. It reflects on my own experiences and acknowledges the pain of realizing that someone they invested in was not trustworthy. I also expre...
