"Oo nga, tama. Para makakwentuhan ko naman ng matagal ang nanay mo, Quisha. Ayos lang ba kung dumalaw kami sa inyo?"

Ngumiti siya. "Opo naman po, welcome po kayo sa bahay anytime, Tita. Sabihan nyo lang po ako kung kailan para maipaalam ko po kay Nanay."

"Don't worry, Ta, ako na ang bahalang mag-inform sa kanya kung kailan," boluntaryo naman ng best friend ni Cal. Ngumisi na naman ito sa kanya.

Alam na niya ang ibig nitong sabihin, kaya nama'y tumango na lang siya bilang pagsang-ayon dito.

"Oh siya't lumarga na tayo dahil naghihintay na sila sa atin sa bahay," untag ni Tito Harry.

"Mauna na kami sa 'yo, Quisha ha? May maghahatid naman sa 'yo 'di ba?" si Tita Jasmine.

"Opo, salamat po ulit sa mga regalo, Tita, Tito..."

"Bakit sina Mommy lang? Paano ang mga gwapong gaya namin? Wala bang pa-thank you ulit d'yan?"

"Thank you sa mga gwapong gaya n'yo, Cal..." sarkastikong sagot niya.

Tumawa naman ang mga ito sa sinabi niya.

"Na-miss ko 'yan, Quisha, ha?! Bakit kasi hindi tayo naging magka-batch?" natatawa pa ring saad ni Cal. "Eh, 'di sana..." dagdag nito, saka dahan-dahang nilingon ang best friend nito.

Eh, 'di sana... ano?

Kita niya ang bahagyang pagsiko nito kay Cal na lalong ikinatawa ng huli. Gumanti rin naman si Cal dito. Nagsikuhan na ang dalawa, hanggang sa nauwi na sa mahinang tulakan. Pareho nang tumatawa ang dalawa.

Si Tito Harry ay tinatawanan ang mga binata, samantalang si Tita Jasmine at Caya nama'y parehong naiiling.

"Pasensiya ka na sa mga paslit na kasama namin, Quisha." Naiiling pa rin na wika ni Tita Jasmine sa kanya.

"Sanay na sanay na 'yang si Quish sa kalokohan ng dalawang 'yan, My..." iling din ni Caya.

Tumigil ang dalawa sa pag-aasaran dahil sa sinabi siguro ni Caya.

"Siyempre, sanay na sanay na talaga 'yang si Quish. Praktisado ba naman sa 'yo," sagot ni Cal.

"Ikaw ba naman palaging kasama, Cay... malamang sa alamang talaga!" pagsegunda naman ng best friend ni Cal, saka tumawa.

Inirapan ni Caya ang dalawa. "Whatevers, Losers!"

Mahina siyang tumawa. Hindi niya alam kung bakit aliw na aliw siya kapag tinatawag nito ng ganyan ang dalawa.

"Bye, Quish..." baling sa kanya ni Caya. "I'll see you soon, okay?"

"See you very soon," tugon naman niya, at nginitian ito.


Nagpaalam ang mga ito sa kanya. Hinintay niya munang tuluyang mawala ang mga ito sa paningin niya bago siya tumalikod, at saka naglakad na patungo sa grandstand para hanapin sina Mathy.

Nakita niya kaagad ang mga ito kasama si Rosh, at ang sa tingin niya ay mommy nito. Magkaharap si Rosh at si Mathy, may sinasabi ang dalagita na tinatanguhan naman ng huli nang nakangiti. Si Papa Andrei nama'y nakangiti ring nakikipag-usap sa mommy ni Rosh.

Nang malapit na siya ay napansin siya ni Mama Athiena. "Oh! Hayan na pala si Quisha!" masayang bulalas ni Mama.

Sabay-sabay na lumingon ang mga ito sa kanya.

Pilit niya namang nginitian ang mga ito. Pakiramdam niya ay may nakabara sa lalamunan niya kaya lumunok muna siya bago bumati. "Good afternoon po."

Napansin niya ang mga titig ni Mama sa pumpon ng rosas na kanyang bitbit.

"Ahhmm... bigay po ng family ni Caya," alanganin siyang ngumiti rito.

"Oh! Wow! Mukhang gustong-gusto ka rin nila, ha?" nakangiting komento ni Mama, ngunit parang may kakaiba sa tono ng boses nito.

Kaya nama'y ngumiti na lang siya rito.

Enthralling Sunrise (Tangway Series #1) [Editing]Where stories live. Discover now