Episode 18 - Out of the Blue

Start from the beginning
                                    

• • • • •

Dumaan ang ilang araw nang hindi ko kinakausap o pinapansin si Clyve. Hindi na rin ako nagpupunta sa mansyon para linisin ’yong swimming pool at bakuran. Nitong nagdaang mga araw, parang tinakasan ako ng gana at lakas. Gusto ko na lang magmukmok sa kuwarto ko pagkatapos ng eskuwela. Kailangan ko munang tiisin sa ngayon ang pagtatagpo namin sa iisang classroom. Ilang araw na lang din naman, Christmas break na namin.

Kahit si Tita Pamila, nababahala na rin sa ikinikilos ko. Sa tuwing kumakatok at pumapasok siya sa kuwarto ko, pupunasan ko agad ang mga luhang naglakbay sa pisngi ko, magtaas-baba ng Adam’s apple, at aastang parang walang nangyari. Nahihiya at natatakot akong i-share sa kanya ’tong problema ko. Ayaw kong ipakitang lugmok na lugmok ako.

Tinadtad ako ni Clyve ng text messages, chats, at missed calls pero ’di ko pinansin. ’Pag nakikita ko ang pangalan niya, naaalala ko na naman ’yong video na ipinakita ni Luke sa ’kin, ’yong video na kung saan nagkatagpo ang mga labi nina Clyve at Cerri. Sa tuwing nagpa-flash ’yon sa isip ko, bumabalik ang pamilyar na sakit.

Mabilis na lumipad ang panahon. Pagkatapos ng klase no’ng Huwebes, ang huling araw bago magbakasyon, napagpasyahan kong bumisita sa Walang Pangalan Bookstore at nakipagkita kina Soichi, Aneeza, at Gemini. Nag-chat din sa ’kin si Rich na gusto niyang makipagkita sa ’kin kasi may sasabihin daw siya.

“Kumusta naman ang beshie ko na ’yan?” ang pambungad na tanong sa ’kin ni Aneeza, tina-try akong patawanin at pagaanin ang atmosphere pero waepek.

Kasalukuyan kaming nakaupo sa isang table habang may kanya-kanyang libro sa kamay. Si Gemini ang katabi ko, samantalang sina Soichi at Aneeza naman ay kaharap namin.

Parang may nakadagan sa dibdib ko. “M-magsisinungaling ako kung sasabihin kong ayos lang ako.” Bumuntonghininga ako pagkatapos kong sambitin ’yon.

Tumikhim naman si Soichi bago maghagis ng kuwestiyon: “Nag-usap na ba kayong dalawa ni Clyve?”

Umiling ako, mabagal, walang gana.

May kamay na biglang dumapo sa kaliwang balikat ko kaya dali-dali kong nilingon ang nagmamay-ari nito—si Gemini. “Kann, alam naming nasaktan ka no’ng napanood mo ’yong video clip na ’yon. Hindi namin ini-invalidate ang feelings mo. Pero, baka puwede n’yo ’yang pag-usapan ni Clyve? Alamin mo ang side niya o ang buong story.”

“Hanggang dito ba naman, Aningza, K-drama pa rin ang inaatupag mo?” puna ni Soichi sa katabi. Pa’no ba naman kasi, may libro nga siyang kinuha pero may cell phone namang nakapatong do’n.

Tinaasan siya ng kilay ni Aneeza. “Ano ba’ng pakialam mo, ha? ’Tsaka, C-drama ’to, ’no, hindi K-drama.”

“Ano ba talaga ang gusto mo, K-drama o C-drama?”

Nagkasalikop ang mga bisig sa harap ng dibdib niya. “Ba’t ako mamimili if puwede namang pagpuyatan pareho?” sabi niya kay Soichi. At sa ’kin: “Anyway, tama naman si Gemini, Kannagi. Puwede n’yo namang pag-usapan ’yan ni Clyve. Pero ’di naman namin sinasabing now na agad. Take your time. Naiintindihan ka rin naman namin.” Isang tipid na ngiti ang kumurba sa labi niya.

“Oo nga,” segunda ni Soichi.

Bahagya kong itinungo ang ulo ko. Wala akong maapuhap na angkop na sagot kaya sa huli, tumango-tango na lang ako.

Lit Candle in the Rain (Night Bazaar Series #1)Where stories live. Discover now