Episode 16 - Fear Is a Liar [2/2]

Magsimula sa umpisa
                                    

Umirap ako nang marinig ang salitang mosh—na ang ibig sabihin ay “my only sweetheart.” Parang tanga ’to!

“’Wag kang mag-alala. Parati akong nasa tabi mo, okay? Ang gagawin natin ngayon ay . . . Project: Kalokohan!” anunsyo niya habang nakaangat ang kanto ng labi.

Hindi niya ipinaliwanag sa ’kin kung ano-anong kalokohan ang gagawin namin. Basta sumunod lang ako sa kanya. Wala kaming sinayang na panahon; nagdudumali kaming maghanap ng mga bagay na maaari daw naming gamitin sa misyon namin ngayong gabi—ang Project: Kalokohan.

Nagdala kami ng tig-iisang paint at saka paintbrush. ’Tapos, nahuli ko pa siyang may isinilid na dalawang facemasks sa kanyang bulsa.

“Clyve, ano’ng gagawin natin sa mga ’to?” bulong ko sa kanya, pagtukoy ko rito sa paint na dala-dala namin.

Kasalukuyan naming tinatahak ang daan papunta sa kabilang kalye kung saan maraming dumaraang mga sasakyan.

Napasulyap siya sa ’kin, suot-suot ang nakalolokong ngiti. “Naiisip mo ba ang naiisip ko?” misteryoso niyang pagkasabi.

Siguro, kung may salamin sa harap ko, nasaksihan ko nang nalukot ang mukha ko sa labis na pagtataka. Kaya, sumagot ako nang pabalang, “Bakit ko naman maiisip ang naiisip mo, e, magkaiba naman tayo ng utak?”

“Ito ang una sa listahan, Kann,” umpisa niya at naglipat ng tingin sa kalsada. “Tatawid tayong dalawa nang hindi tumitingin sa magkabilang sides.”

Namilog ang mga mata ko. “Seryoso?”

“Kung naniniwala ka sa tadhana, subukan natin ’to. At saka isa pa, parang game na game ka nga kanina, e.”

“Oo na! Oo na!” pagsuko ko at napapadyak-padyak pa sa daan na parang isang tsikiting na nagta-tantrums. “Pikit na lang din kaya tayo para wala talagang ligtas? Stomoyorn?”

“Hindi,” agaran niyang sabi. “’Kita mo ’yon?” Tinuro niya ang isang tindahan sa tapat mismo ng kinatatayuan namin na tinatambayan ng mga lasinggerong nakahubad. Kitang-kita ko mula rito ang naglalakihan nilang tiyan. “’Yan lang ang titingnan nating dalawa while crossing the street.”

Bagama’t may pag-alinlangan, sinuklian ko siya ng sunod-sunod na pagtaas-baba ng aking ulo bilang sagot, at nasundan pa ng pagbuga ng malalim na hininga.

Inabot niya ang isa kong kamay at nilingkis niya ang aming mga daliri. Pagkatapos n’on, nagsimula na kaming humakbang pasulong, ang mga mata ay nakatuon lang sa tindahan. Dire-diretso lang kami sa paglalakad, hindi sumisilip sa kanan o kaliwa. Busina ng mga sasakyan at reklamo ng ilang tsuper ang naglalaro sa ’ming pandinig.

Nang marating ng aming mga paa ang tindahang tinutukoy niya kanina, sabay kaming nagpakawala ng malalalim na hininga.

“Crossing the street without looking both sides,” ungot niya, humahangos, “check!”

“Itutuloy pa ba natin ’to?” Hindi niya ’ko sinagot.

Namalayan ko na lang ang aking sarili na nagsasaboy ng pintura sa gilid ng kalsada, kasama si Clyve. Pareho pa kaming nagsuot ng itim na facemask. Mahirap na raw, baka may makakilala pa sa ’min dito.

Kung ano-ano lang din ang isinulat namin sa  pader gamit ang paint at paintbrush. Tumilansik pa sa damit namin ang pintura. Walang ano-ano’y tumuloy sa paligid ng aming tainga ang ingay ng pito, sunod-sunod, nakaririndi, dahilan upang maalarma kami. Dali-dali naming binitiwan ang hawak namin, ’tsaka kami kumaripas ng takbo.

Hindi na namin tinapunan ng tingin kung sino man ’yong pumito. Ang importante ngayon, makahanap kami ng pagtataguan. ’Di kami puwedeng mahuli!

Titigil na sana kami para i-check kung nakasunod pa ito, pero sa kasamaang-palad, may rumehistrong tahol ng aso sa ’ming pandinig at ramdam naming papalapit ito sa ’min kaya nagpatuloy na lang kami sa pagtakbo. Mas binilisan pa namin sa pagkakataong ito. Tuloy, para kaming nasa laro sa cell phone dahil sa mga humahabol sa ’min. Ang kaibahan nga lang, walang tren dito.

Hindi ko na lang pinansin ang pawis kong patuloy sa paglandas mula sa sentido patungo sa pisngi ko. Hanggang sa namalayan na lang naming dinala na pala kami ng aming paa sa plaza. Kaunti lang ang mga taong gumagala rito. Karaka-raka kaming nagtago sa malaki’t kulay itim na rebulto.

Tanaw namin mula rito na lumiko ang isang mamang nakasuot ng asul na uniporme, samantalang ’yong malaking aso naman ay bumalik sa kanyang pinanggalingan habang inamoy-amoy ang daan. Nang tuluyan silang maglaho sa paningin namin, lumabas na kami sa ’ming pinagtataguan, naghubad ng facemask, at pagkatapos ay sabay na bumuntonghininga.

Nang magtama ang aming tingin, sa halip na magsisihan, tinawanan na lang namin ang aming kalokohan at sabay na itinapon ang aming mga sarili sa malawak na damuhan.

Kapagkuwa’y binato niya ’ko ng tanong: “Ano, ayos ba?”

“Anong ayos do’n? Muntikan na nga tayong mahuli!”

Humagikhik siya. “Muntik lang naman.”

Walang ano-ano’y nakaramdam kami ng mga patak ng likidong nagmumula sa itaas, pero ’di namin inalintana. May iilang sumisigaw at naghahanap ng pagsisilungan, ngunit kami’y nanatili lang nakahiga sa damuhan.

“Alam kong mali ’yong ginawa natin, Kann,” pukaw niya sa atensyon ko, “pero nilabag ko para mapasaya lang kita. Don’t worry. Ngayon lang naman natin gagawin ’to.”

“Kaba,” mariin kong sabi. “Kaba ang idinulot n’on sa ’kin, Clyve.”

Muli kaming bumunghalit ng tawa. Sa totoo lang, parang nag-enjoy rin naman ako sa pagpapahabol do’n sa mama at sa aso kanina. Nakatatakot nga lang.

“Pero seryoso,” aniya kaya napatigil ako sa paghalakhak para balingan siya, “gusto lang talaga kitang pasayahin, Kann. You see, kino-consume ka na kasi ng takot. I just want to remind you again that fear is a liar. Panira ’yang takot na ’yan. Kaya niyang nakawin mula sa ’yo ang kasiyahan mo dahil sa pag-iisip ng kung ano-ano.”

Awtomatikong nabanat ang labi ko sa sinabi niya. Mahirap mang gawin ’yong sinabi niya, mahirap mang labanan ang takot, pero may punto siya. Kaya, susubukan ko sa abot ng aking makakaya.

Makaraan ang ilang minuto, biglang lumakas ang ulan, pero nanatili pa rin akong nakatingin sa kanya. Dahil basang-basa ang damit niya, bumakat ang kanyang dibdib at mga braso. Pagdapo ng tingin ko sa ibaba, may bukol na!

“Hoy! ’Wag mong ibaba ang tingin! Manyak!” tarantang saway sa ’kin ni Clyve.

Tiningnan ko siya sa mata, suot-suot ang nakalolokong ngiti.

“Bakit parang”—umalon ang umbok na Adam’s apple niya—“hinuhubaran mo na ’ko sa isip mo?”

Hindi ako sumagot. Pumaibabaw ako sa kanya nang walang pasabi, dahilan upang mamilog ang mga mata niya. Ilang sandali siyang napatigalgal. Nang hindi tinatanggal ang tingin sa kanyang mga mata, hinawakan ko ang magkabila niyang pisngi saka unti-unti kong inilapit ang mukha ko sa kanya hanggang sa tuluyang dumapo ang labi ko sa malambot niyang labi—kasinglambot ng bulak.

Sa ilalim ng malakas na ulan, may dalawang Romeong naghahalikan.

• • • • •

THIRD PERSON POV

Sa kabilang dako, may isang taong nagkukubli sa katawan ng matabang puno habang patuloy pa rin ang pagbuhos ng malakas na ulan. Ito’y nakasuot ng kulay-uling na damit at pantalon. Ang isang kamay nito ay nakakapit sa hawakan ng asul na payong, samantalang ang kabila naman ay nakakuyom.

Natatakpan ng dala niyang payong ang itaas na bahagi ng kanyang mukha. Tanging bibig lang niya ang nakikita na kalaunan ay walang kaemo-emosyong bumigkas ng, “Wala kang karapatang maging masaya, Clyve. Pagkatapos ng ginawa mo kay Hasna . . .”

Lit Candle in the Rain (Night Bazaar Series #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon