"H-hindi ko po alam. Hinigop na lang ako papunta rito." Tugon ni Lily habang nasisiyahan siya sa pagkain ng mga pan de crema na may nakapatong na malalaking bangaw.

Napasingkit ang mata ng senyorita sabay sandal sa makintab na upuang gawa sa kahoy ng Narra. Pinagmasdan niya si Lauro, may sigla itong nakikipag-usap sa mga panauhin. Ibinaling niya muli ang sarili sa dalagang abala sa pagkain. Gumuhit sa kaniyang labi ang nakakalokong ngiti.


NAGLAKAD-lakad si Lily sa isang mahabang pasilyo. Malalim na ang gabi at nais niyang magbakasaling mahanap ang silid ni Lauro.

Ilang minuto ang nagdaan ay narinig niya ang tunog ng makinang pantahi. Lakad-takbo siyang tumungo sa silid na pinanggagalingan ng tunog.

"Lauro!" Tawag niya pa, medyo mahina ang boses pero sapat na iyon para lumingon sa kaniya ang binata pero pagkuwa'y ibinaling muli nito ang sarili sa pananahi.

Pumasok siya kahit na hindi naman siya pinahintulutan ni Lauro. Napangiti siya sa mga nakikitang sandalyas, "Ang ganda naman ng sandalyas na ito. Alam mo bang gusto kong makasuot ng ganito tapos rarampa ako sa stage na parang isang sikat na model! Idol ko kasi si Shalom Harlow!" Aniya habang tinitingnan ang kabuuan ng sandalyas. Kulay lila ito at may mga palamuting bato na kulay lila rin.

Si Lauro naman ay nagpatuloy sa ginagawa, seryoso siya at halos walang kurap ang mga mata.

"Lauro? Hindi ka ba matutulog?"

Natigil ang binata sa pagtatahi at napatingin siya kay Lily. "Tama, matutulog nga pala ako."

"Kung hindi kita sinabihan na matutulog ay wala sa vocabulary mo ang salitang tulog?" Sabay halukipkip ni Lily, "Napapagod din tayong mga tao, Lauro."

"Ngunit hindi na ako nakakaramdam ng kapaguran, binibini."

Napahinga nang malalim ang dalaga, "Bakit?"

Natulala saglit ang binata sa katanungan. Pagkatapos ay nagsalita siya, "Hindi mo ba nahahalata? Baliw ang turing nila sa akin!" Sabay tayo.

Napapaatras si Lily nang dahan-dahang lumalapit sa kaniya si Lauro, ang mga mata nito'y puno ng panaghoy.

"Baliw ako, Lily!" Sigaw ni Lauro sabay waksi ng iilang kagamitan sa silid.

Halos hindi na magkandaugaga si Lily sa pagpigil sa nagwawalang binata, "Lauro!" Sabay hawak sa braso nito at agad na sinapo ang dalawang pisngi, "Lauro, kumalma ka."

Napatitig si Lauro sa mga mata ng dalaga, mga matang alam niyang nakita niya na dati pa, "Tuluyan na ba akong nabaliw, Lily?"

Napailing-iling si Lily, "H-hindi, hindi ka baliw. Hindi ko nakikitang may saltik ka sa utak o ano pa ba ang sinasabi nila, alam mo ano ang espesyal sa'yo?"

Hindi makaimik si Lauro, nanatiling nakakulong ang kaniyang mga pisngi sa malambot na palad ni Lily.

"Dahil kakaiba ka, wala kang kaparehas." Dugtong ng dalaga sabay ngiti nang marahan na siyang magpapagaan sa kalooban ni Lauro.

NAALIMPUNGATAN na lamang si Lily nang marinig ang mga musikang nakakaindak sa labas ng kaniyang silid na tinulugan.

"Binibini!"

Napalingon siya sa gawing durungawan nang marinig ang pamilyar na boses, "Hugo?"

"Ako nga! Kumusta si Lauro?"

Lumapit pa siya sa gawi ni Hugo. Napansin naman niya ang kalangitan, nabalutan ng dilim. "Gabi na ah? Paano ka nakapasok dito?"

"Hindi mo alam? Walang umaga rito sa teritoryo ni Eulalia." Saad pa ni Hugo, "Ano? Nalinawan ka na ba, binibini? Kumusta na si Lauro?" Pag-uulit niya pa dahil mukhang hindi pa rin arok ni Lily ang tanong.

The Tale Of MarahuyoOnde histórias criam vida. Descubra agora