Napaikot-ikot siya sa saya at kahit papaano'y naibsan ang kaniyang dinadalang problema at ang mga katanungan kung bakit siya napunta sa mundo ng Maharuyo. Napapikit siya at sinasamsam ang nangyayari.

Ngunit biglang nawala ang mga lambana at agad na sumuksok ito sa mga talulot ng mga bulaklak nang makaramdam sila ng paparating.

Naimulat ng dalaga ang kaniyang mga mata, nawala ang mga lambana. Napalinga-linga siya at sa huling lingon niya ay harap-harapan na niyang nakita ang napakalaking oso.

Dumagundong ang boses ng uso sa kaniyang tenga. Napangiwi pa siya sa kadalihanang nahilamos na niya ang mga laway na tumalsik. Para siyang isang tuod sa harapan ng dambuhalang nilalang. Hindi natinag at nanatiling nakatayo.

Doon pa lang niya naarok nang buhatin siya nito. Napatili siya sa takot, "Tulong!"

NAPAIGTING ang tenga ni Lauro nang marinig niya ang boses ni Lily pero nanatili siyang kalmado at nakaupo pa rin nang tuwid kahit na nasusukot na siya paghahaplos ni Eulalia sa kaniyang balikat.

Si Eulalia naman ay natigil ang pangungumbinse sa binata. Nabaling ang kaniyang sarili sa nagsisisigaw na babae sa labas na parang kinatay na baboy.

Dali-dali siyang lumabas. Gumuhit sa kaniyang labi ang nakakalokong ngiti.

Nagpupumiglas si Lily, parang isang damit lamang siyang sinablay ng oso sa balikat. "Ibaba mo ako! Parang tanga naman 'to! Hindi ako tatakas, promise! Ang anghit mo kasi!" Reklamo niya pa.

"Ibaba niyo, ibaba niyo!" Gamit ang matinis na boses at maarteng utos pa ni Eulalia, taas noo siyang tiningnan ang dalaga.

"Ouch!" Pakiramdam ni Lily ay nabalian siya ng buto sa balakang, malakas ang pagkakabagsak niya sa lupa. "Grabe ka naman! Akala mo naman bakal itong katawa---" natigil siya. Napakurap ang kaniyang mata nang dalawang beses. Naaaninag na niya ngayon ang babaeng nasa harapan niya. Nakasuot ito ng kulay lilang baro't saya at nakalugay ang buhok.

Tiningnan mula ulo hanggang paa ni Eulalia ang dalaga, nagtataka siya kung bakit kakaiba ang kasuotan nito. Inilapit niya ang sarili sa dalaga na ngayon ay hindi magawang makatayo at nanatiling nakatunganga sa kaniya. "Bakit ganiyan ang iyong kasuotan?!"

Kitang-kita ni Lily ang malaking dibdib ng babae, hindi niya mapigilang idampi ang mga palad sa sariling hinaharap at ikumpara, "Tae, ang laki naman ng boobshells niya!" Aniya sa sarili. "Ha? A-Anong problema mo sa pajama ko?" Tugon na lamang niya, bigla siyang nawala sa sarili dahil sa kaanyuan ni Eulalia.

"Sino ka, hija?"

Napalunok pa siya ng laway bago magsalita, "Ah eh-"

"Bueno, nais kitang isama sa aking kaharian Ah Eh," Singit agad ni Eulalia "Sumakay ka sa likod ng isa sa mga oso ko."

Naging aligaga si Lily sa sinabi ng babae, napatingin siya kay Lauro na hindi man lang siya tinapunan ng tingin, kahit na si Hugo at Verganza ay napayuko.

"At ikaw, Lauro, sasabay ka." Dugtong ni Eulalia, "Dalhin mo ang iyong mga kagamitan para sa paghabi ng aking sandalyas."

HALOS sumakit na ang leeg at balakang ni Lily kakaiwas sa mga baging na may tinik. Minsan-minsan ay winawasiwas niya ang kamay dahil sa nagliliparang gamu-gamo.

"Iyan ang iyong napapala dahil hindi ka sumakay sa likod ko," Biglang sabi ng oso.

Napairap ang dalaga, "Hirap ka na nga sa paglalakad at bakit ba may tinik ang iyong isang paa? Ang tanga mo naman."

Biglang binuhat ng oso si Lily at sinablay sa balikat, "Hindi ko alam ang iyong sinasabi, pero kapag sa oras na lumingon ang reyna at hindi ka nakasakay ay tiyak na paparusahan na naman ako."

Napairap muli ang dalaga pagkatapos ay napakapit siya sa tenga ng oso upang makaupo na lamang siya sa balikat nito. Masyadong malaki ang oso at hindi ito pangkaraniwang laki katulad ng nakikita niya sa palabas.  "Dati ka bang tao?" Hindi niya mapigilang tanong.

"Hindi kami nag k-kuwento sa aming sarili. Mas mabuti'y itikom mo ang iyong bibig." Seryosong tugon ng oso.

"Well, wala na akong magagawa. Mababaliw na lang siguro ako-" Napatigil siya nang marinig niyang umangil ito, "Sabi ko nga, shut up na lang ako." Ininda niya na lamang ang paika-ikang paglalakad ng oso na tila palaging lubak ang dinadaanan. Naawa siya rito at nararamdaman niya ang init nito sa katawan.

Inaaliw na lamang niya ang sarili sa nagliliparang alitaptap. Minsan ay nagugulat siya sa pabigla-biglang pagsulpot ng mga Venus Fly trap sa paligid.

Ilang minuto pa ang nilakaran bago maabot ang malaking mansyon. Umarkong pabilog ang bibig ni Lily pagkatapos ay lumundag na siya sa lupa. "Wow!" Bulalas niya sa pagkamangha. Maraming rosas na kulay lila ang nakapalibot sa paligid, may mga duwende rin siyang nakikita na naglilinis at nag t-trim ng mga halaman.

"Binibining Ah Eh, kailangan mong magbihis ng baro't saya nang sa gayon ay hindi ka maiiba." Biglang saad ni Eulalia nang nilingon ang dalaga pagkatapos ay tumalikod muli upang pumasok na.

Hindi mapigilan ni Lily na lapitan si Lauro na ngayon ay nakayuko lang at may kadenang nakagapos sa kamay. Nakasukbit din ang malaking tampipi nito sa likuran "Lauro! Okay ka lang ba?  M-masakit ba ang pagkakagapos sa iyong mga kamay?" Bulong niya rito.

Napaangat ang mukha ng binata at napangiti, "Magpanggap tayong hindi magkakakilala sa ngayon. Hindi ko na alam ang gagawin sa susunod na mga eksena, basta ba'y magpakita ka sa akin minsan para masiguro kong ligtas ka."

Napatango-tango si Lily, pinagmasdan na lamang niya itong ihakbang ang mga paa sa hagdan. Napahinga siya nang malalim at pagkuwa'y nagulat dahil nasa tabi niya pala ang oso na napaupo sa lupa. "May narinig ka ba?"

"Kahit na simpleng hinga mo ay rinig ko. Pero huwag kang mag-alala, wala lang sa akin ang narinig ko sa pagitan sa inyo ng sapaterong baliw na 'yon." Seryosong saad ng oso at naituon ang sarili sa paa na may malaking tinik na nakabaon. Nais niya itong bunutin ngunit napapangiwi siya sa sakit.

"S-salamat, friend. Teka nga, mahapdi 'yan! Huwag mong pilitin! Gusto mo bang gamutin nati-"

"AH EH!"

Napapikit si Lily sa dumadagundong na boses ni Eulalia sa loob ng mansyon, "Gagamutin ko iyan, pangako!" Mabilis na sambit niya sa oso at patakbong pumasok na sa loob ng mansyon.

Napailing na lamang ang oso pero sa kaniyang kalooban ay masaya siya dahil sa unang pagkakataon ay may taong nag-alala sa kaniya at nais tumulong.

---

A/N: Tbh, nag rumble yung eksena sa utak ko HAHAHA!

The Tale Of MarahuyoUnde poveștirile trăiesc. Descoperă acum