Episode 15 - Enemies to Lovers

Start from the beginning
                                    

Bahagya siyang yumuko—dumaan na naman ang lungkot sa kanyang mga mata—at saka siya nagdagdag ng, “’Yon na pala ang huling araw na masisilayan namin siya. She killed herself by jumping off a building. At kasalanan ko . . . kasalanan ko ’yon.”

Naalala ko na. Si Hasna pala ’yong usap-usapan noon na nagpakamatay dahil sa pag-ibig.

“’Di mo naman kasalanan ’yon, Clyve,” pagkonsuwelo ko, hinahagod ang likod niya. “’Di mo siya pinatay. Naging totoo ka lang. Pakiusap, ’wag mong pahirapan ang sarili mo. Sigurado akong hindi ’to magugustuhan ni Hasna—ang sisihin mo ang sarili mo sa pagkawala niya. Kailangan mong mag-move on. Kung nasaan man siya ngayon, paniguradong masaya siya para sa ’yo.”

Dahan-dahan siyang nag-angat ng tingin sa ’kin kaya hinandugan ko siya ng maliit na ngiti, umaasang mapapawi nito ang lungkot na lumalamon sa kanya.

“Thank you, Kann.” Kapagkuwa’y sinuklian niya ako ng isang tipid na ngiti, ’tsaka niya pinisil ang kamay ko. “Salamat kasi, kahit papa’no, napagaan mo ang kalooban ko. Salamat sa pagsama sa ’kin dito at sa pakikinig. Your mere presence means the world to me.”

Aww.

Nagulat ako nang lumapit pa siya sa ’kin at ikinulong ako gamit ang kanyang mga bisig. Unti-unti akong napangiti; pakiramdam ko, ligtas ako sa mga braso niya. Sa mga sumunod na minuto, hindi ako kumibo at hinayaan lang siya sa kanyang ginagawa.

Hindi naglaon ay tinambangan ako ng kilabot nang maramdaman kong may isang pares ng mga matang nakamasid sa ’min. Habang nakapatong ang baba ko sa balikat niya, mabilis kong iginala ang aking mga mata sa paligid, ngunit binigo ako ng mga ito dahil wala akong nahagilap na tao.

Sino kaya ’yon? Hindi ako maaaring magkamali. Kanina pa may sumusunod sa ’min.

• • • • •

Alas-sais y medya na ng gabi nang marating ng aming mga paa ang mansyon. Habang binubuksan ni Clyve ang gate, ’di ko maiwasang mapatingala sa kalangitan. Pumalit na ang malaki’t maliwanag na buwan kay haring-araw at sinamahan pa ito ng kanyang mga alagad—ang mga bituin.

“Dito ka na kumain, Kann,” pagbasag niya sa katahimikan sa pagitan naming dalawa. “Hatid na lang kita sa inyo pagkatapos.”

“Sino’ng magluluto, ikaw?”

“Magpapa-deliver tayo.”

“Okay,” pagsang-ayon ko na lang. Ang totoo niyan, ayaw ko rin talaga siyang iwan agad. Kagagaling lang niya sa pag-iyak, at ako ang may kasalanan n’on, pinaalala ko kasi. Gusto ko, nasa tabi niya ako ngayon.

Kaswal lang naman kaming lumukso sa welcome mat ’tsaka pumasok sa loob ng mansyon. Nasanay na lang din ako kasi araw-araw naman akong nagpupunta rito (parang may-ari lang ng bahay ang atake). ’Tapos n’on, nagpalit kami ng tsinelas na ginagamit dito sa loob.

Pero nagulat ako nang hinigit niya ang palapulsuhan ko at nag-umpisa siyang tumakbo; nagpatianod lang ako habang tangay niya ’ko. Napansin kong may nakabalot na pulang tela sa glass wall kaya tinubuan ako ng kaba. Dahil ako ang klase ng taong ayaw ng mga sorpresa, tanong agad ng utak ko, Ano’ng mayro’n do’n sa pool area?

Huminto kami sa tapat nito. Pagkabukas na pagkabukas ni Clyve dito, tumambad sa ’ming paningin ang aming mga kaibigan na mabilisang sumigaw ng tila inensayong, “Welcome to . . . Night Bazaar!”

Lit Candle in the Rain (Night Bazaar Series #1)Where stories live. Discover now