Episode 13 - Grumpy x Sunshine

Start from the beginning
                                    

Sa isang kisapmata’y bigla na lamang akong iniwan ng mga gumambala sa ’kin kanina ’tsaka napangiti na lang ako sa kanya. Agad ding uminit ang gilid ng mga mata ko sa tuwa.

“I know it’s hard,” pagpapatuloy niya, “but you try . . . try to socialize. Puwede kang magtanong sa mga lalapit sa booth ng random question like ‘What time is it?’ or something—consider that socialization. And that’s enough. Subukan mong mag-focus sa kung ano lang ang sasabihin ng mga tao, instead of assuming the worst. Alright?”

Tanging pagtaas-baba lang ng aking ulo ang isinagot ko sa kanya.

• • • • •

Kinabukasan, habang naghihintay kay Clyve na pumanaog dito sa ibaba, nagbasa na lang muna ako ng bagong libro—Battle Royal by Lucy Parker. Habang naka-de-kuwatro at nakakandong ang kulay maroon na throw pillow sa ’king hita, mabilisan kong pinasada ang aking mga mata sa bawat pahina ng libro. Rason kung bakit interesting ang grumpy x sunshine trope: ang main characters ay may magkasalungat na personalidad, pero sa huli ay matututuhan nilang mahalin ang isa’t isa.

Makalipas ang ilang minuto, tuluyan nang bumaba si Clyve kaya dagli kong isinara ang dala kong libro at saka isinilid sa ’king tote bag na may iconic na art—The Scream ni Edvard Munch. Suot niya ngayon ang kulay-rosas niyang T-shirt na may mukha ni Lil Peep na pinaresan niya ng maong na shorts. Ako naman, naka-puting T-shirt lang na pinaibabawan ng forest green jacket ’tapos tinernuhan ng kulay-abong shorts.

“Katatawag lang ni Luke sa ’kin,” kapagkuwa’y imporma niya habang nakatutok ang mga mata sa kanyang cell phone. “Nando’n na raw si Ma’am Rannos, si Cerri, at ang iba pa nating mga kaklase.”

“Okay. Tara na.”

Mukhang kami na lang ang hinihintay ng mga kasama namin kaya ’di na kami nagpatumpik-tumpik pa at kaagad na naming nilisan ang mansyon ’tapos pumara ng tricycle. Dahil sa pangakong binitiwan niya noon, pumayag na ’kong makiisa sa paghahanda at pagha-handle ng photo booth.

Feeling ko naman, ’di ako aatakihin ng social anxiety kasi kami-kami lang naman; magre-ready pa lang naman kami para bukas hanggang Huwebes. Habang nasa tricycle kami, nakahawak lang sa kamay ko si Clyve, manaka-nakang nagtatapon ng tingin sabay inat ng mga labi.

Makaraan ang halos kinse minutos, tuluyan nang huminto ang sinasakyan naming tricycle sa harapan mismo ng aming eskuwelahan. Bumaba kami ’tapos si Clyve na ang nagbayad sa mama.

Natiklop ko ang labi ko at saka napalunok ako ng laway nang makasalubong ng aking mga mata si Cerri na kumakaway at ang mga ka-orgmates niya na nagtatawanan sa di-kalayuan. Sinalakay na naman ako ng t*nginang pakiramdam na ako ang rason ng paghalakhak nila. Tuloy, parang gusto kong sitsitan ’yong mamang tricycle driver upang sumakay ulit ako sa loob. Kapagkuwa’y dinukot ko ang cell phone ko mula sa ’king bulsa at napatingin ako sa patay na screen nito para i-check ang aking hitsura. Sa huli, ibinaon ko na lang ang ngipin ko sa ’king ibabang labi, ’di na muling nagpukol ng tingin sa direksyon nila, at gamit ang nanginginig kong kamay ay kumapit ako sa manggas ni Clyvedon.

Kannagi, ano ba? ’Di pa nga opisyal na nagsimula ang Foundation Week, gan’to ka na? Pa’no pa kaya sa susunod na mga araw?

Hinandugan ako ni Clyve ng isang tipid na ngiti. “Pasensiya ka na, Kann, a. ’Di ko na-mention na tutulong sa ’tin ang mga ka-orgmates ni Cerri sa Volunteer Club,” aniya at saka hinawakan ang kamay ko. “But do not fret. I’m here.”

Tumango na lang ako at sinuklian ko siya ng maliit na ngiti.

“I-shake mo lang ang mga kamay mo”—d-in-emonstrate pa niya kahit alam ko naman kung pa’no gawin—“huminga ka nang malalim”—ginawa rin niya agad ang kanyang sinabi—“o ’di kaya’y sumigaw ka nang malakas para iwanan ka na ng gumagambala sa isip mo, Kann.”

Lit Candle in the Rain (Night Bazaar Series #1)Where stories live. Discover now