Tila tuwang-tuwa pa ang luko.

"Ewan ko sa'yo!" Muli niya itong binabaan ng telepono at saka inihagis ng cell phone sa tabi niya. Tumalbog pa ito at tuluyang nahulog sa sahig. Buti na lang at carpeted ang sahig. Idagdag pang medyo may kalumaan na din ang model ng cell phone niya. Hindi ito iyong klaseng madaling masira gaya ng mga nagmamahalang cell phone na mabibili ngayon. Tigasin ito, palaban... gaya niya.

Pinulot niya ito at saka ipinatong sa bedside table.

Muling itong tumunog. Text message naman sa pagkakataong ito. Ayaw man niya, hindi niya napigilan ang sariling basahin iyon.

Dn't wori, Im ok. And no, I hvn't chnge my mind yet. I am still marying u. Kya m2log kn, quit worying. Cge ka, ppangit ka nyan. I dont want an ugly bride!

Napangiti siya at parang timang na dinala ang cell phone sa kanyang dibdib. Tuluan na niyang nakalimutan ang inis na nararamdaman niya para dito kanina.

"Masaya ka ba talaga sa gagawin mo, ha, Hana? Di ka ba napipilitan? Gusto ko ding mailigtas ang tatay mo pero hindi sa ganitong paraan. Hindi kita ikukumpromiso alang-alang sa kanya. Makakahanap pa naman siguro tayo ng paraan. Kung 'di ka masaya sa pagpapakasal kay Ram, sabihin mo lang," anang nanay niya kinabukasan noong dumalaw siya sa ospital. Nailipat na sa private room ang tatay niya na tulog nang mga sandaling iyon.

"Naku, kung alam niyo lang ho, Aling Lumen! Dream come true ho para kay Hana ang lahat ng ito," sabat ni Ava.

Pinandilatan niya ito ng mga mata bago bumaling sa ina.

"Naku, huwag niyo hong isipin na napipilitan lang po ako. Masaya ho ako sa gagawin kong ito, Nay. Huwag niyo po akong problemahin."

"Super saya!" ang muling sabat ni Ava.

"Eh, bakit mukha kang malungkot. Mukha ka pang walang tulog."

Kasalanan ni Ram. Pinag-alala niya ako nitong mga nakalipas na gabi. Pero siyempre ngayon, okay na. Nagkausap na kaya sila kagabi. 

"Medyo busy lang po sa preparation. Nakaka-stress po pala ang magpakasal, Nay. Ang daming dapat ayusin. Bridal gown, damit ng mga abay, simbahan, cake, pagkain, venue, giveaways, basta! Andami! Nakaka-stress!" aniya.

"Eh, pano, ikaw lang mag-isa ang nag-aasikaso niyang kasal niyo. Mai-istres ka talaga. Sigurado ka bang gusto kang pakasalan ni Ram, anak?"

"Nay, naman!"

"Eh, kasi naman, dalawang linggo na lang at kasal niyo na pero nasaan siya? Hindi siya umuuwi ng San Gabriel, 'di ba?"

"Nasa Maynila ho si Ram, Nay. May importante lang hong inaasikaso," ang depensa niya dito.

"May mas importante pa ba kaysa sarili niyang kasal?"

Hindi siya nakasagot. Napabuntong-hininga na lamang siya.

"Naku, huwag niyo na hong palungkotin 'yang kaibigan ko, Aling Lumen," ang sabat ni Ava. "Huwag ho kayong mag-alala, magiging masaya ho 'yan sa feeling ni Ram dela Francia. Eto na lang ang tingnan niyo, oh." Itinaas pa nito ang kanang kamay niya upang ipakita ang singsing na bigay sa kanya ni Ram na noo'y suot niya. "Bibigyan ba 'yan ni Ram ng ganyan kagandang engagement ring kung hindi niya bet 'yang dalaga niyo? Common sense, Aling Lumen. Importante kay Ram si Hana. Hindi lang talaga siya showy."

"Ang sa akin lang naman kasi sana," anang Nanay niya. "Di baleng hindi mayaman 'yong mapapangasawa niya, basta mahal siya. Kung si JM lang sana, mas makakampante pa siguro ang loob ko. Kaso, si Ram. Iba si Ram, eh." Nagpailing-iling ang Nanay niya.

"Eh wala ho tayong magagawa. Hindi si JM ang itinitibok ng puso nitong si Hana. Si Ram ang mahal niya."

Habang nakikinig sa usapan ng dalawa ay hindi maiwasan ni Hana na muling malungkot. Talaga bang tama ang pagpapakasal niyang ito kay Ram?

Buying Love (Published Under UMPRINTABLES!) Hikayelerin yaşadığı yer. Şimdi keşfedin