Sulyap ng Pag-ibig sa Dilim

1 1 0
                                    

Isang madilim at tahimik na gabi, dahan-dahan akong bumangon sa pagkakahiga at naupo sa gilid ng aming higaan. Nilingon ko siya, mahimbing na natutulog habang ako ay pinapatay ng aking mga iniisip. Nanginginig ang kamay na kinuha ko ang kaniyang cellphone sa bedside table, binuksan iyon. Tumambad sa akin ang black na wallpaper ng kaniyang cellphone, hindi na litrato naming dalawa na magkasama. Kahit alam kong ako ay masasaktan lang sa aking mga malalaman disidedo pa rin akong tingnan ang nilalaman ng messenger niya, ng inbox niya.

Huminga ako ng malalim, pumikit ng mariin bago sambitin ang mga katagang, "Kakayanin ko 'to." Inisip ko na sa pamamagitan nito mas mapapadali ang aking pagkalimot sa kaniya. Kailangan kong saktan ang sarili ko para tumigil na sa kahibangang pinasok ko. Tama na. Hindi ako nararapat sa mga sakit na natatamasa ko dahil lang sa pagmamahal ko sa isang lalake.

Dahan-dahang nagpatakan ang maiinit na luha mula sa aking mga mata pababa sa aking pisngi. Pigil na pigil ko ang humagulgol dahil baka magising ko siya. Maraming beses ko na siyang nahuli na nagloko at nagsinungaling, pero tanga ako, bulag na patuloy ko pa din siyang tinanggap nang tinanggap. Nanginginig na ibinaba ko ang cellphone niya at walang ingay na humikbi. Tama nga sila na sa pagmamahal isa lang ang puwede mong gamitin, puso mo o utak mo. Malas ko dahil puso ang pinairal ko.

Nilingon ko siya, "Deserve ko ba na maloko nang paulit-ulit? Bakit hindi mo na lang ako bitawan kung may iba na palang laman ang puso mo? Dahil ba binibigay ko ang lahat na wala nang natira para sa sarili ko? Dahil ba convenient sayo? Dahil hindi ako umaalis sa tabi mo sa kabila ng ugaling mayroon ka?" Saad ko sa garalgal at mahinang tinig habang mahinhing hinahaplos ang gwapo niyang mukha.

Nang hindi na ako makahinga kakaiyak ay dahan-dahan akong tumayo. Nagbihis at kinuha ang matagal ko nang naimpakeng gamit. Nilingon ko siya sa huling pagkakataon bago lumabas ng aming silid. Hindi pa rin tumitigil ang pag-agos ng aking mga luha at mahihinang hikbi. Paniguradong mahirap dahil ayaw ko naman talagang umalis sa piling niya pero kailangan.

Sa madalim at malamig na gabi tinahak ko ang daan palayo sa kaniya, sa lalakeng minahal ko nang sobra. Hindi kita makakalimutan, Raphael Gale Hidalgo.

Pagtutuunan ko na muna ng pansin ang aking sarili at ang batang nasa aking sinapupunan. Hibang man kung iisipin ngunit buo ang desisyon kung palakihin ang bata nang mag-isa malayo sa ama niyang alam kung puro sakit lang ang idudulot. Ayaw kong maranasan ng anak ko ang mga sakit na pinagdaanan ko.

May sapat akong ipon mula sa mga sidelines ko, bata pa lang ay nag-umpisa na akong kumayod para sa sarili ko dahil matagal nang wala ang aking mga magulang, iniwan lang ako sa aking tiyuhin na demonyo kaya nang magka-isip ay tumakas ako palayo sa impyernong iyon. Nakapag-tapos ako sa elementarya gamit ang sariling sikap, kahit magpulot ng basura ay pinapatos ko magkapera lang. Kahit papaano ay maalam ako sa pagbabasa at pagsusulat, nakakaintindi rin ng wikang ingles dahil kahit hindi sa paaralan ay nag-aaral ako. Nagpalaboy-laboy sa lansangan at sa edad na labing-pito ay nakilala ko ang basagurelong si Raphael. Bilang batang hindi nakaranas ng pagmamahal at talaga namang sabik, hindi man lamang ako tumanggi nang alukin ako nito na maging girlfriend niya at tumira kasama siya. Nasa isip ko lang noon na may magmamahal na sa akin at may matutuluyan na ako. Napakabata para maintindihan ang konsepto ng pagmamahal. Nagpa-alipin ako sa isiping mas magiging madali dahil may katuwang na ako sa buhay. Mayaman ang pamilya ni Raphael, sa edad na labing-siyam ay may sarili na itong bahay. Tinulungan ko siya sa pag-aaral niya kapalit ng pagpapatira at pagpapakain niya sa akin. Maayos sa una pero paglaon ay nag-iba, sadyang nakakamangha na hindi ko na siya kilala sa pagdaan ng mga araw. Hindi siya ang Raphael na minahal ko.

Makalipas ang anim na taon ay mas naging okay ang buhay ko, buhay naming mag-ina. Sa tulong ng mga nagising kaibigan ko, napalaki ko nang maayos ang anak ko, nagkaroon din ako ng maliit na bakery sa bayan ng San Isidro.

You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: Mar 27, 2023 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

Oneshot CompilationWhere stories live. Discover now