"Oh, talagang ang mga batang ito..." Naluluha sa kaligayahan si Guada.

"I think we have to move on, sweetheart. Kumakaway sa atin si Cong. Generosa," ani Rodrigo sa esposa.

Nagpaalam sa kanila ang mag-asawa. Naupo si Miguel sa tabi niya.

"Bakit hindi mo isinama rito si Vivian," ani Laura na nanunudyo. "Hindi mo pa ba siya ipakikilala sa amin bilang fiancée?"

"Don't spoil the evening, Laura. Bakit hindi ikaw ang nagdala ng fiancée para nakita mo kung ano ang magiging reaksyon ng mama at papa?" ganti nito.

Muli na namang pinamulahan ng pisngi ang dalaga. "Oh, you...!"

Nagkatawanan sila.

Napalitan ng instrumental na love song ang waltz na pumapailanlang mula pa kanina.

Agad na binalingan ni Miguel si Aura.

"Care to dance?" nag-aanyayang sabi sa dalaga.

Napasulyap si Aura kay Krizelda at nakita niyang lihim na kinikilig ang kapatid. Nag-init ang mukha niya.

"C'mon, Aura, hihiyain mo pa ba ako?"

Napangiti siya nang makita ang pagsusumamo sa mga mata ni Miguel. Iniabot niya rito ang kamay niya.

Pumagitna sila sa matatandang nagsa-sayaw.

Bumilis ang tahip ng dibdib ni Aura nang hapitin ni Miguel ang kanyang baywang.

"Hindi kaya magalit si Vivian? Ako ang isinasayaw mo gayong dapat sana'y siya?"

"Ako ang magdedesisyon kung sino ang gusto kong isayaw."

"I don't want to create a scene, Miguel..."

"Hindi eskandalosa si Vivian..."

"That's not what I mean."

"Then... what?"

Umiling siyang hindi malaman ang sasabihin. Ano nga ba ang kinatatakutan niyang mangyari gayong nagsasayaw lang naman sila?

"Marami akong gustong sabihin sa iyo, Aura... at sana, paniwalaan mo."

Nag-angat ng mukha si Aura. Nahigit niya ang paghinga nang maramdaman ang mainit na hininga nitong dumadampi sa kanyang pisngi.

Para siyang malulunod nang mga oras na iyon. Hindi niya namalayang napahigpit ang kapit niya sa balikat ni Miguel.

"You know the title of the song?" tanong ng binata na ang tinutukoy ay ang isinasayaw nila.

Tumango si Aura. "Speak softly love..."

bulong niya.

"I think I'm in love with you..." mahinang-mahina, halos bulong iyong malinaw na narinig ng dalaga.

Saglit na hindi nakahuma si Aura. Hindi niya inaasahan ang sinabi nito. Nang makabawi ay kumalas siya sa pagkakayakap nito ngunit nahawakan ni Miguel ang kanyang braso.

"Eso es mentira!"

"Pangalawang beses kong narinig sa iyo ang salitang iyan. At uulitin ko, hindi ako nagsisinungaling."

"You don't know what you're talking about, Miguel. Let me go, bago pa tayo makalikha ng eksena."

Nang makitang nagsisimula na silang mapansin ng mga tao ay binitiwan nito ang kamay ng dalaga.

Mabilis na lumayo si Aura. Sinundan na lamang ito ng tingin ni Miguel.

Nilapitan ng dalaga ang mag-asawang Redoblado at nagpaalam na magpapahinga na. Idinahilan niyang sumasakit ang kanyang ulo. Nakaunawa naman ang mga ito at nagpakita ng pag-aalala.

Kristine Series 06: Kapirasong PapelTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon