Simoun! PASAWAY

1 0 0
                                    



"Simoun! Simoun! Simoun! Pumasok ka nga rito! Alam mo naman na bawal lumabas, wala ka pang facemask!"sigaw ni Aling Marta sa kanyang anak na si "Simoun na Pasaway" kung tawagin sa lugar nila.

Si Simoun ay isang batang may katigasan ang ulo, panay labas ng walang facemask, minsan ay nakahubad at walang sapin sa paa. Madalas din siyang tumatakas sa kanyang nanay at makipaghabulan sa mga mga tanod na naninita sa kaniya.

"Ikaw talagang bata!Ang kulit mo!Sinabi ko naman sa iyo na bawal kang lumabas. Lagi mo na lang akong tinatakasan kapag aalis ako para magtinda sa palengke," himutok ng kaniyang ina.

"Eh, 'Nay. Wala naman pong Covid! 'Di iyon totoo. Sabi rin po ng mga nanay ng mga kalaro ko. Kasi kung mayroon po bakit hindi kami nagkaka-covid?" giit ni Simoun sa kaniyang ina.

"Hindi totoo yan. Totoong may Covid, anak. Nakita mo naman ang mga nababalita sa TV na marami nang namamatay dahil sa sakit na iyon at tsaka 'di ba may ilang kapitbahay na tayo na nagkaroon ng Covid? Kaya pinag-iingat kita," paliwanag ng kaniyang ina.

"Hmp! Basta hindi po totoo yun!" singhal ni Simoun.

"Hay naku, Simoun! Sinasabi ko sa iyo. Huwag kang lumabas kung hindi kailangan. Kung lalabas ka man ay mag-facemask ka," mahigpit na payo ni Aling Marta.

"'Nay 'wag ka pong mag-alala. Hindi totoo iyon, hindi din ako tatablan nun!" pagmamayabang pa ni Simoun.

Nagpatuloy si Simoun sa kanyang ginagawa. Lumalabas nang walang facemask. Tumatakas sa kanyang ina at nakikipaghabulan sa mga naninitang tanod.

Isang araw, pag-uwi ng kaniyang ina mula sa pagtitinda ay napansin nitong nakatalungko sa isang upuan ng kanilang sala si Simoun. Natuwa ang kaniyang ina. "Buti naman anak at hindi ka lumabas ngayon. Mas kampante ako kapag narito ka lang sa bahay," sambit ni Aling Marta.

Walang nakuhang tugon kay Simoun ang kaniyang ina. Bahagya itong nag-alala at nilapitan ang anak. Hinipo niya ito sa noo.

"Naku, anak may lagnat ka! Ano bang nararamdaman mo?" nag-aalalang tanong nito.

"Nay, masakit po ang ulo ko. Medyo makati rin po ang lalamunan ko. Tsaka, hachooooooo! Sinisipon po ako," sagot ni Simoun sa paos na boses.

Labis ang pag-aalala ng kaniyang ina sa kalagayan ni Simoun at agad niya itong dinala sa ospital upang mapatingnan. Alam ni Aling Marta ang ilang nararamdaman ni Simoun ay sintomas ng Covid19. Sa ospital ay sinabi ng doktor na kailangang ma-swab test si Simoun dahil sa mga sintomas na mayroon ito. Kailangan muna rin silang i-quarantine habang naghihintay ng resulta ng swab test.

Dumating ang nakalulungkot na balita. Nagpositibo sa Covid19 si Simoun ngunit ang kaniyang ina ay negatibo dahil may kumpleto na ang kanyang bakuna. Napuno ng labis na lungkot at takot si Aling Marta subalit alam niyang hindi pababayaan ng mga health worker ang kaniyang anak.

Dinala si Simoun sa Covid19 facility sa kanilang lungsod upang doon ay magamot at makapag-quarantine sa loob ng 14 na araw hanggang sa gumaling siya. Ipinaliwanag kay Simoun na kailangang gawin ito upang lubusan siyang gumaling at hindi makahawa pa sa iba.

"Ang tagal kong maiiwan rito," bulong ni Simoun sa sarili habang nililigid ang paningin sa kaniyang silid. "Kung nakinig lang sana ako kay Nanay hindi ako magkaka-Covid. Pero kailangan kong maging matapang. Kailangan kong magpagaling agad. Hindi ako magpapasaway sa doktor at susundin ko lahat ng sasabihin nila para makauwi ako agad at hindi mag-alala si Nanay," buong tapang na sinabi ni Simoun sa kanyang sarili.

Habang dumaraan ang araw, unti-unti na ring nababawi ni Simoun ang kanyang lakas. Nawala na rin ang mga nararamdaman niya.

"Hindi pala nakakatakot sa ganitong Covid facility kasi dito ay aalagaan ka ng mga doktor at nars, basta hindi matigas ang ulo mo," sambit ni Simoun sa sarili.

Dumating ang araw ng paglabas ni Simoun sa Covid facility. Malakas na siya at negatibo na ang resuluta ng huling swab test na ginawa sa kaniya.

"Salamat po sa inyo!" wika si Simoun sa mga doctor at nars na nag-alaga sa kaniya.

"Sana po ay hindi kayo mapagod at magsawa sa paggamot at pag-aalaga sa mga nagkaka-Covid19," dagdag pa niya.

"Hindi kami mapapagod, pero sana ay magsilbing aral sa iyo ang nangyaring ito para mag-ingat at makinig ka sa Nanay mo. Sabihin mo rin ito sa mga gaya mong bata na lumalabas ng walang facemask at lumalabas nang hindi naman kailangan, " bilin ng doktor kay Simoun.

"Opo Dok, sasabihan ko po sila! Sasabihin ko rin po sa kanila na huwag matakot magpunta sa doktor kung nakakaramdam ng mga sintomas na may hawig sa Covid19. kapag pwede na rin pong bakunahan ang edad namin, magpapabakuna po ako para maiwasan ko ang Covid gaya po ni Nanay na kumpleto sa bakuna!" buong pagmamalaki ni Simoun.

"Nay, mula po sa araw na ito mag-iingat na ako, hindi na ako lalabas ng walang facemask, at lalong hindi ako lalabas kung hindi naman kailangan. Nay, hindi na po ako magiging Simoun na Pasaway!" sabi ni Simoun sa kanyang Nanay.

"Mabuti naman anak. Umuwi na tayo para makapagpahinga pa ulit sa bahay!" masayang tugon ni Aling Marta sa kaniyang anak sabay yakap at halik sa kanya.

Simoun PasawayTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon