Episode 18 - HOLD MY HAND

Start from the beginning
                                    

"O, isa pa 'to!" ika ng nasa pinadulo.

"Hindi nga kasi. Nabalitaan niyo na ba 'yung tungkol sa ka-batch natin sa school na si Ximena?" excited na tanong ng babaeng naka-blue.

Napatuwid ng upo si Ximena nang marinig niya ang kaniyang pangalan. Maging si Kayla ay parang naging alerto.

"Ahh.. 'yung tungkol ba sa pagiging magnanakaw niya?" ika ng nasa harapan naman ni Kayla.

Tatayo na sana si Kayla para sawayin ang mga nagtsitsismisan nang pinigil ni Ximena ang kamay nito. "Hayaan mo sila," bulong pa niya.

"Kuuh! Wag na nga nating pag-usapan 'yan. Kilala niyo naman si Cybelle, gagawa nang paraan 'yun para makakuha na naman ng atensyon," sagot ng nasa pinakadulo.

Kumuha ng popcorn ang naka-blue jacket. "Sabagay. Baka nga siguro ganun. Sino bang magpapatotoo na kleptomaniac 'yung bagong modelong 'yun? Sa gandang 'yun ni Ximena, marami naman talagang maiinggit at maninira sa pagkatao niya."

Tumango-tango naman 'yung katabi nito. "Tama ka. Saka 'di ba dapat maging proud pa tayo na sumisikat na siya? Balita ko'y maraming naka-line up na project para sa kaniya 'yung agency na kinabibilangan niya."

"Pero, pwede rin namang totoo 'yun, 'di ba? Aminin niyo na magmula nang lumipat siya sa school natin, nagsimula na ang mga nakawan. Ang pinaka-nakakataka pa roon ay hindi pa nahuhuli ni minsan ang magnanakaw. O, sige nga," pamisteryong tanong ng nasa pinakadulo.

Natahimik bigla ang mga nasa paligid. Sa isang saglit ay nawala ang atensiyon ng mga ito sa pinapanuod.

"O kitams!" Pumapalakpak pa na nagsalita ang nasa harap ni Ximena. "Siya nga!" Turo pa nito sa malaking movie screen.

Napadako naman lahat ng paningin sa sumigaw.

Tinakpan nito ang bibig dahil sa pagkapahiya. "S-sorry po." Sumenyas pa ito na nag-zipper ng bibig.

Nagsibungisngisan naman ang mga katabi nito na s'yang nagtsitsismisan kani-kanina lang.

Hindi alam ni Ximena kung ikatutuwa niya na naiba na ang usapan. Gusto pa niyang marinig ang mga sasabihin pa sana ng mga ito ngunit natuon na muli ang mga paningin nila sa malaking screen.

"Okay ka lang, Maya?" bulong ulit ni Kayla pagkatapos na matahimik ng mga ito.

"Oo naman." Ngunit sa loob-loob ni Ximena ay may kirot pa rin ang puso niya, may konting kahungkagan.

Tinapik ni Kayla ang kamay ni Ximena na nakahawak pa rin sa kaniya. "Don't worry. Dito lang kami para sa'yo. Hindi mo naman maiiwasan ang mga iisipin ng tao, e. Ang mahalaga, nasasabi mo na sa amin at gumagawa ka na nang paraan para mapigilan ang sarili mo. Sapat na 'yung determinasyon na iyon para patuloy ka naming suportahan. Malalagpasan natin ito, Ximena. Maniwala ka."

Tipid lamang na ngumiti si Ximena.

"Saka marami na kaming nagmamahal at nakakaintindi sa'yo. Magbilang na lang tayo ng araw at magbabakasyon dito si Grandpa at iba nating pinsan."

"Sasabihin ko rin ba sa kanila?" nag-aalanganing tanong ni Ximena.

"Nasa'yo iyon. Basta susuportahan ka namin ni Daddy at Mommy."

"S-salamat, Kayla."

Magaan na ang loob ni Ximena nang ibinalik na niya ang paningin sa big screen.

Mga bandang alas-tres y medya ay natapos na ang palabas. Pinili nilang maglakad-lakad muna, tutal ay may oras pa naman. Nakatingin si Ximena sa isang bag na nakadisplay sa isang shop nang pagpapaluin siya ni Kayla sa isa niyang braso.

"Ano ba?" angil niya sa babae. "Medyo masakit ah!" Binalingan niya si Kayla na nakaawang pa ang bibig na nakatingin sa isang malaking mock-up large billboard. "Sis, ikaw ba 'yun?" Napatakip pa si Kayla sa bibig nito habang pinapaglipat-lipat ang tingin sa kaniya at sa natatanaw nila.

Naestatwa na rin si Ximena. Parang ayaw na niyang pumikit. Dati, pinapangarap lang niya na makita ang sarili kahit sa maliit lamang na poster. Ngayon, di-hamak na mas malaki ang nakikita niya. Napayakap siya kay Kayla. May namumuong butil sa kaniyang mga mata.

"My gosh! X-Ximena Mendez?!" manghang-mangha na bulalas ng isang babaeng naglakad palapit sa kanila.

Mayamaya nga ay may mga nagpapa-fansign na kay Ximena. Nang maubos ang mga tao, kinuha na ni Kayla ang baon nilang baseball cap at isinuot na niya kay Ximena. "Magtago ka muna. Baka dumugin na naman tayo. Masyado ka kasing maganda!" biro nito. Hinatak niya si Ximena papasok sa isang bilihan ng accessories.

Marahan namang hinila ni Ximena ang kaniyang braso. Nang tumingin si Kayla sa kaniya ay umiling-iling siya. Ayaw niyang pumasok dahil baka may maisipan na naman siyang gawin.

Hinawakan naman ni Kayla ang dalawang kamay ni Ximena. "Andito lang ako. Sige, hatakin mo ako agad 'pag sa tingin mo ay sinusumpong ka. Pangako, lalabas tayo agad."

Umalis saglit si Kayla at lumipat sa kaharap na shelf.

Natuwa si Ximena sa isang brooch. Habang nag-iisip ng pwedeng bilhin ay napahawak siya sa kaniyang bewang na may tangan sa brooch.

Nagulat na lang siya nang inagaw iyon ng isang kamay.

"B-bakit–" Napahinto siya dahil nakangisi pa nga ang humila sa hawak niyang brooch. Si Cybelle.

"O, bakit? May angal ka?" ika nito. "At bakit malapit na naman sa bulsa mo 'to? Siguro nanakawin mo na naman noh?" pambibintang nito.

"Hoyyy! Ano na naman bang kaguluhan 'to, Cybelle? Akala ko pa naman tumigil ka na sa pagiging maldita mo!" Mabilis pa sa alas-kuwatrong bumalik si Kayla sa tabi ni Ximena.

Ngumisi na naman si Cybelle habang binabalik ang brooch sa lagayan nito. Nagpagpag pa ito ng mga kamay. "Hindi ba? Hmm, baka lang kasi." Huminto ito saglit at may kinawayan sa labas. "Wait for me, Jace!"

Sabay na napalingon si Ximena at Kayla sa may labas ng accessory shop. Mula roon ay natanaw ni Ximena ang seryosong mukha ni Jace. Umabrisyete rito si Cybelle at malanding ipinilantik ang mga daliri sa kanila. Nagblow pa ito ng kiss.

"Tignan mo 'yung gaga na 'yun. Hindi pa rin pala nagbabago. Masama pa rin ang ugali. Kakagigil!"

Hindi nagkomento si Ximena.

"Saka, tignan mo si Jace. Para namang hindi siya masaya."

Tumalikod na silang dalawa at lumabas na rin ng shop. Hindi na nila nakita na nilingon sila ni Jace.

Unruly HandsWhere stories live. Discover now