Episode 7 - Detention Room [1/2]

Start from the beginning
                                    

Naalarma ako sa mga boses na pumasok sa magkabilang tainga ko kaya aligaga akong napatakbo sa likod—sa direksyon na pinagmulan ng ingay. Doon ay nakita kong nakipagbuno​ sina Soichi at Aneeza sa dalawang maskuladong lalaki at dalawang babae na sa hinuha ko ay mga alipores ni Prim Libres.

Napadpad ang tingin ko kay Prim. Nakapamaywang siya habang pinanonood ang mga ito at inuutusan ang mga tauhan niya na gulpihin ang mga kaibigan ko. Sobrang puti niya na animo’y niligo ng pulbo ang sarili ’tapos kulot ang kulay brown niyang buhok. Mukha lang siyang anghel sa unang tingin, pero demonyo talaga siya!

Humahangos akong lumapit sa kanila at humiyaw ng, “Yahhh!” Sumugod ako sa dalawang maskuladong mga lalaki kasi pinagtutulungan nila si Soichi. Umikot ako sabay taas ng aking kaliwang paa. At sa pagharap ko, tumama ito sa mukha ng isa sa mga sinuhulan ni Prim, dahilan upang bumagsak ito at sinalo ng maalikabok na semento. Sunod na rumehistro sa ’king pandinig ang paghalinghing nito habang hawak ang kanyang panga.

Mula rito sa kinatatayuan ko, natanaw kong nakipagsabunutan naman si Aneeza sa dalawang kampon ni Prim, samantalang ang huli ay nanonood lang sa gilid at nakahalukipkip.

Walang ano-ano’y bigla na lang itinulak ng dalawa si Aneeza, dahilan para sumubsob ang mukha ng kaibigan ko sa mga bag nilang nakatihaya sa semento. Akmang tutulungan ko si Aneeza pero dagli siyang tumindig, ngayo’y may hawak-hawak na bag. Itinapon niya iyon sa direksyon ng dalawang babae; nasalo nila iyon pero bahagya silang napaatras.

“Ha! Ano ’to, Aneeza?” Natawa pa ang isa, samantalang ang katabi naman nito ay nakaarko lang ang kilay.

Pinutol ni Aneeza ang distansya sa pagitan nila at umangat pa ang kanto ng kanyang mga labi. “Siguro, para sa protection n’yo?”

“Ano?” sabay nilang tanong, naguguluhan.

Walang-kamukta-mukta ang dalawa na dahan-dahang iniangat ng kaibigan ko ang isa niyang paa at walang pasintabing tinadyakan ang bag na yakap-yakap ng dalawa, dahilan para tumaob ang lamesa—sila naman ngayon ang natumba sa maalikabok na semento. Napahaluyhoy ang mga alipores ni Prim na may kasama pang mura, sunod-sunod, malulutong, at may ngitngit.

“Si Soichi!” Bigla na lang lumukso si Aneeza sa likuran n’ong isang miyembro ng Martial Arts Club na kasuntukan ni Soichi. ’Tapos, sinabunutan niya ito kaya agad itong napasigaw sa sakit.

Umurong si Soichi at bumuwelo. Nang makaipon siya ng sapat na lakas, agad niyang ginantihan ng suntok ang lalaki, magkakasunod, malalakas, walang palya, at nagbabaga sa poot.

“Bagong member ba kayo ng Martial Arts Club? Wala kayong binatbat!” bulalas niya.

Kumilos na rin ako at sinuri ang paligid. Nang magtagumpay ang mga mata ko sa paghahanap ng trash can, dali-dali ko itong kinuha, sinaboy sa lupa ang magkahalong nabubulok at hindi nabubulok na mga basura, at saka itinakip ko ito sa mukha n’ong kalaban. Maya-maya, pinagtulungan namin ito; pinaulanan namin ng suntok ang lalaki habang nahihirapan itong makakita, samantalang paulit-ulit namang hinahampas ni Aneeza ang trash can na nakatakip sa ulo nito.

“You bitch!”

’Di naglaon, bigla na lang napadaing si Aneeza. ’Yon pala, hinila ni Prim ang kanyang nakalugay na buhok. Nakatayo na rin ’yong dalawang babae at pinagtutulungan na naman siya.

Akmang tutulungan ko siya nang bigla na lang akong makatanggap ng isang malakas na sipa galing sa lalaki, dahilan upang tumilapon ako sa kabilang panig, napaubo dahil sa munting mga duming nagdikit-dikit, at saka namilipit sa sakit.

’Di ko namalayang nakatayo na pala ’yong una kong pinabagsak. Yawa!

Habang papalapit ito sa ’kin, namataan kong nakawala na rin ’yong isa sa pagkakakulong ng mukha sa trash can at ngayo’y nagpalitan na naman sila ng suntok ni Soichi.

Sinagasaan ako ng pinaghalong takot at kaba nang matanaw ang hitsura ng isa pang maskuladong binatilyo na para bang gusto na nito akong burahin sa mundo.

Naalarma ako; napalinga-linga ako sa paligid, ngunit binigo ako ng sarili kong mga mata dahil wala akong mahagilap na kahit anong panangga na malapit sa ’kin. May nakita akong isang lumang mop, pero malayo ito! Buwisit!

Tatayo na sana ako kasi napagdesisyunan kong makipagsuntukan na lang sa kanya, subalit bigla nitong pinutol ang distansya sa pagitan namin sa pamamagitan ng pagtakbo nang matulin at saka binigyan ulit ako ng malakas na tadyak sa sikmura. Muli akong naghinagpis dahil sa sakit na natamo.

Pagkatapos n’on, ’di na niya ’ko tinantanan; pinaulanan niya ’ko ng malalakas na sipa. Prinotektahan ko na lang ang ulo ko gamit ang aking mga kamay. Napakislot ako, namilipit sa sakit ng tiyan, at manaka-nakang napahalinghing. Naokupa na ng takot at sakit ang isip at katawan ko kaya ’di ko na magawang manlaban. Inaamin ko, minaliit ko ang isang ’to. Malakas pala talaga siya!

’Di pa ito nakuntento at dumukot pa ng lumang mop saka karaka-raka niyang binali ang hawakan n’on, dahilan para mabundol na naman ako ng kaba.

Akmang isasaksak na niya sa ’kin ang baling hawakan ng mop nang may isang kamay na dahan-dahang dumakip sa kanyang palapulsuhan; tila bumagal ang paligid, tinamad ang oras. Dahil do’n, nabitin sa ere ang kamay nito na may hawak na matulis na kahoy. Mababakas ang sorpresa sa mukha nito ’tapos parang nakaramdam ito ng pananakit sa palapulsuhan.

Hanggang sa napadako ang tingin ko sa tumulong sa ’kin. Nang mag-abot ang aming mga mata, nakita kong nababahiran ang mukha niya ng pinagsamang galit at pag-aalala.

Galit para sa lalaking gumulpi sa ’kin, at pag-aalala para . . . sa ’kin?

Gusto ko sanang ibaling ang tingin ko sa mga kaibigan ko, suriin kung ano na ang nangyari sa kanila, ngunit napreso na ’ko sa titig ng lalaking minsan ko nang kinainisan.

Si Clyvedon.

• • • • •

And that’s a wrap for Ep. 7 Part 1! Daghang salamat po sa pagbabasa!! Any thoughts on the overall vibe so far? Let me know pooo 💚

Lit Candle in the Rain (Night Bazaar Series #1)Where stories live. Discover now