Kabanata 8: Ang Prinsipe ng Nakaraan

14.5K 823 745
                                    

[Kabanata 8]

NAPATIGIL si Sabrina sa pagsasagot sa papel at tumingin sa katabing bintana kung saan umiihip ang malakas na hangin na nagpapasayaw sa mga puno dahilan upang mahulog ang mga mahihinang dahon.

Abala ang lahat sa pagsusulit. Marahang naglalakad ang propesor sa likod upang bantayan ang mga estudyante. Nanatiling nakatitig sa labas si Sabrina. Hindi niya malaman kung bakit may kakaibang kaba siyang naramdaman habang umiihip ang hangin na tila tinatawag din ang presensiya niya.

Ganito rin ang nararamdaman niya sa tuwing nakikita ang lagusan ng mga kaluluwa patungo sa kabilang buhay. Takot ang hatid sa kaniya ng pag-ihip ng hangin na maaaring sundan ng mga bulong na humihingi sa kaniya ng saklolo.

Ipinikit ni Sabrina ang kaniyang mga mata. Mula nang dumating si Libulan, hindi na siya dinadalaw ng masamang pangitaing iyon sa tuwing sumasapit ang kabilugan ng buwan. Ilang sandali pa, natauhan siya nang magsalita ang kanilang propesor, "10 minutes," wika nito dahilan upang matauhan siya at mabilis na binalikan ang mga tanong na hindi niya pa nasasagutan.

Sunod na tumunog ang timer at agad pinapasa ng propesor ng mga test papers. Mabuti na lang dahil natapos ni Sabrina ang ilang question na hindi niya pa nasasagutan. Nang makalabas sila sa classroom, hindi malaman ni Sabrina kung bakit hindi pa rin natitigl ang pagkabog ng kaniyang puso na para bang may masamang mangyayari.

"Sana talaga mataas score natin. Three mistakes lang malalagot na talaga tayo kay Sir," saad ni Kyla na napahawak sa sentido dahil kung suntok sa buwan ang makakuha ng perfect score sa exam, sampal sa buwan naman ang makakuha ng three mistakes.

Patuloy silang naglalakad sa hallway kasabay ang ilang mga estudyanteng naglalabasan na rin sa kani-kanilang classroom. Patuloy lang sa pagsasalita si Kyla hanggang sa mapatigil si Sabrina sa paglalakad, "Bakit? May nakalimutan ka sa room?" tanong ni Kyla nang may pagtataka dahil tila nababalot ng pangamba at pag-aalala ang hitsura ni Sabrina.

"May pupuntahan lang ako, sunod na lang ako sa 'yo sa library," wika ni Sabrina saka dali-daling tumakbo pababa. "Sab!" sinubukang tawagin ni Kyla ang kaibigan ngunit mabilis itong nakababa habang hinahawi ang mga estudyante na nakakasalubong.

Hindi malaman ni Sabrina kung bakit pumasok sa isipan niya si Libulan. Upang masiguro na walang masamang nangyari kay Libulan, dali-dali siyang tumakbo papalabas. Nang marating niya ang tabing-kalsada kung saan niya iniwan si Libulan, animo'y bumagsak ang puso niya na tila ba sinasabi nito na tama nga ang kaniyang hinala. Na may kinalaman kay Libulan ang kakaibang takot at kaba na naramdaman niya kanina.

Inilibot niya ang kaniyang mga mata ngunit hindi niya nasumpungan si Libulan. Nagsimulang maghanap si Sabrina, sinimulan niya sa malalapit na tindahan at kainan baka sakaling nagutom lang ito. Tumawid din siya sa kabilang kalsada sa pag-asang naghanap lang din si Libulan ng upuan.

Inabot ng halos labing-limang minuto ang paghahanap niya ngunit hindi niya pa rin nakita si Libulan hanggang sa tumunog ang kaniyang phone. Sandali siyang napatitig sa uknown number na tumatawag tulad noong may tumawag sa kaniya dahil kay Libulan. Hindi nga siya nagkamali, nang sagutin niya ang tawag, dinala siya nito patungo sa kinaroroonan ni Libulan.


AGAD hinawi ni Sabrina ang kurtina sa ospital. Animo'y humupa ang lahat ng pangamba na nararamdaman niya nang makita niyang mahimbing na natutulog si Libulan sa kama. Nakatayo sa tabi nito ang isang doktor at nurse na abala sa pagsusuri.

Napatingin sila kay Sabrina na siyang bagong dating. "Kayo po ang guardian?" tanong ng doktor. "Opo. Ano pong nangyari?"

"Nawalan daw ng malay ang pasyente sa daan. Nagrequest na kami ng mga lab tests... Okay naman siya. Normal lahat and in good condition," tugon ng doktor na muling napatingin sa resulta. Napatingin si Sabrina kay Libulan, hindi siya makapaniwala na ang kakaibang kaba na naramdaman niya kanina ay may kaugnayan pala kay Libulan at hiwagang bumabalot sa binata.

DuyogTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon