7 - Pusod ng Gubat

496 27 0
                                    

NAPAGPASYAHAN NINA LITO at Millie na magpahinga muna habang hinihintay na lumipas ang gabi. Sa kabila ng mga nakakakilabot na kaganapan sa labas ng pinagtataguan nila, naging kumportable naman si Millie. Ramdam niyang protektado at wala siyang dapat na ikatakot habang nandiyan si Lito. Mag-isa siyang nakahiga sa kama na may kutson, samantalang si Lito naman ay naglatag lang ng kumot sa sahig. Sa pagod ng katawan, hindi naglaon ay tinangay siya ng antok, at ilang saglit pa ay natagpuan niya ang sarili na nakahiga sa kama, sa loob ng sarili niyang kuwarto.

Dali-dali siyang bumangon at umupo sa gilid ng kama. Kinusot niya ang mga mata at pinasadahan ng tingin ang paligid. Tama nga siya, nakumpirma niyang silid niya nga ito at hindi siya namamalik-mata. Sa galak niya ay dali-dali niyang ibinaba ang mga paa sa sahig. Ngunit nang subukan niyang tumayo ay laking-gulat niya nang biglang nanghina ang mga tuhod niya at diretsong bumigay ang kaniyang katawan. Bumagsak siya sa sahig at agad siyang nagising. Malakas ang pintig ng kaniyang puso nang buklatin niya ang mga talukap na kay bigat. Unang bumungad sa kaniyang paningin ang presensya ng abalang lalaki sa isang sulok.

Umayos siya sa pagkakahiga; humarap siya sa kisame at sandaling natulala. Sinampal siya ng katotohanang panaginip lang ‘yon. Ilang segundo rin siyang nalunod sa sariling isipan, iniisip ang nangyari sa kaniyang panaginip na parang totoong pangyayari dahil sa linaw ng detalye nito. Nang maproseso niya ito ang katotohanang nasa Desoro pa rin siya, bumangon na rin siya at malakas na napahikab. Ilang segundo lang ay nakaramdam na rin siya ng pananakit ng ulo, pero binalewala niya lang ito.

“Mabuti naman at gising ka na. Gigisingin na sana kita.” Saglit siyang nilingon ng lalaki at nakita niyang isinara nito ang kuwaderong naglalaman ng mga sulating iniwan ng sariling ama.

“Aalis na ba tayo?” Tumayo siya at nilapitan ito.

“Hindi tayo puwedeng magtagal dito. Mahahanap tayo nina Cecilia.”

“Hindi ko pa pala tapos basahin ‘yan,” aniya nang ilagay ng lalaki ang kuwaderno sa loob ng backpack nitong may iba pang lamang kagamitan.

“Ayos lang, Millie. Ang importante ay alam ko na kung paano natin matutunton ang pusod ng bayad.”

“Natulog ka ba, Lito?” aniya nang mapansing parang matamlay ito. “Parang puyat ka ata.”

“Maaga akong nagising. ‘Tsaka masakit din katawan ko.”

Napatango-tango na lang siya at pinahid ang gilid ng mga mata niya upang linisin ito. “Saan na tayo tutungo?”

“Sa pusod ng bayan. Alam ko na kung nasaan ito.”

Wala na silang inaksaya pang sandali at agad na nilisan ang bahay. Maingat sila at sinigurong walang presensya ng ibang tao sa paligid nang humakbang sila palabas tungo sa bakuran ng bahay. Mahigpit ang hawak ni Millie sa screwdriver nang sundan niya si Lito na binabaybay ang daan sa gitna ng mga kabahayan. Nakayuko lang sila sa takot na baka may makapansin at mabilis ang kanilang mga hakbang. Hindi naman makontrol ni Millie ang sarili nang balutin siya ng pangamba. Balisa, panay siyang lumilingon sa takot na baka nasundan sila. At sa kasamaang-palad, nagkatotoo nga ang kaniyang kutob.

Sa ‘di inaasahang pagkakataon, biglang lumabas sina John at Stephen sa kalapit na bahay. Nagkatinginan sila at nanlamig siya nang makitang sumilay ang ngiti sa kanilang mga labi. Sa titig nila ay alam niyang hindi ito mag-uuwi sa magandang resulta.

“Millie, takbo!”

Isang kurap lang ay agad na kumilos ang mga paa niya at tumakbo papalayo sa mga lalaking agad ding humabol sa kanila. Nasa likuran pa rin siya ni Lito nang hindi niya matumbasan ang bilis nito, ngunit panay naman siyang nililingon ng lalaki. Takbo lang sila nang takbo at kung saan-saan na sila napadpad. Sinubukan nilang maghanap ng bahay na mapapagtaguan ngunit hindi sapat ang distansyang namamagitan sa kanila at kila John upang isagawa ito. Hindi niya alam kung hanggang kailan at saan pa sila tatakbo. Sa paglipas ng ilang minuto, ramdam niya ang paninikip ng dibdib at pananakit ng mga binti. Alam niyang bumabagal na siya. Muli siyang lumingon at laking-gimbal niya nang makita ang dalawa na mas malapit na.

Hanggang sa naramdaman na lang niya ang kamay na biglaang humatak sa kaniyang buhok. Sa lakas nito at sa patuloy niyang pagtakbo ay ramdam niyang parang mapupunit ang kaniyang anit. Sa bilis ng pangyayari ay bumagsak na lang siya sa lupa. Niyanig ang kaniyang sistema nang mahampas ang ulo niya sa matigas sa lupa. Sandaling nandilim ang kaniyang paningin at tinamaan siya ng pagkahilo. Ilang sandali lang ay binalot ng matinding pananakit ng kaniyang ulo.

Namalayan na lang niya si John na pumaibabaw sa kaniya at marahas na hinablot sa kaniyang kamay ang screwdriver, saka hinagis ito papalayo sa kaniya. Ang mga kamay nito na pumulupot sa kaniyang leeg. Hindi siya makahinga nang maayos. Pilit siyang sumisinghap ng hangin; pilit din niyang inaalis ang kamay ng lalaki. Ngunit wala talaga siyang lakas laban dito. Nanlabo na ang kaniyang paningin at nanginig ang kaniyang katawan, nagsimula nang mandilim ang paligid, ngunit bago pa man siya tuluyang nawalan ng malay ay naramdaman niya ang pagluwag ng kamay nito kaniyang leeg at gumaan din ang bigat sa ibabaw niya.

Nang magbalik ang liwanag sa paligid at naging malinaw na rin ang kaniyang paningin ay napadaing siya sa sakit ng kaniyang leeg. Mabilis at maikli ang kaniyang paghinga at kay lakas ng pintig ng kaniyang puso na dumadagundong pa. Nang makaipon siya ng lakas ay dahan-dahan siyang tumayo. Agad naman niyang naramdaman ang presensya ni Lito na inalalayan siya. At nang mabaling ang kaniyang tingin sa tabi ay laking-gimbal niya nang makitang nanginginig si John at pilit na tinatakpan ng sariling kamay ang sugat sa leeg nito na walang-tigil ang pagdurugo. Ang mga mata nito ay nanlilisik na nakatingin sa kaniya at ang mga labi nito ay gumagalaw, animo’y may nais itong sabihin.

Natulala siya at nablangko ang kaniyang isipan. Ramdam niya ang pagkahilo; parang babaliktad na ang kaniyang sikmura. At nagising siya sa katotohanan nang maramdaman ang mahigpit na kapit ni Lito sa kaniyang braso na hinila siya at tinulungang bumangon. Sa kanilang pagtakbo ay nadaanan din niya ang katawan ni Stephen na walang kabuhay-buhay sa tabi ng daan, sugatan din ito at naliligo sa sariling dugo.

Natulala pa rin siya at hindi niya maproseso ang bilis ng pangyayari. Hindi naglaon ay narating na rin nila ang kakahuyan. Pinasok nila ito at tinakbo ang maputik na lupaing puno ng mga tuyong dahon, mga patpat, at nakausling mga ugat.     Hindi rin naglaon ay tumigil sila, hinihingal silang pumuwesto sa tabi ng malaking puno. Bumigay naman kaagad ang mga tuhod ni Millie at diretso siyang umupo sa nakausling ugat, sa paanan ng malaking puno. Habang habol-habol ang kaniyang hininga, iginala niya ang paningin sa paligid sa pangambang may sumusunod sa kanila. Nang wala siyang mapansin ay sumandal na siya sa katawan ng puno at ipinikit ang mga mata.

Sa pagkakataong ‘yon ay naramdaman niya ang matinding pananakit ng ulo. Kinapa niya ito at laking-gimbal niya nang may maramdaman siyang malagkit sa nagkabuhol-buhol niyang buhok. Hinila niya ito at tama nga siya, nalagas na lang ang buhok niya nang nababalot ng dugo.

“Ayos ka lang ba?” tanong ni Lito habang hinihilot ang sariling leeg.

Hindi siya sumagot, sa halip ay tumango-tango lang siya.
Pilit niyang pinapakalma ang sarili at pinipigilan ang panginginig ng mga kamay. Paulit-ulit na tumatakbo sa kaniyang isipan ang imahe ng dalawang lalaking pinaslang ni Lito. Kahit ‘yon ay depensa lang niya ay hindi pa rin niya mapigilan ang sarili na magduda at mangamba sa kasama.

Masasayang BayanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon