6 - Nilalang

492 33 1
                                    

“A...Ano?”

“Walang nakakaalam kung nasaan tayo sa mundo at kung anong panahon tayo napadpad. Basta’t ayon sa aking ama, ang bayang ito ay isinilang upang husgahan ang tao. Ang mga napupunta sa bayang ito ay binibigyan ng bagong pag-asa at tsansa na baguhin ang buhay,” salaysay nito. “May tsansa sila noon na gawin itong paraiso dahil sa rami ng mga bungang-kahoy at pananim sa bayan. Ngunit, nanaig pa rin ang kasakiman ng tao. Kailanman ay hindi magawang magbago ng mga tao. Nang magsimula silang mag-agawan ng lupain at nang dumanak ang dugo sa lupa ay bumaba ang ulap sa kalangitan at pinalibutan ang bayan, at doon na nagsilitawan ang mga nilalang na isusuot ang katawan ng mahal mo sa buhay, lolokohin ka, hanggang sa mahulog ka sa bitag nila at papaslangin na. Ang pangakong magiging maganda ang buhay ng mga napiling mamamayan, napalitan ito ng bangungot. Ang dating paraiso ay naging isang impyerno.”

Wala siyang masabi. Natulala siga at pinoproseso pa rin ang isinalaysay nito.

“I...Ibig sabihin ba nito ay hinuhusgahan din ako ngayon? B...Bakit, Lito? Naging mabuti naman ako. wala akong ginagawang masama.”

“Hindi ka masama, Millie. Nagbago na ang takbo ng bayang ito magmula no’ng bumaba ang ulap. Ang lahat ng napipili ng bayan at napapadpad dito ay espesyal---sila ang tulay sa mundong ito at sa kabilang mundo. Ipinadala kayo upang sagipin ang bayan at ang mga inosenteng buhay na narito. ‘Yan ang dahilan kung bakit gustong-gusto ni Cecilia na maangkin ka niya.” Napabuntong-hininga ito. “Sa kasalukuyang kalagayan ng bayang ito ay napakadelikadong mapunta ka sa maling kamay. Hindi na maaaring may makapapasok pa rito. Kaya ako narito...hangad kong putulin ang koneksyon ng bayang ito sa mundo natin. Panahon na upang wakasan ang pagkamatay ng inosenteng tao na napupunta rito.”

“Sa paanong paraan, Lito?”

“Kailangan nating hanapin ang pusod ng bayan, nandoon ang susi na magsasara sa lagusan.”

“Alam mo ba kung nasaan ang ito?”

“Nakasulat sa kuwaderno ang paraan upang matunton ito. Ngunit,  hindi tayo magiging matagumpay kung nandiyan pa rin sina Cecilia. Hangga’t buhay sila, hindi tayo magiging ligtas. Hindi mo pa alam kung ano ang kaya nilang gawin.

“K...Kung magagawa nating isara ang lagusan, makakabalik ba ako sa ‘min?”

“Hindi ko alam, pero sisiguraduhin ko ito, Millie. Pangako ko ‘yan, sa ‘yo.”

Takot at nangangamba man sa sariling buhay, naghanda pa rin si Millie. Nanghalungkat siya at sinuyod ang mga kagamitan sa silid na kinalalagyan, naghahanap ng puwede niyang gamiting proteksyon. Sa isang cabinet ay wala siyang nahanap na armas, ngunit mayroon naman itong mga mga damit na bagay sa kaniya at saktong-sakto lang sa katawan niya. Agad siyang nagbihis. Makalipas ang ilang minuto ay suot na niya ang kupas na pantalon, isang itim na damit na may mahabang manggas na hanggang sa pulupulsuhan niya, at saka pinaibabawan ito ng puting damit. Nagpatuloy naman siya sa paghahanap hanggang sa makalipas ang ilang minuto, sa isang drawer, ay may natagpuan siyang screwdriver. Ibinulsa niya ito at saka nanghalungkat pa.

“Kailangan na nating umalis.”

Nabaling ang tingin niya sa lalaki at napansin niya, kahit sa simpleng liwanag lang ng mga gasera, na nagsimula nang mamaga ang mukha nito. Kahit tinitignan lang niya ay ramdam niya ang sakit nito.

Napatango siya at tumigil na rin sa paghahanap. “Saan tayo magsisimula?”

“Kung saan tayo dadalhin ng bayan.”

Nanguna ito at tinungo ang isang itim na aparador na nababalot ng makapal na alikabok. Pagbukas ng lalaki ay agad itong gumapang papasok sa loob. Hindi naman siya nag-aksaya pa ng sandali at agad na sumunod. Sa pagkakataong ito ay may naramdaman siyang kakaiba sa aparador na pinasok. Mistulang may puwersang humahatak sa kaniya. Kung kaya’t hindi siya nagtangkang tumigil at sumabay lang sa agos.

Hindi naglaon, natagpuan niya rin ang liwanag sa dulo mula sa siwang ng pintuan. Tinulak niya ito at gumapang palabas. At bumati sa kaniya ang iba na namang silid. Dahan-dahan siyang tumayo at saka sinuri ang paligid na tanging ang nagbibigay-liwanag ay ang maliit at paupos na kandilang nakatirik sa sahig. Lahat ng bintana ay nakasara at may makapal na kurtina na nakaharang. Nang matuon ang pansin niya kay Lito ay sinenyasan siya nito na huwag maingay at lumapit sa kaniya, kung kaya’t dali-dali niya itong dinaluhan.

“Panoorin mo,” bulong nito sa kaniya.

Dumistansya si Lito at siya naman ang pumalit sa puwesto nito. Hinawi niya nang kaunti ang kurtina at sinilip ang labas.

“Gabi na pala,” napagtanto niya.

“Iba ang takbo ng oras sa tuwing ginagamit natin ang lagusan.”

Hindi siya makapaniwala sa bilis ng panahon sa bayang ito. “Anong ipapakita mo sa ‘kin?”

“Hintayin mo lang.”

At ilang saglit lang ay nanindig ang balahibo niya nang magsimulang bumaha sa kalsada ang mga nilalang na anyong-tao. Ang mga balat nila ay napakaputla, walang suot na damit, at walang buhok. Tahimik lang sila, diretso ang tingin sa paroroonan, at tanging ang mga paa at kamay lang ang gumagalaw. Nagkalat sila at naghiwa-hiwalay, tinutungo ang bawat bahay na nadaraanan. At nasaksihan niya rin kung paano nag-iba ang hitsura ng mga estranghero sa tuwing ito ay lumalapit sa mga bahay. May tumubo na buhok sa ulo nila, nag-iba ang hugis at laki ng katawan, at mayroon na ring suot na damit.

“Anak? Jun?”

Napako ang tingin ni Millie sa kaharap na bahay kung saan nakatindig ang babae at lalaki sa may bungad ng pinto. Sa liwanag ng poste sa labas ay kitang-kita niya niya ang kaganapan.

“Ma?”

“Anak, pagbuksan mo kami.”

Agad siyang kinabahan dito. Gusto niyang sumigaw at bigyan ng babala ang sinumang panauhin sa loob ng bahay, ngunit bago pa man siya makapagsalita ay bigla siyang hinawakan ni Lito. Nang mabaling ang tingin niya rito ay sumenyas ito na huwag umingay at umiling-iling. At huli na nang matuon ang atensyon niya sa labas. Nasaksihan na lang niya kung paano kaladkarin ng dalawang nilalang ang binata palabas na sigaw nang sigaw sa takot. Agad siyang napatakip sa sariling bibig nang sa isang iglap ay biglang dinumog ang binata at kinakagat ng mga nilalang na suot-suot ang mukha ng kaniyang magulang. Mabilis siyang napaiwas ng tingin, umatras kaagad, at nanginginig na napaupo sa upuang gawa sa kahoy nang masaksihan niya ang kagimbal-gimbal na tanawin.

Mariin niyang ipinikit ang mga mata ngunit hinding-hindi niya magawang burahin sa isipan ang imahe ng katawan ng binata na napunit at nagkalasog-lasog nang pagtulungan ng mga nilalang. At dinig na dinig pa rin niya ang palahaw nito sa mga huling sandali.  Nakakakilabot. Nakakasuka.

“Ganiyan ang mangyayari sa lahat ng tao kung magagawang buksan ni Cecilia ang lagusan,” babala ni Lito. “Kaya kailangan natin siyang patayin.”

Masasayang BayanWhere stories live. Discover now