Broken Crayon

4 3 3
                                    

To someone who is broken and can't appreciate their color anymore, this one's for you :)

***

Naranasan mo na bang hindi mapahalagahan at ituring ng iba na patapon na lang? 'Yung hindi ka na nila isinasama sa mga usapan nila at tinuturing ka na lang nilang invisible sa tuwing nandyan ka?

Ako kasi oo. Ako 'yung tipong laging hindi napapansin at pinahahalagahan. Lagi lang akong naro'n sa sulok, kasa-kasama ng dilim at kalungkutan. Hindi ko alam kung sanay na ba'ko sa gano'n, kasi may konti pa rin sa loob ko na nasasaktan 'pag naaalala ko iyon. Hindi pa ako manhid. Dahil may damdamin pa rin ako, kahit pa habang tumatagal, padurog ng padurog na iyon.

Ako nga pala si Peach. Isa ako noon sa mga paboritong krayola ng cute at mabait na batang si Mich. Mahal na mahal ko siya at ng iba ko pang kasamahang mga krayola kasi palagi nya kaming ginagamit at inaalagaan.

Labing-isa kaming lahat na mga krayola niya. Si Pula, si Asul, si Dilaw, si Kahel, si Berde, si Rosas, si Itim, si Brown, si Puti, ako, at si Lila.

Isa si Dilaw sa mga pinakapaborito niya dahil siya ang nagbibigay liwanag sa araw at mga bituin na iginuguhit niya. Ganoon din sina Asul at Pula; silang tatlo ang madalas na ginagamit niya sa bawat larawan na iginuguhit niya.

Minsan naman, nagkakasama kami ni Berde dahil hilig rin ni Mich ang gumuhit ng mga bulaklak na may dahong kasama. Ako ang laging pinipili niya para kulayan ang magagandang bulaklak na iyon, kahit pa madami naman kaming pwedeng pagpilian pa. Hindi ko rin sya noon maintindihan... pero naging masaya na lang ako kasi lagi niya 'kong ginagamit gaya nila Pula.

Sila Kahel, Itim, Brown, Rosas, Puti at Lila naman, madalas din silang gamitin ni Mich lalo na kapag pinaguguhit siya ng guro niya ng isang mukha gaya na lang ng mukha ng mama't papa niya. Si Brown ang para sa kutis nila na medyo kayumanggi, si Itim at si Puti naman ang para sa mga magagandang ngipin nila at mga mata, habang si Rosas ang sa labi nila, at sila Kahel at Lila ang sya namang pinangdedesensyo niya sa mga buhok nila dahil sa ito ang paborito nilang kulay.

Wala ni isa man sa amin ang nai-itsapwera. Lahat kami ay may kagamitan. Lahat niya kami ginagamit at pinahahalagahan.

Ngunit dumating ang isang pangyayari na hindi ko noon pinaka-inaasahan. Isang pangyayari kung kailan bumago bigla sa masaya at matibay naming pagsasamahan...

Naputol ako.

Nangyari iyon matapos niya akong ilabas sa lalagyan namin at gamitin upang ipangkulay sa magandang bulaklak na kaniyang naiguhit para sa kanilang assignment. Hindi niya sinasadyang madiinan ang paglapat ko sa papel at iyon ang naging dahilan upang maramdaman ko ang pinakamasakit na mga sandali ng buhay ko. Ang pagka-putol ko...

Nasaksihan ko kung paano siya umiyak noon habang pilit na ipinagdudugtong muli ang nahating katawan ko. Nasaksihan ko rin ang bawat araw na hindi namin sya makitaan ng kahit konting ngiti sa kaniyang labi, kagaya ng noon.

Masakit. Sobrang sakit para sa akin na makita siya na ganoon. Pero kahit anong pilit ko pa na baguhin ang kanyang sitwasyon, wala na rin akong magagawa. Nangyari na ang nangyari, hindi ko na maibabalik pa ang dating anyo ko noon.

Lumipas ang mga araw at unti-unti kong namamalayan na lumalayo na ako ng lumalayo mula sa aking mga kasamahan. Hindi na'ko madalas kinakausap nila Asul at Pula, habang si Berde naman ay may bago na ngayong kasama. Si Rosas. Magmula ng maputol ako, siya na ang laging hinuhugot ni Mich mula sa aming lalagyan kasabay ni Berde. Siya na rin ang palagi niyang ipinangkukulay sa bawat bulaklak na kaniyang naiguguhit. Bihira na niya akong ilabas sa aming lalagyan at madalas ay naiiwan na lang ako roon sa loob sa tuwing magkukulay siya ng maramihan. Sa gitna no'n, nakikita ko pa rin ang pagsimpatya sa'kin ng iba ko pang mga kasama, gaya na lang nina Dilaw at Lila, na noo'y nagi ko ring mga kaibigan. Pero wala na rin naman silang magagawa pa dahil ito na talaga ako. Isa na lang akong putol, walang kwenta, panget at krayolang patapon.

You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: Mar 15, 2023 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

Broken CrayonWhere stories live. Discover now