"Ang Alta Tierra marahil ang natanaw mo. Bubong ng mansiyon ang natanaw mo. Malayo iyon dito. Pag-aari ng mga magulang at kapatid ni Mr. Navarro ang lugar na iyon. Dalawang beses pa lang akong nakarating doon. Iyong una ay sa dagat pa. At tulad mo ay natanaw korin ang mansiyon ng mga Navarro kaya pinilit ko si Lolo na tumungo roon."

"Mansiyon sa isang isla? Sa matarik na lugar? That's neat!"

"Yeah. Parang paraiso ang Alta Tierra, Zach. Hanggang ngayon ay pinanatiling walang modernong komunikasyon doon. Maliban sa two-way radio. Matagal nang may mga cell site sa malapit na isla pero sa pagkakaalam ko, kapag nagtutungo rito ang mga Navarro para magbakasyon ay sadyang iniiwan ang mga cell phone. They're totally cut off from the rest of the world."

"That's neat! Paano kung may emergency?"

"Mula sa mansion ay isang oras na biyahe sa Destileria. Doon ay may telepono. Pero ang gamit niyon ay natatangi sa negosyo lamang. Hindi ko lang alam kung may telepono sa Hacienda Monica sa Sto. Cristo. Si Don Franco lang naman ang sadyang nagbawal na walang telepono kapag narito sila sa isla."

Nilaro ni Zach ang cell phone. "Hindi ko yata kayang walang cell phone," aniya. "Nasa iisang isla kayo, bakit dalawang beses ka lang nakarating doon?"

"Pribado ang bahaging iyon ng isla. Pero siguro kung ginusto kong magtungo roon ay puwede naman. Mabait naman si sir Alvaro, iyong panganay na anak ng mga Navarro. Sakamalayo iyon mula rito sa amin. Dalawang oras mahigit sakay nitong karomata. Mas madaling magtungo roon kung sa dagat ang daan."

"So, ano ang plano natin bukas?" Umaasam siyang sa Alta Tierra siya yayakagin ni Caleb.

"May karnabal sa di-kalayuan sa bayan. Malapit na iyon sa Santo Cristo ranch. Iyong lugar ay ipinahihintulot sa kanila ni sir Nick taon-taon. Punta tayo roon. Maraming chicks din doon na tiyak na nakikipamiyesta rin."

"Other than that?" Wala siyang excitement na maramdaman para sa karnabal. Pangkaraniwan na iyon tuwing may piyesta. Ni hindi niya nakahiligang magtungo roon. At kung girl hunting naman, disin sana'y sa escuelahan na lang nila.

Pero hindi niya isinatinig upang hindi ma-offend si Caleb. Nang imbitahan siya nito sa lugar na iyon ay nais lang niyang pagbigyan ang kaibigan. Noong nakaraang taon pa siya nito inimbitahang magtungo sa isla na iyon pero tinanggihan niya dahil nagkataong may sakit ang kanyang papa.

Kaya ngayong muli siya nitong inanyayahan ay kailangan niyang pagbigyan ito. At inaasahan na niyang wala naman siyang bagong makikita na hindi pa niya nakita sa kanila. That he would be bored to death.

But he was wrong. Sa ferry pa lang ay natuwa na siya. He had never been to an island. O nakasakay man lang ng ferry. Sabi ni Caleb ay may barge din daw. Marahil sa pagbabalik nila sa kabisera ay pipiliin niyang sa barge sumakay, kung posible.

Habang tinatanaw niya ang Alta Tierra kaninang nasa dagat sila ay naroon ang pagnanais na gusto niya iyong makita at marating. May waterfall din siyang natanaw mula sa malayo na marahil ay sa isang munting lawa bumabagsak ang tubig at tumutuloy sa dagat.

Gayon na lang ang paghanga niya sa buong paligid. Sa mga kakaiba at naglalakihang punong noon lang niya nakita sa buong buhay niya. It was as if they were in a foreign land.

"Makakahiram tayo ng kabayo kay Lolo," pukaw ni Caleb sa pag-iisip niya. "Marunong ka bang mangabayo?"

"Sasakyan mo lang naman iyan, 'di ba?" He gave a short laugh. "Sa amin ay may kabayo rin. Pero kinakargahan ng kung ano-ano."

"Ganoon din sa amin. May isang kabayo si Lolo pero hindi magandang klase. Hindi gaya ng mga napapanood mo sa sine at ng mga kabayong pag-aari ng mga Navarro. Galing pa sa ibang bansa ang mga kabayong nasa kuwadra nila. Iyon ang sabi ni Mang Erning, ang tagapag-alaga ng mga kabayo. May narinig pa nga akong Arab breed."

Kristine Series 53: Magic Moment, Book 2: I Have Kept You In My HeartWhere stories live. Discover now