“Ganoon man, siguradong imposible na dalawa kayong umiiral na Water Celestial King at Queen. Marahil ang iyong ina.. ay isa nang pangkaraniwang water celestial ngayon dahil ipinasa niya na sa iyo ang kaniyang kapangyarihan,” paliwanag ni Firuzeh.

“Ibig sabihin, kung totoo ang hula ko, nanganganib na mawala sa posisyon ang iyong ina. Kapag nawala ang kapangyarihan niya, ibig sabihin ay hindi malabong may papatay sa kaniya para makuha ang kaniyang titulo.”

Naikuyom ni Finn ang kaniyang kamao. Hindi niya inakalang ganito katindi ang sitwasyon na kinahaharap ng kaniyang totoong ina. Nanganganib ang buhay nito ngayon dahil sa kaniya, at kahit na hindi niya pa ito aktwal na nakikita kahit isang beses, malaki ang pagmamahal niya rito dahil dalawang beses na siya nitong iniligtas at tinulungan.

“At para sa kaalaman mo, ang kasalukuyang namumuno sa Celestial Clan ay ang Wind Celestial King na siya ring kilala bilang Celestial Sky Emperor. Kahit na nasa iisang angkan ang mga Celestial King at Queen, hindi nila itinuturing na kakampi ang isa't isa. May magkakahiwalay silang teritoryo, at nagkakaroon lang ng kooperasyon sa pagitan nila kung sakaling kinakalaban na ang angkan nila ng angkan ng mga demonyo o divine beast.”

Ipinaliwanag ni Firuzeh sa kaniya kung sinu-sino ang mga Celestial King at Queen sa Celestial Clan. Bukod pa roon, nalaman niya rin ang iba pang mahahalagang bagay tungkol sa Demon Clan at Divine Beast Clan. Nalaman niya mula rito na ang kasalukuyang Divine Beast King na siya ring Moon-eater Beast Emperor na si Baku, ang ama ni Migassa.

Tinandaan ni Finn ang mga bagay na ito lalo na ang mga sinabi ni Firuzeh tungkol sa mga indibidwal na kailangan niyang mag-ingat.

“Kailangan mong mag-ingat sa kasalukuyang alchemy god. Pagmamay-ari mo ang Heavenly Divine Cauldron, at kapag nalaman niyang isa itong divine artifact, gagawin niya ang lahat para makuha ito mula sa iyo,” sabi ni Firuzeh.

Makahulugang ngumiti si Finn kay Firuzeh. Napakalapad ng kaniyang ngiti na para bang mayroon siyang masamang binabalak. Napakunot ang noo ni Firuzeh, kakaiba ang nararamdaman niya sa ngiti nito.

“Hahayaan mo bang makuha niya ang Heavenly Divine Cauldron?” Biglang tanong ni Finn.

“Siyempre hindi!” Agad na tugon ni Firuzeh nang hindi pinag-iisipan ang kaniyang sinasabi. Para bang kusa na lang itong lumabas sa bibig niya dahil sa matindi niyang pagtutol sa ideya na makukuha ng kasalukuyang alchemy god ang Heavenly Divine Cauldron.

“Kung gano'n, hindi ko kailangang mag-alala. Hindi ba't nariyan ka para pangalagaan ang ating kayamanan? Hindi ako interesado na gamitin iyan sa paggawa ng mga produkto ng alchemy kaya sa inyo ni Munting Poll ko ipinaubaya ang divine artifact na iyan. Kaya kung iisiping mabuti, kayong dalawa ang dapat mangalaga sa Heavenly Divine Cauldron,” makahulugang sabi ni Finn.

Huminga ng malalim si Firuzeh. Natuwa siya dahil sa malaking tiwala at oportunidad na ibinibigay sa kaniya nito, pero pakiramdam niya ay naisahan siya ni Finn at ginawa siya nitong taga-pangalaga ng kayamanan.

“Hindi ko hahayaan na makuha niya ang Heavenly Divine Cauldron mo. Kailangan pa namin ito para sa aking pinag-e-eksperimentuhan, ganoon man, kailangan mo pa ring pangalagaan ang sarili mo at huwag mong basta-basta ilalabas ang iyong alchemy flame,” seryosong sabi niya. “Bukod sa alchemy god, kailangan mo ring mag-ingat sa labing dalawang emperador at imperatris ng divine realm. Lalong-lalo na sa kasalukuyang Blood Demon Emperor. Siya ang tuso sa lahat ng tuso, pinaglalaruan niya ang lahat sa kaniyang mga palad, at kahit ang Ethereal Sun Emperor noon ay hindi nagkaroon ng makabuluhang rason para paslangin siya,” sabi niya pa at mababakas ang masidhing galit sa kaniyang boses.

Naramdaman na lang ni Finn na may lumalabas na kakila-kilabot na aura mula kay Firuzeh. Huminga siya ng malalim dahil ramdam na ramdam niya ang pagkasuklam mula rito.

“Hindi lang basta malakas ang Blood Demon Emperor. Punong-puno rin siya katusuhan, at ang katusuhang ito ang kaniyang naging sandata kaya siya hindi napuruhan sa nangyaring pandaigdigang digmaan daang-libong taon na ang nakararaan. Mag-ingat ka sa kaniya. Masyado siyang maimpluwensiya kaya mas makabubuti na huwag kang makipagbuno sa demonyong iyon. Pero, kung magkakaroon ng pagkakataon, hihilingin ko sana sa iyo na tulungan ako na pabagsakin ang demonyong iyon, Finn,” mariing sambit ni Firuzeh.

“Walang problema,” balewalang tugon ni Finn. “Hindi ba't siya ang rason kung bakit nahati ang puwersa noon sa alyansang binuo ng Ethereal Sun Emperor? Marami ang nagdesisyon na hindi makilahok dahil sa pakikialam ng isang iyon. Ayoko sa kaniya kaya sisiguruhin ko na babagsak siya.”

Natigilan si Firuzeh. Hindi makapaniwala ang kaniyang ekspresyon. Tiningnan niya si Finn kung nagbibiro lang ito, pero ang nakita niya sa mukha nito ay isang kumpyansang ngiti at ekspresyong punong-puno ng determinasyon. Nawalan siya ng sasabihin. Napangiti na lang siya, pero sa loob-loob niya ay labis na kagalakan ang kaniyang nararamdaman.

“Bukod sa mga indibidwal na kailangang mag-ingat, mayroon din namang mga indibidwal na maaari mong maging kakampi base sa iyong karakter. Kapag napunta ka na sa divine realm, at kapag matatag na ang iyong impluwensiya roon, subukan mong makipag-usap sa Peace Emperor. Sigurado ako na pakikinggan ka niya at ang hangarin ng New Order...”

Nakinig pa si Finn sa mga ipinaliliwanag ni Firuzeh. Madami siyang nalalaman habang tumatagal ang kanilang usapan, pero hindi maalis sa kaniyang isipan ang posibleng kondisyon ng kaniyang totoong ina. Nag-aalala siya dahil may posibilidad na mapahamak ito sa oras na malaman ng iba ang tungkol sa kalagayan niya.

--

Legend of Divine God [Vol 13: Land of Origins]Where stories live. Discover now