KABANATA 1

4.6K 154 9
                                    

Authors Note: Pasensya na kayo dahil matagal bago ako makapag-update, medyo super busy lang talaga sa ngayon . Maraming salamat. :)


The Fort, Taguig


NAGTATAKA Si Moymoy dahil walang tigil sa pagliwanag ng kanyang dibdib. Nagulat siya nang parang may naiiba rito-lumabas ang mapa.

Ano'ng nangyayari, tanong niya sa kanyang isip.

Nanlaki ang mga mata ni Moymoy-nakita niya ang guhit ng mapa. Pero hindi natapos doon ang kanyang pagkagulat-nakita niyang nag-iiba ang guhit-nag-iiba-iba ang direksiyon. Lalo pang nagliwanag. Ang buong banyo ay mistulang inarawan. Unti-unti, ang kulay puting ilaw ay nagiging pula. Kaagad na napatingin si Moymoy sa pinto, natakot na baka biglang may pumasok. Pero bago matapos ang kanyang pag-aalala ay unti-unti ring namatay ang ilaw at bumalik sa dating histura ang kanyang dibdib-ang kanyang balat.

Ibinaba ni Moymoy ang kanyang T-shirt para takpan ang lumiliwanag na dibdib. Paglabas ng banyo, napansin niyang wala nang tao sa museo.

"Ang Mommy..." Hindi niya maiwasan ang kindi makapagsalita dala ng pag-aalala.


HINDI NAMALAYAN ni Tracy na kanina pa sarado ang binabantayan niyang souvineir shop sa Mind Museum. Dala ng pagod, nakatulog siya. Marami kasi kaninang nagpunta sa museo dahil isang malaking eskuwelahan ang nagpa-book para sa kanilang field trip. Napansin niya na mula nang pumasok siya rito, dumami ang nagpupunta roon kaya naman dumami rin ang mga batang nagpupunta sa souveiner shop. Sabi pa ng boss niyang lalaki, mula raw nang i-hire siya bilang cashier, palaki nang palaki ang benta ng shop.

"Ako ang suwerte, boss!" laging pagmamayabang ni Tracy.

"Yes, lucky charm ka nga," laging sagot ng boss niya.


MADALING natanggap si Tracy sa pinagtatrabahuan niya sa Mind Museum sa The Fort. Marami na kasi siyang karanasan sa customer service. Nang manggaling siya sa Singapore, dito siya nag-apply kaagad sa souvenir shop ng museum. Madali niyang napag-aralan ang kanyang trabaho-pamilyar na kasi sa kanya ang mga items na tinitinda lalo na ang mga libro.

Kanina pa hinihintay ni Tracy si Moymoy. Usapan nila na oras na matapos siya sa loob ng museum ay uuwi na sila. Inayos niya saglit ang kanyang mahabang buhok habang nakatingin sa repleksyon ng salamin sa eskaparate. Kinausap ang sarili. "Itong bata'ng ito talaga. Sabi nang pagkatapos na pagkatapos lumabas na siya."

Kinuha ni Tracy sa kanyang bag ang cell phone. "Makapag-selfie na nga." Inilayo niya nang bahagya ang cell phone sa kanyang mukha at automatikong nag-duck face. Clik siya nang click sa cellphone. Iba't ibang anggulo. Mayroong itataas niya ang kanyang buhok sa paseryosong ekspresyon. May nakatingin sa taas. Sa ibaba. Pero halos lahat ng poses niya ay pa-duck face. Nang sa kanyang pagse-selfie ay may bigla siyang nakitang pigura sa labas ng shop. Nakatayo. Bigla niyang nakuhanan ito na kasama siya sa kanyang selfie. "Hay, kabayo!"

Nakangiting nakatingin sa kanya si Moymoy.

"Moymoy, huwag mo nga 'kong takutin. Kanina ka pa ba diyan?" Sabay bukas niya sa nakakandagong shop para siya makalabas sa salaming pintuan.

"Ma, 'wag ka kayang matatakutin. Nandito ako," nagmamayabang na sabi ni Moymoy.

"Ows, tumigil ka nga riyan. Heto't nagsasara na 'ko ng tindahan," habang kinakandado ni Tracy ang pintuan. "Di ba sabi ko lumabas ka na agad diyan sa museum. Nawili ka na naman siguro doon sa tumataas ang buhok mo 'no. Ano ba 'yon? Yung kapag hinawakan ng dalawang kamay mo magtataasan ang buhok mo at pati balahibo mo."

Moymoy Lulumboy Book 2  Ang Nawawalang Birtud (COMPLETED)Where stories live. Discover now